Habang ako’y nakaupo sa upuang ito, kaharap ang aking laptop at nagfe-Facebook, bigla kong naisipan na umpisahan na ang aking takdang aralin na sanaysay sa Filipino. Sinubukan kong mag-isip ng paksa para sa aking sanaysay ngunit nahirapan akong magdesisyon. Hanggang sa sumagi sa aking isipan ang isa sa aking mga karanasan noong ako’y kinse anyos pa lamang.

Isa itong alaala na inaamin kong ninais ko nang kalimutan ngunit hindi ko

Kahirapan sa Tubuhan   (Photo Credit :  Ternate-cavite.tripod)

Kahirapan sa Tubuhan (Photo Credit : Ternate-cavite.tripod)

magawa, isang alaalang nahihiya akong alalahanin pa. Ngunit may isang parte sa akin na nagnanais na ipahayag at ikwento ito dahil sa isa itong reaalidad tungkol sa akin at sa pagkatao ng isang taong ibang-iba sa akin.

Hindi ko alam sa aking sarili kung bakit ko ito ikinahihiya. Marahil sa dahilang may pagkamatapobre talaga ako. At dahil iniisip kong baka isipin ng ibang tao sa akin ay cheap ako at mababaw. At inaamin kong wala pa talaga akong alam at napakababaw pa talaga ng aking pag-iisip nang mga panahong iyon. Iyon ang mga panahong nagrerebelde pa ako at inip na inip sa buhay.

Dahil nga sa mas nakakaangat pa kami sa buhay nang mga panahong iyon , naging medyo pabaya ako at naging walang pakialam sa mundo. Kaya isang araw, ay nabagok yata ako at bigla kong naisipan na tingnan ang buhay mula sa ibang perspektibo, sa ibang lebel ng pagtingin, na malayong-malayo sa akin.

Tumawa siya, at sa tono pa lamang ng kanyang boses ay malalaman mong nagbibinata pa lamang siya. Parang ipit at kumbaga, basag. Medyo nanginginig ang aking kamay habang hawak ang telepono, pinipigil na matawa sa kanya at sa kung paano siya mag-salita. May accent kasi siya at hindi marunong mag-Ingles. Marahil ang alam lang niya ay ang katagang ‘I luv u’ na nababasa niya lang sa mga quotes sa text.

Tawagin na lang natin siyang Jon-jon. Probinsyano, taga Iloilo, Bisaya. Labim-pitong taong gulang. Grade 3 pa lamang nang siya’y tumigil sa pag-aaral. Walo silang magkakapatid, at mukhang madadagdagan pa. Pumasok sa pagawaan ng asukal bilang kargador ng tubo. Sumasideline ang kanyang ama sa pangingisda at pagsasaka at sa bahay naman ang kanyang ina, nag-aalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid. Madalas siyang nakikitulog sa bahay ng kanyang mga tiyahin kasama ang kanyang mga pamangkin. Paglalaro lamang ng basketbol ang kanyang nakahiligan.

Ala-singko ng umaga siya gumigising para pumasok sa tubuhan at matatapos siya ng hapon, mula Lunes hanggang Biyernes siyang ganoon. At kapag Sabado ay tumutulong naman siya sa palayan. Ganoon ang buhay nila sa probinsya, ani niya. Mahirap pero kinakaya. Kahit na hikahos ay kakayanin niya ang lahat para sa kaniyang pamilya. Tinanong ko siya minsan kung may pangarap ba siya at sa naalala ko’y hindi muna siya nakasagot. Umahon ata sa kahirapan. Tinanong ko siya kung gusto ba niya mag-aral, at ang una niyang sinagot ay ‘wag na. Ayaw na daw niya dahil sa matanda na siya at maraming taon na ang lumipas nang siya’y tumigil. Marami silang magkakapatid at hindi na rin siya kayang pag-aralin pa ng kanyang mga magulang.

Bakit pa nga ba? Ang gusto nalang niya ay ang magtrabaho para kumita ng pera. Sabay sabi naman akong, ‘may mangyayari ba sa pagbubuhat ng tubo?’

Ang pwede lang ata mangyari sa iyo ay ang matusok ka at magkasugat-sugat ka dahil sa tubo, mahulog ka sa trak, mabagsakan ka ng mga tubo, o tumandang ganoon ang trabaho at manatili na lang na isang kahid, isang tuka ang pamumuhay.’

