“Kuya, may cancer si mama. Cancer daw sa baga. Tatlong buwan na niyang alam, pero inilihim niya…”

Yun ang balitang narinig ko dalawang buwan na ang nakararaan.  Balita na sumubok yata sa lahat ng katatagang mayroon ako.  Kagagaling ko sa duty noon sa isang hospital dito sa Dubai, ‘di pa ko nakapagpapalit ng uniporme, tumawag

A Mother’s Embrace     (Photo Credit:   Drmomma.org)

A Mother’s Embrace (Photo Credit: Drmomma.org)

na yung kapatid ko, at nalaman ko ang pinakamasakit na yatang balitang narinig ko sa buong buhay ko.

 Dali-dali akong tumawag kay mama pagkarinig ko ng balita, ‘di ko mapigilang umiyak at sinabing uuwi agad ako. Pero nagalit pa siya, kaya naman daw niyang magpagamot kahit siya lang mag-isa, sinundan lang daw siya ng bunso namin kaya nalaman pa namin, pero wala na nga daw siyang balak ipaalam. Nagalit ako, at sinabing hindi biro ang sakit na cancer, lalo at sa baga pa. Tumawa pa siya, masyado daw akong nagiging advanced mag-isip. Idanahilan pa na nurse ako, at ako, higit sa dalawa kong kapatid ang nakakaalam na advance na ang teknolohiya sa ganong sakit. Sinabi ko na nurse nga ako, kaya alam ko kung gaano kadelikado yung sakit niya.

Sa dulo ng pag-uusap, nanaig pa din ang kagustuhan nya, bilang ina ko, nagpailalim ako sa kagustuhan nya. Nagkasundo kaming tatapusin ko lang ang kontrata ko dito, pagkatapos ng dalawang buwan, uuwi kako ako sa ayaw at sa gusto nya. Pumayag naman siya.

 Nakaraan ang dalawang buwan, at eto na nga ako, pagkatapos ng pagsisilbi sa banyagang bansa ng tatlong taon, muli akong aapak sa bayang kong kinalakihan. Ayaw ko mang tanggapin, alam kong malala na ang lagay ni mama. Magdadalawang linggo na daw silang nasa hospital sabi ng bunso namin. Ulila na kami sa ama, maaga siya pumanaw at naiwan sa balikat ni mama ang pagbuhay sa tatlong nilang anak. Ginawa niya lahat para mapagtapos ako upang matulungan ko naman ang mga kapatid ko. Dakila si mama para sa akin, higit sa kanino man, ako ang nakakita sa lahat ng paghihirap nya, kung paano siya kumayod na parang kalabaw, kung paano siya mapahiya sa mga tao tuwing hindi sya makakabayad sa utang dahil kailangan niyang unahin ang tuition ko. Hindi biro mag-aral ng nursing, pero wala akong narinig kay mama kahit katiting.

 Pag nakaharap siya sa amin, tatawa lang siya pag nababanggit ko yung tungkol sa kung paano kami maliitin ng taong pinagkakautangan namin. Mga salita tulad ng, masyado kasing mataas ang pangarap namin ni mama, mas bagay daw sa akin na mag-enroll na lang ng vocational course sa TESDA. Nagagalit si mama pag sinasabi ko sa kanya yun. Sabi nya, inaagawan na nila kami ng karapatang magsalita laban sa kanila, wag ko na daw hayaang agawin pa nila yung pangarap na meron ako. Pangarap daw ang magdidikta kung gaano kaluwang o kasikip yung mundo gagalawan ko sa hinaharap. Wag na lang daw namin pansinin, ganun daw siguro yung mundong ginagalawan namin ngayon, pag nangutang ka ng pera sa isang tao, obligadong lumugar ka ng mas mababa sa kanya. Magbibiro pa siya at sasabihing, “madaldal talga yung tabatchoy na yun…”

 Akala namin ok lang lahat kay mama, pero minsan nakita ko siya, hawak yung picture ni papa, umiiyak ng tahimik. Sa bawat patak ng luha ni mama nandun lahat ng sakit at hinanakit sa mundo. Sa bawat luha nya, nandun yung nasaktan niyang sarili bilang ina sa mga anak nya na di niya kayang ipagtanggol sa mapagsamantalang mundong nakagisnan nila.

