Ang sarap basahin ng mga kwento na isang mahirap na umasenso dahil sa kanyang hirap at pagtyatyaga.. alam kasi nating nagtagumpay ang isang tao na iyon. Pero isang mayaman na biglang naghirap.. ooopsss lagapak sa sakit at pagharap sa bagong buhay na hindi nakasanayan…

Nagpapasalamat ako at ako’y lumaki sa mahirap na pamilya. May pagmamahalan at pagtutulungan. Kung naging mayaman siguro kami noon, hindi ako ganito ang pag-iisip at pag-unawa sa mundong ginagalawan ko.

Poor Child  (Photo Credit:  Worldoddities)

Poor Child (Photo Credit: Worldoddities)

Masarap maging mahirap kasi sa murang edad pa lang tinuturuan na kami ng magulang namin ng mga gawaing bahay, magsaing, maglaba, mamalantsa, magluto, maglinis ng bahay, magtanim ng halaman at kahit manahi ng mga sira naming shorts dahil natastas sa pagluksong baka ng mga barkadang bata sa damuhan.

Wala kaming Yaya na aasahan, hardinero na mag-aaruga sa aming mga halaman, planstadora at labandera sa aming mga “tubal” ( batangas term sa maruming damit, lol). Kahit iwan kami ng aming magulang dahil pareho silang naglalako ng sari-saring paninda kaya naming mamuhay magkakapatid.

Ako ang napa-assign sa kusina, panganay namin sa paglalaba at pangalawa sa paglilinis ng bahay at pamamalatsa. maliit pa ang bunso namin kaya inaalagaan pa rin namin pag umaalis si inay. Pangatlo nga pala ako sa apat na magkakapatid. Pagkat ako ang nakatoka sa kusina sa edad na 8 taong gulang marunong na akong magluto.  Anong sinabi ng Junior Chef edition ng channel 2.

Lahat ng putahe ng sardinas, naluto ko na: sardinas na chopsuey, sardinas na adobo, sardinas na may sayote, sardinas na ginataan, sardinas na my kangkong/sitaw/repolyo/malunggay/saluyot/bihon/miswa/ at ang espeyal na putahe ko sa sardinas.. ang PINAPUTOK NA 555“, paano ito???

Madali lang! Ilagay ang buong sardinas sa bunot ng niyog at pag pumutok na ibig sabihin ‘di mo kailangan ng abre-lata, at kainan na.. lol! (don’t worry, natatangal lang yong takip sa unahan, hindi natatapon lahat).

Tanda ko ang sinabi ng nanay ko sa pagluluto: “pwede mong pagsamahin ang lahat ng gulay o anumang pagkain, basta di nakakalason…” kaya noong minsan, nagluto ako ng 1/4 na kilo ng pusit; parang kulang sa amin’yun,  kasi lumiliit pa s’ya, ‘di ba.Pero naigisa ko na… nilagyan ko ng papaya at tanglad para kahit paano marami ang sabaw.. aba, kinalabasan tinolang pusit ang lasa. pero kung titingnan n’yo parang dinuguan, subukan nyo ang sarap. lol!

Masarap maging mahirap kasi kung mayaman ako ‘di ko mararanasan ang magworking student. Nagtapos ako na doble ang tagumpay. Siguro hindi rin isang Social Worker ang propesyon ko (iyon lang kasi ang offer ng madre para maging S.A. ako) baka nagdoctor ako o naging isang abugado.. taas naman ng pangarap ko, kaya ba yan ng utak ko? Malay nyo???? Mayaman nga ako eh…

Masarap maging mahirap kasi nagiging totoong tao ka… pag gutom ka, kay dali mong sabihin sa isang handaan, kakain na ko h, gutom na ak;, ang mayaman, anong sabi? ” no, thanks, I’m full, later na lang,” kahit kumukulo na ang tiyan.

Pag nagpasabog ka ng  ‘di inaasahan sa maraming tao, ang mahihirap, sasabihin “hay, salamat sa D’yos lumabas din, pasensya na ha”.. ang mayaman, ‘di yan aamin kahit siya ‘yon…   sasabihin pa “oh my God“, sabay kuha ng pamaypay…

Kapag mainit ang panahon tulad ngayon, ang mahirap (lalaki po) maghuhubad yan pupunta sa parang o sa kalsada at doon magpapahangin… mainit eh!… Ang mayaman, maghuhubad ba yan?   uuuy sinong mayaman ang naghubad sa daan kahit anong init naka-amerikana mga yan… Ano ginagawa ng airconed na room, aircoedn na car, airconed na CR, airconed na office…

Sa aking pananaw ang pagiging mahirap ay isang biyaya at hindi parusa ng maykapal. Ang pagiging mahirap ng aking pamilya ay naging daan upang akoy magpursige sa aking pag-aaral at gawin ang tama para mapanatili at maingatan ko ang aking dangal kahit kami’y mahirap lamang.

It’s easy to have principles when you’re rich. The important thing is to have principles when you’re poor.
Ray Kroc

author:  angela

p.e./mj