Dear Anna,

Heto ako’t nakaupo sa tabing dagat ngayon. Pinagmamasadan ang unti-unting paglubog ng araw. Habang ramdam na ramdam ko ang bawat dampi ng malamig na simoy ng hangin, ginugulo naman ng maingay na alon ang aking isipan. Marami kasi akong tanong na hindi ko mahanap ang kasagutan. Kaya ako nagpunta dito, baka kako dito ko matatagpuan.Footage  (Photo credit: Shutterstock.com)

Tandang tanda ko pa noong naghabulan tayo sa tabing dagat din na ito. Tapos bigla kang napahinto at seryosong tinanong ako. “Hanggang saan at hanggang kailan mo ako mamahalin?”

 Sinagotnaman kita, “huwag mong tanungin kung hanggang saan, kung hanggang kailan, dahil ang pagmamahal ko sa ‘yo’y walang hangganan, walang katapusan.

Napakatamis ng ngiti mo noong marinig mo ‘yun mula sa akin.

Nakaupo nga pala ako dito sa buhanginan. Kung saan, isinulat mo noon ang aking pangalan. Saka “I Love You Forever” sa ibaba nito. Gumuhit naman ako ng malaking hugis puso saka sa loob noon, isinulat ko ang pangalan mo.

Saka tayo umakyat sa malaking bato na iyon. Doon tayo nagsumpaan na “walang iwanan” at “habang buhay tayong magmamahalan.”

Sinigaw mo pa pala ang pangalan ko noon kasunod ng salitang “mahal na mahal kita” dala ng hangin at abot hangang ulap ang kilig at saya ko noon. Langit ang saksi ng mga alaala nating iyon.

Nalungkot ako noong nagpaalam ka sa akin. Na pupunta ka na ng Canada para doon mo gagamitin ang iyong propesyon. Isa ka kasing Nurse at sabi mo mas malaki ang kikitain mo doon. Tutulungan mo munang makatapos sa pag-aaral ang mga kapatid mo saka mo ako babalikan. Kahit alam kong mahirap na mapalayo ka sa akin, inintindi ko ‘yon dahil mahal na mahal kita. Pinangako ko sa ’yo na magtitiis at hihintayin ko ang pagbabalik mo dito sa Pilipinas.

Mula noong umalis ka na, bolpen at papel na lang ang tulay nating dalawa. Siyang pumupunas ng kalungkutan ng bawat isa. Buwan-buwan nagpapalitan tayo ng sulat. At paulit-ulit ko itong binabasa nang walang kasawa-sawa. Larawan mo ang tinititigan bago matulog sa gabi at pagkagising sa umaga.  Sapat na ‘yon na upang magkakulay ang bawat maghapon ko.

Pero sa mga sandaling ito, nabalot na ang mundo ko ng lungkot at pag-aalala. Nagsimula pa ito noong hindi mo na sinagot ang huling liham ko. Hindi ko alam kung natanggap mo ba ito. At ilang taon na ang nagdaan. Ilang taon na ding kinakapa ko ang aking ngiti at sigla. Mahirap mag-isip ng kung anu-ano. Para lang akong naghihintay ng lalabas sa lotto. Na umaasang mabubunot ang mga numero ko at mananalo.

Mahirap at masakit pero wala akong ibang magawa kundi ang magtiis at maghintay. At magdasal na babalik ka pa, para ipagpatuloy natin ang iniwan mong pag-ibig na hanggang ngayon iniingatan ko pa.

Ang tanong, babalik ka pa kaya? Babalik ka pa kaya na malaya para yakapin ko at muling makasama? Paano na lang ang sumpaan nating dalawa? Paano na lang ang nasimulan nating pangarap at saya? Mauuwi na lang ba yon sa wala? Huwag naman sana natin hahayaan na mangyari yon. Dahil ipinaglalaban ko ang pagmamahalan natin mula noon hanggang ngayon.

Ito ang mga tanong na gumugulo sa aking isipan. Na nagbibigay sa ’kin ng labis na kalungkutan. Ikaw lang ang makasasagot at wala nang iba. Patuloy pa rin akong maghihintay at umaasa. Kahit na walang kasiguraduhan kung babalik ka pa. Tutuparin ko lamang ang pangako ko sa ’yo na hihintayin ko ang pagbabalik mo.

Laging Nagmamahal,

John

______________________________________________________________________________

Dear John,

Napalibutan ng katanungan ang madilim na mundo ko. Kasama ang mga katanungan mo na hindi ko malaman kung saan ko huhugutin ang isasagot ko. May mga bagay-bagay na humaharang sa matuwid na dinaraanan ko. Na kahit anong pilit ko na ihakbang ang kanang paa ko, hinihila naman ako ng mapait at masakit na sinapit ko.