“Pate, nandito na tayo.” Masyado yatang nalalim ang pag-iisip ko at kinailangan pa kong tapikin ni Manong tricycle driver sa balikat. Sinundo ako ng kapatid ko sa airport, naiwan yung bunso namin sa hospital para kasama ni mama. Dumiretso kami sa bahay, nagbihis lang ako at nagpunta na sa hospital. Pinaiwanan ko na lang kapatid ko para siyang mag-ayos ng mga gamit ko. Sabik na sabik na ko mayakap si mama. Ilang sandali pa, nakatayo na ko sa isang pribadong silid sa malaking hospital dito sa probinsya namin.  Kumatok ako, ilang sandali lang, bumukas yung pinto. May bahid pagkagulat sa mukha ni bunso, marahil sa mahabang panahon na di ako nakita, parang nanigurado pa siya ng tinawag niya ako, maya-maya bigla siyang yumakap. Nasa loob din ng kwarto yung tiyahin ko, ate ni mama.

 Hinanap ng mata ko ang tinuturing kong pinakamahalagang babae sa buhay ko. Natagpuan ko siyang nakapikit, habang may nakakabit na nasal cannula sa ilong niya na nakakonekta sa oxygen tank sa gawing kanan nya. Sa tabi ng oxygen tank, andun yung swero at isang bag ng dugo na kasalukuyang isinasalin kay mama. Napakalaki ng pinayat nya. Halos di ko siya makilala. Mabuti na lang at andoon pa din sa mukha na yun ang maamong parte na hinugutan ko lagi ng lakas.

 Tangka gigisingin ni bunso si mama ng pinigil ko siya. Hayaan na kakong magpahinga, pero bilin daw ni mama na gisingin siya basta dumating ako. Hindi naman kako ako mawawala, at lalong wala naman akong ibang pupuntahan, gusto ko kakong makitang nagpapahinga lang si mama. Kinamusta ko si mama, napag-alaman kong kailangan niyang salinan ng tatlong bag ng dugo, masyadong pinapahirapan si mama ng chemotherapy. Awang-awa ako sa aking ina.

 “A.. nak.. Kuya….” Tinatawag ako ni mama. Nasanay siyang kuya ang tawag sa akin. Lumapit ako sa kanya, pigil ang anumang papatak na luha sa mata ko. Ngumiti siya. “…wel… come… back…” pautal-utal man, naintindihan ko pa rin yung gusto niyang sabihin. Ngumiti ako at inakap siya. Pinagkanulo ako ng mata ko. Di ko napigilan tumulo yung luha ko, dahan-dahan niya inangat yung kamay papunta sa pisngi ko. Ng maabot nya, ay hinawakan ko ito. Iginiya niya ang mukha ko palapit sa kanya, at hinalikan niya ko sa noo. Hirap pa din siyang magsalita, sinabi niyang natutuwa siya at nakauwi na ako sa wakas.

 Halo – halo ang nararamdaman ko ng panahon na yun. Nasaan na ang ngiti ni mama na madalas kong kainisan. Mga ngiti na laging parang nanloloko? Lalo pag pinagtatawanan niya ko dahil umuuwi akong badtrip matapos mabasted ng nililigawan. Hindi ito ang ngiting nakalakihan ko. Ngiti na may bahid ng kagustuhang sumuko.

 Nasaan na yung malakas at masigla niyang boses? Boses na kinaiinisan ko dahil sa panggigising niya sa akin sa umaga. Boses na ginagamit niya upang paulit-ulit akong tanungin at utusan. Boses na nagsermon sa aking ng mahabang panahon. Boses na ginamit niya para pagalitan ako. Boses din na naglambing sa akin at nagturo sa aking mabuhay. Boses na tumatawag sa akin ng kuya.

