Ang pagpasok sa kolehiyo ang isa sa pinakatatakutan ko. Bagong kapaligiran, bagong paaralan, bagong titser, bagong klasmeyt, bagong makakaaway at higit sa lahat, panibagong kaibigan. Nasa sa iyo na nga lang yun, kung saan ka sasama; sa masama o sa mabuting impluwensiya?

Enrollment pa lang, namomroblema na ako.

Una, dahil nga sa wala akong kakilala at bago lang ako dito sa unibersidad, hindi ko alam kung saan at sino ba dapat ang kakausapin ko. Ako ay isang “promdi”,

The Witches   (Photo Credit:   theebonyandivory)

The Witches (Photo Credit: theebonyandivory))

at ang mga taong nakapalibot sa akin ay sosyalerang mga taga-makati. Ngunit sa kabila ng maingay, masikip at sari-saring taong nakapalibot sa akin, nakilala ko ang kuwela, punkista, matapang at bagay sa kanya ang sikat na deskripsyong “small but terrible”.  Si Vina, ang “bruha” at ako si Roksan ang “bruhilda”.  Naging kaklase ko siya sa kursong parehas lang kaming napilitang kuhanin, A.B Political Science, at pagkakataon nga naman, parehas din pala kami ng talagang gustong kurso, B.S Psychology, na kung sinuwerte ay magkaklase din sana kami, pero that’s life.

Dalawang taon na magkasama sa kalokohan, kaligayahan, kalungkutan, sa inuman, sa pagtambay, sa reporting,sa projects, tulungan sa exam, magkaagapay at laging andyan para damayan ang isa’t isa. Pero pagtungtong namin sa ikatlong taon, magkaiba na kami ng major.  Pero, hindi yun naging hadlang upang pagkakaibigan namin ay mas tumibay.  Lumipas ang mga araw, linggo at buwan.   Pagkakataon nga naman, kung kelan nasa fourth year na kami saka pa nya kelangang tumigil, nakakalungkot at nakaramdam ako ng takot.

Takot na mawalan ng kaibigan. May sakit siya sa puso.  Hindi lang isa, kundi dalawa ang butas niya sa puso, at ang katotohanang hindi na siya pwedeng operahan ang lalong nakapagpabigat sa katotohang hatid ng sakit niya. Nararamdaman ko ang takot at sakit na naramdaman niya kahit sa pabirong paraan niya dinaan ang sinabi sa kanya ng doktor, kawalan ng pag-asa ang nabasa ko sa kanyang mukha nang sabihin niyang “ganun pala yun, ganun pala ang feeling kapag sinabihan kang malapit ka nang mamatay.  Ako ‘yung may sakit, pero hindi ko magawang umiyak.  Parang ako yung dapat na magpakatatag sa harap ng nanay ko.  Para akong biglang nabingi at wala na akong naintindihan sa iba pang sinabi ng doctor, fuck shit!”   Hindi na niya napigilang mapaluha, pero agad niyang pinahid ang mga luhang gustong gusto nang mag-umalpas, “ hindi ko na iisipin yun, magpapakabait na lang ako.”

Nakapasok pa si Vina nung mga unang buwan ng pasukan, pero nga dahil sa sakit n’ya ang pag-akyat baba sa mga hagdanan ang isa sa dahilan ng mabilis n’yang pagkahapo.  Doctors certification lang nung una, pero hindi na n’ya talaga kaya, kailangan n’ya ng sariwang hangin at kapaligirang makatutulong para mapanatag ang kaisipan n’ya kaya napagpasyahan na lang ng pamilya nila na dun na lang muna siya sa probinsya nila sa Infanta, Quezon.

Nakapapanibago at sa totoo lang parang tumigil pansamantala ang mundo naming magkakaibigan,  pero hindi kami dapat magpakita ng kahinaan kay Vina. Pero, tuloy pa rin ang buhay, mas mabuti na nga rin yun atleast hindi na siya mapepressure sa napakaraming paper works at talaga namang sakit sa ulong mga prof at assignment na sandamakmak.

Lumipas ang mga araw, linggo, buwan at taon.  Sobrang nakakamiss ang makulit kong best friend; malungkot na masaya ang pakiramdam ko. Malungkot kasi sigurado na gagraduate na kami; panibagong buhay na naman ang haharapin naming pag-alis namin sa poder ng mahal naming paaralan,.  Apat na taon din, saksi ang paaralan na yun sa mga alaalang pinagsaluhan naming magkakaibigan at higit sa lahat dito ko nakilala ang pinakatotoong tao; kaibigan na andyan, handang makinig sa mga problemang halos lagi kong idinadaing.

Palimang taon na naming makaibigan ni Vina  Hanga ako sa kanya, sa kabila ng karamdaman niya, patuloy ang laban ng buhay niya at patuloy niyang pinapaunlad ang sarili n’ya sa mga kaalaman at talentong meron siya.  Marami akong natutuhan kay Vina; ang gawing positibo ang mga negatibong bagay na dala ng problema, lahat ng bagay may dahilan at dapat laging isapuso ang mga bagay na natutuhan mo at higit sa lahat, “live your life to the fullest”.

Sabi nga, walang permanteng bagay dito sa mundo; pero, meron akong alam na isa …  na magkaibigan at patuloy kaming magiging matalik na kaibigan ni Vina.

author: ako.c.roksan

p.e./mj

 

Enhanced by Zemanta