Dumalo ako sa isang pagtitipon. Isa sa mga kababaihan ang nagbiro na ang Ina daw ay bombilya ng tahanan na nagbibigay ng liwanag; subalit ang ama daw ang pumupundi sa ilaw.

Ilaw	 (Photo Credit: Eilselleslie.multiply)

Ilaw (Photo Credit: Eilselleslie.multiply)

Isa sa mga ama ang pabirong sumagot din, at ang sabi, ang ama ang haligi ng bahay; ang ina ay anay na sumisira sa haligi. Lahat ay nagtawanan.

Tinanong ko ang isang batang lalaki kung alin sa kuwento ang gusto niya; ‘yong nauna tungkol sa ina o yong pangalawa tungkol sa ama. Ang sabi ng bata ay ‘yong una dahil sa masaya ang bahay kung maliwanag. Nagtanong ulit ako sa ibang bata kung ano ang mas gusto nila. Isang bata ang sumagot na gusto niya daw ang pangalawa dahil sa kapag ang bahay ay walang haligi, madaling matumba.

Parehong tama ang mga sagot nila. Isang batang babae – walong taon ang edad, ang nagtaas ng kamay. Ang sabi niya ay gusto niya pareho. Bakit, ang tanong ko. Sabi niya ay kinakailangan ang ilaw para sa bahay dahil may gabi at may araw. Kailangan mo rin ang matibay na haligi para hindi gumiba ang bahay. Tinanong ko ang babae kung ilan ang kapatid niya. Itinuro niya, yong dalawang sumagot ay panganay niya. Siya daw ay bunso.

Napag-isip-isip ko na nakita ng batang babae ang kabutihan sa dalawang kuwento – iyon ang umakit sa akin para isipin na bakit kalimitan ay bulag tayo sa kabutihan at una nating napupuna ang kamalian ng tao? Tulad na lang sa mga diskursyon sa mga sekto ng mga Kristianong relihiyon.

Iisang Diyos ang ating pinaniniwalaan, pero kung magsiraan ay ganoon na lamang. Pagmamahal ang turo ng Bagong Daan, pagmamahal sa kapwa tao katulad ng pagmamahal ni Jesus Kristo. Ako ay naniniwala sa Diyos – lumaki akong Katoliko at nagisnan ko ang pagtanggap ng simbahan sa lahat. Ang ibig sabihin ng Katoliko ay Universal o sanlibutan. Sa tanang buhay ko, wala akong narinig sa mga Pare o sa simbahan na hinusgahan ang kamalian ng ibang sekto. Pagmamahal sa kapwa tao at sa Diyos ang muli at muli nilang hinahabilin sa lahat. Sana matutunan natin na unang pansinin ang kabutihan sa tao – dahil ang tao ay likas na mabuti. Kaya gamitin ang nalalaman na nanggagaling sa Biblia para palaguin ang pagmamahalan natin sa kapwa – hindi ang paninira.

Pagmamahal ang biyaya sa atin na hindi pa natutunan ng marami na gamitin ng totoo. Sana matutunan natin ito sa salita at sa gawa upang magkaroon tayo ng haliging matibay at bombilyang walang palya.

author: joey

p.e./kf