Nasan na ang sigla ng kamay nya? Kamay na ginamit niya ng minsang sampalin niya ako dahil nahuli niya akong nagbubulakbol sa bilyaran. Kamay na nag-iwan ng latay sa pisngi at nagpadugo sa labi ko. Nun araw na yun, tinuruan niya ako ng napakahalagang leksyon. Gusto ko ng huminto mag-aral dahil alam kong pareho lang kaming nahihirapan, siya sa pagtatrabaho, at ako dahil wala na akong magastos. Kaya naisipan kong tumambay na lang sa bilyaran. Pagkakita nya sa akin, sinampal niya ako habang umiiyak. Sinabi ko yung dahilan ko, pero sumagot siya at sinabing may magbabago ba sa sitwasyon kung itutuloy ko yung ginagawa ko? Inakap niya ko, at sinabi na tandaan ko, na kahit ano pang gawin ko, kakampi pa din niya ko, na lahat ng tao tatalikod sa akin, pero kahit kailan hindi niya magagawa. Sana daw maisip ko kung bakit ganun na lang ang galit niya sa pagsayang ko sa oportunidad na halos tumbasan na niya ng buhay nya para maibigay sa akin. Tama nga si mama, napakamakasarili ko nun.

Yung kamay na yun ang nanakit sa akin, pero yun din ang parehong kamay na tumapik sa balikat ko upang gisingin ako pag nakakatulog ako habang nagrereview nun kolehiyo. Kamay na nagplantsa ng uniporme ko, o katulong kong maglipat ng mahahabang notes sa notebook ko. Kamay na araw-araw gumagawa ng almusal na kinakain ko. Mga kamay at bisig na umakap sa akin dahil sa nabigo ako sa pag-ibig, kamay na umakap din sa akin dahil nakagraduate ako at nakapasa ng board. Mga kamay na nagpunas ng luha ko at gumugusot ng buhok ko para tumahan ako.

Nasan na ang kakulitan niyang sumama sa lakad ko? Ang regular niyang pagvovolunteer na samahan ako, sa pag-enroll sa kolehiyo, pagfile sa board exam, oath taking, sa pagkuha ng lisensya. Nasaan na yung lakas  nya? Ngayon ko siya gustong bumangon at magvolunteer na samahan ako. Gusto ko siyang dalin sa mga lugar na pinangarap lang nya nun. Kumain ng bawat pagkaing inisip lang niyang kainin dati. Magbakasyon sa magagandang lugar na naririnig lang niya. Gusto kong tumayo siya ng taas noo, dahil hindi siya nagkamaling mangarap para sa mga anak niya.

“Kuya… umuwi na tayo…” Inaasahan ko ng maririnig yun sa kanya, pero nakakagimbal pa ding marinig. “Mama, ano na naman to? Magpapagamot ka, dito ka lang sa hospital. Tapos ang usapan.”

“Anak, pagod na ko…. nahihirapan lang ako sa mga ginagawa nila… Mas gusto ko pa sa bahay.. Lalo at andyan ka na.. ayaw kong puro… sunog na itlog na luto ni bunso… ang kainin mo…”

Umiiling ako, wala na kong pakialam sa luhang tumutulo sa mata ko.

 “Kuntento na ko… sa buhay ko… Wala akong pinanghihinayangan… Masaya akong aalis sa mundo… dahil nakita kong lumaki kayo…. lumaki kayo na kayang sumabay sa pag-ikot ng mundo… Buo na ang pasya ko… Pakiusap anak.. Umuwi na tayo…”

Ilang araw pa ang lumipas, naging linggo at buwan. Patuloy pa din ang chemotherapy ni mama kahit nasa bahay lang siya, at ako bilang nurse, ang naging karamay niya. Sa bawat pagsusuka ni mama, parang hinihila isa-isa yung buto ko palabas ng katawan ko. Wala na akong magawa para paginhawahin pa yung nararamdaman nya.

Nagtatanong ako, eto lang ba ang kaya kong gawin para sa taong binigay ang lahat sa akin? Sa apat na taon kong pag-aaral ng kurso ko, bakit wala dun kung paano palakasin ang sarili sa pagharap sa mga ganitong sitwasyon? Bakit di ko matanggap na sapat na yun natutunan ko, sana mas tinuruan pa nila kaming magpaginhawa ng taong di deserve magdusa. Sana may iba pa kong kayang gawin para kay mama.