Pero sa isip ko na lang ito nasabi. Hindi ko na nagawang idugtong pa ito. Ngunit ano nga ba ang kanyang magagawa? Tinanong ko sa aking sarili. Kung ako ba ang nasa kanyang posisyon, ano ba ang aking gagawin? May magagawa ba ako para sa ikauunlad ko at ng aking pamilya? At naisip kong baka matagal na akong sumuko kung ganoon. Hindi ko kaya ang ganoong pamumuhay. Ni magbuhat ng tubo ay hindi ko kaya at ni mag ani ng palay at magbabad sa matinding sikat ng araw. Ni ayaw ko ngang umitim, magtrabaho pa kaya at mamuhay nang ganoon?

Tila ngang napakadaling magsalita, ng isang katulad ko ukol sa mga ganoong bagay. Kay dali magsalita tungkol sa mga ambisyon at buhay. Madali nga lang naman magdunong–dunungan dahil nga naman sa wala ako sa ganoong kalagayan.

Minsan ay tinanong ko siya kung ano’ng ginagawa niya at sabi niya ay nagluluto siya ng talong, tortang talong sa bagoong. Ang alam ko nga lang ay’ yung tortang talong na may ground beef tsaka pinipirito. Sa kanila naman ay usong substitute ang bagoong sa ground beef para ilagay sa tortang talong. Hindi kaya maalat yun? Masarap naman daw at yun daw ang kanilang hapunan.

Madalas nga daw ay wala na siyang ganang kumain. Parang busog na daw ang kanyang tiyan na walang ibang laman kundi alak pagkatapos nila mag-inuman ng kanyang mga kapatid nang walang pulutan. Ang naging biro ko na lang sa kanya ay bakit hindi niya minsan subukang manghuli ng mga butiki sa pader at bubong ng kanilang bahay, para pampulutan. Para lang maiba. At bata pa lang daw siya nang matutong manigarilyo. Sayang nga at hindi ko na siya naalok ng rugby at baka nagustuhan din niya.

Sinubukan ko na lang isipin kung anong klaseng lugar ang kanyang kinalakihan. Kargador din ang isa niyang kapatid at katulad niya ay napaaga din ang retirement sa eskwelahan. Ganoon na din ba ang magiging kapalaran ng kaniyang iba pang nakababatang kapatid? Para na lang kasi silang nasa isang Cycle, mula sa magulang hanggang sa mga anak hanggang sa mga apo at apo sa tuhod……Cycle ng kahirapan. Nasaan na ang lugar ng edukasyon at pangarap? Naisip ko na lang na buti ay apat lang kaming magkakapatid sa aming pamilya.

Marahil ay nakapagtataka nga kung paano ko siya nakilala, si Jon-jon na isang taong malayo-malayo ang estado ng buhay sa akin. Ito ay dahil sa tiyahin niya kasi ang isa naming kasambahay noon, na siyang dahilan kung bakit ko na rin siya nakilala. Pala-kwento rin kasi ang tiyahin niyang iyon at palaging tumatawag sa kanyang anak at ibang kapamilya na kanyang iniwan sa probinsya.At lagi ko naman kinakausap ang kanyang tiyahin dala lang ng kainipan. At minsan nga ay natiyempohang si Jon-jon ang kausap, at naisipang ipakausap sa akin.

Madrama rin ang buhay ng tiyahin niyang iyon. Mag-isa na lang kasi nitong tinataguyod ang kanyang anak mag-mula nang iwan siya ng kanyang asawa para sa kabit nitong naanakan. Ang sakit siguro noon ‘no? Iyong piliin ng iyong asawa ang kanyang kabit kaysa sa iyo, na legal niyang asawa, at ang mas masakit pa, pinakasalan lang daw siya nito pagkatapos siyang gahasain at mabuntis. Ang kanyang pamilya na lang daw ang kanyang pinaghuhugutan ng lakas ng loob para magpatuloy. Parang naging anak na rin daw niya kasi si Jon-jon na siyang naging pinakamalapit sa kanya sa lahat ng kanyang mga pamangkin, at sa pagmamahal ng kanyang anak ay hindi narin niya gaanong naramdaman ang pagkukulang sa kanya ng kanyang asawa. Parang sa telenobela. At dumating ang pagkakataong nahulog sa puno ng niyog ang kanyang anak, at sa aksidenteng iyon ay napilitan siyang umuwi at hindi na siya muling nakabalik sa amin dahil sa wala na siyang perang pamasahe. Talaga ngang parang sa telenobela ang buhay nila. Naawa na lang ako at naiyak sa buhay nilang mga bida.

