Sa kadahilanang ako ay lubos na mahiyain simula pa lamang pagkabata, sa bawat araw na nagdaraan ay lalong tumitindi ang aking pananabik na magkaroon ng isang iniirog.

Maniniwala ba kayo na kahit na sa pinaka-hindi romantikong panahon ng taon ay mabibigyan ko ang aking sarili ng pagkakataon na umasang nakatagpo ko na ang babaeng aking mamahalin at magmamahal din sa akin?

All Saint’s Day    (Photo Credit:   Icaohio)

All Saint’s Day (Photo Credit: Icaohio)

Undas 1992.

Ito ang unang taon ko sa high school. Ito rin ang taon ng mga malalaking pagbabago sa aking buhay – bagong paaralan, bagong barkada at bagong bag. Tama, malaki ang aking bag noon. Nabasa mo ba kanina? ‘Di ba sabi ko “malalaking pagbabago”? Needless to say (naks! Cliché!), malaki ang bago kong paaralan at malaki rin ang bago kong barkada.

Pero ang pinakamalaking pagbabago sa aking buhay nang mga panahong iyon ay ang aking pagtakas mula sa kawalan ng aksyon patungo sa huwarang pagkilos upang makamit ang aking mga hinahangad at inaasam. Kung dati ay kinikimkim ko lang ang aking mga nararamdaman at idinaraan na lang sa pangangarap at imahinasyon ang aking mga napupusuan, ngayon ay handa na akong gumawa ng mga hakbang at sumugal sa laro ng buhay pag-ibig.

Masuwerte ako na mayroon akong mga kaibigan na sumusuporta sa akin. Tutal, pare-parehas naman kaming walang mga syota kaya sinu-sino pa nga ba ang magtutulungan? E di kaming mga pogi.  ^__^

Masaya tuwing Undas. Ironic, pero totoo. Dahil walang pasok, magkikita-kita kayo ng mga pinsan mo, magsusugal sa sementeryo, manonood ng nakatatakot na episode ng Magandang Gabi Bayan at siyempre ang pinakamahalaga sa lahat – ang magtirik ng kandila sa libingan ng mga pumanaw na mahal sa buhay at gawing bola ang mga natunaw na kandila tapos magpapalakihan at magyayabangan. Pagkatapos mong paghirapan ang napalaking bola ng tagumpay ay aagawin ito ng isa sa mga inggitero at talunan mong pinsan at ibabagsak sa lupa para mabasag. Gago ka, Tonio. Sana mabasa mo ‘to. lol!

Dahil sa magkakadikit ang mga puntod sa sementeryo, hindi maiiwasan na matanaw mo at mapuna ang mga tao sa mga kalapit na puntod. Sa ‘di kalayuan ay napansin ko ang isang malaking pamilya. Masaya silang nagpapalipas ng oras sa kanilang puntod ngunit hindi kasing ingay at kasing gulo tulad namin. Mula sa pamilyang ito ay nangingibabaw ang isang babaeng nakasuot ng itim na blouse at asul na pantalon.

Ang dalagang ito ay maputi, matangkad, payat at maikli ang buhok. Sa kanyang postura ay masasabi kong nasa kolehiyo na ang babaeng ito. Ang pinaka-kapansin-pansin sa kanya ay ang kanyang mga mata. Medyo may kalakihan ang bilog na bilog niyang mga mata kung kaya’t prominente ito sa kanyang maliit at payat na mukha.

Maganda ang mga mata niya ngunit walang mga kislap. Mukhang malungkot ang mga ito sa kabila ng mga ngiti sa kanyang mga maninipis na mga labi. Mula sa aking kinaroroonan ay hindi ko mawari kung may eyeliner ang mga malalalim niyang mga mata. Buong hapon ko siyang sinusulyapan. Naglalaban ang takot at kilig sa aking damdamin. Natatakot akong mahuli niyang nakatingin ako sa kanya ngunit sa isang banda naman ay kinikilig ako sa ideyang magkakatinginan kami bago matapos ang araw na ito.

Maggagabi na pala. Nagdaan na ang isang araw ng kasiyahan at kalokohan. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim sa kalangitan. Hudyat na ito para umuwi at manood ng MGB. Hindi kami nagkatinginan tulad ng inaasahan. Malas lang niya at hindi niya nakuha kahit pangalan ko man lamang.

Paalam na, kolehiyala ng Undas 1992.

(Itutuloy…)

author: thehopelessromanticwriter

p.e/mj