 Dumating ang punto na sobra na ang sakit na nararamdaman niya, sa bawat pag-iyak niya, pagsigaw… sa bawat ubo niya ng dugo… nagsisimula akong magalit sa mundo… inuubusan niya buhay ng nag-iisang taong walang kondisyong nagmahal sa akin… Madaya ba talaga ang mundo..? Ganun ba siya kalupit?

 Isang gabi, kinausap niya ulit ako. Tinanong niya kung magagalit ba ako sa kanya kung iiwan na niya kami. Walang abog akong sumagot ng oo at sinabing wag nyang sabihing mawawala na siya. Magpalakas kako siya dahil mamasyal kami, kakain ng lahat ng gusto, bibili ng lahat ng gamit na gusto nya.

 Umiling si mama, at ngumiti. Hindi ko daw siya naintindihan. Sabi niya, pagtanda ng magulang, hindi obligasyon ng anak na ipasyal sila, ibili ng pagkain na gusto nila, o ibili ng mga bagong gamit. Hindi daw siya parang asawa na kailangang ligawan pa. Marami daw ang nagkakamali sa pag-iisip na ito ang kailangan ng tumatanda nilang magulang.

Panahon, atensyon, kalinga at pagmamahal daw ang kailangan nila, higit sa lahat ay ang pagbibigay sa kanila ng tapang na harapin ang kamatayan. Sapat na daw na hawak ko ang kamay nya, mas masarap pa daw yun sa pinakamasarap na pagkain na maaring niyang matikman. Sapat na daw na yakap ko siya, dahil takot man siya ipikit yung mata niya para magpahinga, alam daw niyang ‘di siya lumisan sa mundo na mag-isa.

 Sabi ko, madaya ang buhay, napakalupit kako nito. Umiling ulit si mama. Sabi niya, “hindi madaya ang buhay, nasasabi mo lang yan kapag masyado kang natatakot sa kamatayan. ‘Wag kang matakot dito, mas matakot kang mamatay na ‘di nasulit yung naibigay sa iyong buhay. Isinisilang tayo na may kanya-kanyang hawak na baraha, maaaring mas maganda ang baraha nila kaysa sa’yo, pero hindi yun kasiguraduhan ng panalo nila o ng pagkatalo mo. Lahat ay nakabase sa paraan mo ng paglalaro. Maaring malupit nga ang mabuhay, kung hahanapin mo ang lahat ng wala sa’yo, kung gagawin mo lahat ng di mo kayang gawin, at kung lalabanan mong mag-isa lahat ng di mo kayang harapin ng mag-isa… Masarap mabuhay anak… Napatunayan ko yan ng makasama ko kayo…”

 Nakiusap si mama, na tanggapin ko nang maluwag sa loob ko ang mangyayari sa mga susunod na araw sa buhay ko. Sabi niya, “sa pagpapanaw ng tao, nagpapagawa ng lapida yung mga mahal niya sa buhay, ginagawa nila yun bilang pag-alaala sa mahal nila. Nandoon yung pangalan, at dalawang petsa, yung kapanganakan at pangalawa, yung petsa ng kamatayan. Pero alam mo ba kung ano ang nakapagtataka? Hindi nila inilalagay dun yung pinakamahalagang dapat andun, ano yung parte na yun? Yun ay yung mga araw sa pagitan ng dalawang petsa… Anak, kontento na ‘ko sa buhay ko. Masaya ko, naging mabuti kang anak at kapatid… proud ako sa’yo…”

Inakap ko nang mahigpit si mama. Sa pagtigil niyang magsalita, unti-unti kong nakita yung pagngiti nya. Dahan-dahan siyang pumikit, na parang nakahanda nang matulog at magpahinga. Habang nakapikit ako, pinakikiramdaman kong mabuti ang mahinang tibok ng puso niya, hanggang unti-unti na itong mawala sa pandinig ko.

Sa pagtulo muli ng luha ko, nasambit ko na lang, “sige, mama, makapagpapahinga ka na…”

 (Ito po ay hango sa kwento ng isang taong malapit sa akin, hindi po ako ang aktwal na nawalan ng ina.. pero sa pamamagitan nito, mas lalo kong nakita kung gaano dapat mahalin ng mga anak ang kanilang mga ina…)

author:  mga-sulat-kamay

p.e./mj