Ngunit napagisip-isip ko….aanhin ba ni Jon-jon ang aking awa? Aanhin ba nila ang aking awa? Tila ang dami ko nang nalaman tungkol sa kanila sa pakikipag-usap lamang sa telepono. Tila nagkaroon na rin talaga ako ng kagustuhan makilala si Jon-jon at ang kanyang pamilya. Sinubukan kong may magawa, sinubukan kong makatulong; kaya pinadalhan ko sila ng damit, at ang isang t-shirt ay A/X pa.

Ngunit sa huli, bakit parang kulang pa rin? Bakit parang ang lahat ng iyon ay parang isa lamang pangyayari na aking kinahihiya? Na parang hindi bukal sa akin ang pagtulong….na isang maykaya na katulad ko ay nakipagkaibigan sa katulad nilang mahirap. Pero ano nga ba ang aking natulong? Ano bang magagawa noong mga damit na iyon na aking pinadala para sa batang nahulog? Pambalot sa nabaling buto? Naawa talaga ako. At parang hanggang doon nalang talaga ako, hanggang awa nalang.

Wala kasi akong ibang alam sa buhay. Ano ba ako noon….at hanggang ngayon? Isang teenager na umaasa sa magulang. Ni kumita ng pera at magbanat ng buto ay hindi ko pa nagagawa. Paano pa kaya ang tumulong sa ibang matindi ang pangangailangan?

Tinanong ko siya uli noon kung gusto na niyang mag-aral at umoo siya. Gusto na daw niya at magsisikap siya sa pagtratrabaho para makaipon ng pera para makapag-aral. Pinangakuan ko pa yata siya na tutulungan ko din siya para makapag-aral. Mukhang malabo ko nang magawa pa iyon.

Nakita ko talaga ang pagiging tao ni Jon-jon, kahit sa maikling panahon lamang. Na tulad ng ibang tao, na tulad namin may mga kaya sa buhay, may iba pa rin silang mga problema bukod sa kahirapan. Na ang katulad ni Jon-jon ay marunong din umiyak at napapagod din. Nasabi niya sa akin yun. Na napapagod na siya at sa talagang mahirap daw; hindi lamang ang trabaho kundi ang maging isang anak ng kanyang mga magulang at maging isang taong katulad niya. Na minsan ay gusto na niyang sumuko pero hindi niya magawa. Dahil sa kailangan niyang magpakatatag para sa kanyang sarili at pamilya, para balang araw daw, ay may magagawa din siya para sa ikaaahon ng kayang mga mahal sa buhay. Naiyak na lang ako habang pinakikinggan siya….dahil naramdaman ko na rin kahit papaano ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Kung anu-ano na lang yata ang nasabi ko sa kanya nuon, hindi ko na rin maala kung tama ba o mali yuong mga pinayo ko; naisip ko na lang na….…Oo, sana nga Jon-jon, balang araw.

Si Jon-jon ay isang ehemplo ng isang taong pinanganak na mahirap, lumaking mahirap at tila hindi pa alam ang landas na kanyang tatahakin at kahahantungan. Kungsanalang ay naging isang tao akong nakapagturo sa kanya ng tamang landas na iyon.

Hindi ko na alam kung ano na ang nangyari sa kanya; kung natupad ba niya ang kanyang mithiin na makapag-aral o tuluyan na siyang napariwala. Hindi ko na gaano pa naaala ang tungkol sa kanya o sa kanyang tiyahin na nagkwento sa akin ng napakaraming bagay tungkol sa kanilang lugar at sa pamumuhay ng mga tao doon. Hindi ko narin gaanong naaalala ang mga kwento nila ng kahirapan, ang mukha ni Jon-jon na sa aking imahinasyon ay puro bakas ng kahirapan at pagkatakot sa kawalan. Hindi ko na talaga maalala pa dahil tatlong taon na rin ang lumipas.

Nakikita ko nalang ang mga bata na sumasabit sa dyip tuwing ako’y umuuwi mula sa paaralan, mga batang kulang na lang ay itapon sa kalsada ng drayber na nanggagalaiti sa pagsigaw sa kanila. Isang batang musmos na ang ngayo’y sumakay na sa dyip…..tinitignan ko na lang ang kanyang repleksyon sa tila makintab na mga sapatos naming mga pasahero; habang siya’y nakaluhod at nagmamadaling magpunas at magpahid ng kanyang maduming basahan sa aming mga paanan. Umaasang bibigyan ng kakaunting barya at limos mula sa amin na nakakaangat.

author:  nica_upl13

p.e./mj