Mga pangako mo lang ang naging lakas ko, para manatili at malabanan angThe Nun   (Photo credit:    Asksistermarymartha.blogspot.com) kalungkutan dito sa malayo. Umalis ako at iniwan kita noon, pero binaon ko naman ang pangako at pagmamahal mo.  Magkalayo man tayo, lagi ko naman katabi ang larawan at mga sulat mo. Natanggap ko yong huling sulat mo.  At balak kong sagutin noon yon pagkauwi ko galing sa trabaho. Para maintindihan mo kung bakit hindi ko na nasagot ang sulat mo, basahin mong mabuti ang kuwento ko.

Sa hospital na pinagtatrabahoan ko, mayroon sa aking nanligaw at nagkagusto. Isa din siyang nurse katulad ko. Makulit at mapilit siya kahit na hindi ko pinapansin. Pero kahit gaano siya kakulit, hindi niya ako napasuko sa pagiging tapat ko sa ’yo. Minsan, hinahatid niya ako sa apartment na tinutuluyan ko.  May sarili kasi siyang sasakyan at nadaraanan din niya ang tinutuluyan ko.

Setyembre 10, 1991, martes ng gabi. Ang petsang hindi ko malilimutan.  Alas diyes ng gabi noong makauwi ako galing trabaho. Dahil sa sobrang pagod ko ay dumiretso ako sa kwarto at nahiga, nakatulog nang hindi namamalayan.

Hindi ko pala nailock ang pinto ng aking apartment. Kaya nakapasok ang demonyong katrabaho ko.  Hindi ko na maalala ang lahat ng nangyari noon. Pinilit kong lumaban, pero masyado siyang malakas para sa tulad kong isang babae.  Sumigaw ako noon, pero tinakpan niya ang bibig ko ng panyo. Hanggang sa ako ay nahilo.

Wala na ang demonyo noong magkamalay ako. Wala na din ang isang bagay na iniingatan ko na iaalay ko sana sa ’yo. Nagdilim na ang mundo ko noon. Hindi ko na alam ang mga nangyayari sa paligid ko. Lumabas ako at naglakad papalayo. Hindi ko alam kung saan ako tutungo, nawawala ako sa sarili ko. Hanngang sa bigla na lang huminto ang mundo ko, nawalan na ako ng malay.

Nang magising ako ay nasa loob ako ng pagamutan. At isang madre ang nagbabantay sa akin. Sinabi niya na nabunggo niya ako. Tinanong niya ang pangalan ko at ng aking pamilya. Kung taga saan ako. Pero hindi ko maalala kung sino ako. Kung taga saan.  Kung anong nangyari. Pinatira ako ng mabait na Madre sa monastery, inalagaan at itinuring na kapamilya niya. Doon ako nanatili habang nagpapalakas ng katawan.  Dahil nga sa ‘di ko maalala ang pangalan ko, binigyan nila ako bagong pangalan.

Monica, iyan ang ipinangalan ng madre sa akin. Bagong pangalan, bagong buhay, bagong pamilya,  bagong mundo. Sa pananatili ko sa tirahan ng mga madre, nag-iba ang aking pananaw, nag-iba ang paniniwala at nag-iba na rin ang layunin ko sa buhay. Naimpluwensiyahan nila ako, pinangaralan, tinuruan at naging katulad din nila.

Pagkaraan ng napakahabang panahon, bumalik din ang aking alaala. Pero dahil sa pait ng sinapit ko noon, pilit ko na itong kinalimutan. Ayaw ko nang balikan pa ang dating ako. Ayaw ko nang balikan pa ang sakit na dulot ng kahapon ko. Masaya na ako sa bago kong buhay.  Masaya na akong kapiling ang mga bago kong pamilya.  Masaya na akong nagsisilbi sa Panginoon.

Wala na ang dating ako. Wala na si Anna na minahal mo. Wala na ‘yung kasintahan mo na umalis nang buong-buo. Wala na ‘yung kasama mo noon na bumuo ng mga pangarap. Wala na ‘yung nangako sa ’yo na babalik upang ipagpatuloy ang iniwan niyang pagmamahalan n’yo.

Oo, babalik ako ng Pilipinas.  Babalik ako diyan, pero hindi para sa’yo.  Babalik ako diyan para sa Panginoon.  Para sa isang misyon.  Ako kasi ang napiling ipadala diyan. Para ikalat ang magandang balita. Para ipakilala at ilapit ang Panginoon sa mga malalayo sa kanya.

Huwag mo nang hintayin si Anna dahil hindi na siya darating.  Si Sister Monica ang darating. Bagong pangalan, bagong buhay at bagong anyo. Ngunit ang pagmamahal ko sa ’yo ay hindi nawala. Meron pa ngang naidagdag.  At iyan ang Panginoon.  Mahal kita, ngunit hindi na bilang kasintahan. Kundi bilang kapatid. Dahil iisa ang ating ama. At walang iba kundi ang Poong Lumikha.

Laging nagmamahal kasama ang Panginoon,

Sister Monica

(Photo credit: Asksistermarymartha.blogspot.com)

author:  iceburn

p.e./mj

Enhanced by Zemanta