Ipinanganak tayo na magkakaiba sa lahat ng bagay mapa appearance, gender, pag-uugali, paniniwala. Pero may mga bagay na halos lahat ay magkakapareho, yun nga lamang sa ibat-ibang pamamaraan o gawi pero nakaukilkil pa rin ang pagkakatulad.

Marami akong nakakasalamuha na ibat-ibang klase ng tao at sa tuwina’y ibinabahagi sa akin ang kanilang buhay pag-ibig. At sa tuwina’y madalas akong malungkot sapagkat madalas o karamihan ang kanilang buhay pag-ibig ay bigo. Ang madalas na dahilan ay ang pambabae ni lalaki.  Bakit nga ba sila nambabae? At bakit may mga babae na sa kabila ng nalalaman nila na ang kanilang karelasyon ay may asawa pinagpapatuloy pa rin nila ang maling pag-ibig?

babaero

Ako ay nagugulat sapagkat sa kabila ng magagandang katangian ng kani-kanilang asawa nakukuha pa ni lalaki mambabae. Ang pambabae ay maihahalintulad sa isang bisyo tulad ng sigarilyo, alak, sugal at iba pa. Kahit na batid nila na ito’y hindi makabubuti patuloy pa rin nila itong ginagawa.  Dahil sa likas akong mausisa o sa pagiging curious nakalap ko ang ilan sa mga kadahilanang ito:

a. Macho Image – Sabi nila, mas macho tignan kapag ang lalaki’y maraming babae.  Dagdag pogi points daw ito sa mga kalalakihan.  Compliment daw ito dahil maraming kababaihan ang humahabol habol sa kanila.  Marami kang taga-hanga, ika nga.  Natural nagbibigay ito ng kasiyahan sa babaero.  Na hindi nila batid na pansamantala lamang ang kaligayahang nadarama.

b. Sex – Napakahalaga nito sa mga babaero.  Mas maraming chicks mas maraming matitikmang iba’t ibang putahe.  Nakakaramdam sila ng sense of excitement, sense of adventure, sense of happiness at kung ano ano pang sense. Pero sa katotohanan hindi dahil sa nadaramang kasiyahan during sex kundi dahil sa likod ng istorya kung bakit nakuha nya si babae ang syang nagbibigay kasiyahan na kumikiliti sa utak ng naturang babaero. Karangalan nyang makwento sa kanyang kapwa babaero na nakuha nya ang kawawang inosenteng babae. Alalahanin mo na may ina at mga kapatid na maaring mabiktima rin ng kapwa mo babaero nanaisin mo ba yun? Bukod pa dun hindi nya naiisip na maari silang magkasakit dito at dahil sa makasariling kasiyahan pati ang mahal nila sa buhay ay maaring manganib na rin dahil sa maaring posibleng sakit na ipahahawa sa kanyang asawa.

c. Napabayaan na ni Babae ang kanyang sarili at si asawa kung kaya’t naghanap ng iba si lalake – Marapat bang dahilan ito upang mambabae si lalaki? Ang sagot ko ay hindi.  Alalahanin mo na kayo ay naging mag-asawa, nangako kayo sa harap ng dambana, wika nyo pa ay “I, (Bride/Groom), take you (Groom/Bride), to be my (wife/husband), to have and to hold from this day forward, for better or for worse, for richer, for poorer, in sickness and in health, to love and to cherish; from this day forward until death do us part”. Ngayon, katakot-takot na paghihirap ng iyong asawa dahil sa pag-aasikaso ng inyong mga anak at pag-aasikaso sa bahay kung kaya’t hindi na nya naasikaso ang kanyang sarili ganun din ang kanyang babaerong asawa.  Hindi sapat na idahilan ito upang gumawa ka ng pagkawasak ng pamilya.  Mas mabuting gawin ay patatagin at unawain ang sitwasyon ngayon ng iyong asawa at ibigay ang dapat na itulong sa asawa.

d. Kahinaan ni Lalaki - Minsan may mga kababaihan na sadyang mapanukso, ika nga nandyan na ang palay tutukain na lang. Sa sitwasyong ito nararapat na maging matatag si lalaki at alalahanin ang kanyang asawa at mga anak.  Kung magpapadala sya sa tukso ni babae maaring ito ang ikasira ng kanyang pamilya.  Kung padadala sa tukso walang sariling bait at lubhang mahina si lalaki na maaring maihahalintulad sya sa isang robot na kailangan kontrolin ng isang remote control (Mapanuksong babae).  Minsan nga naiisip ko kung ano kaya ang dahilan kung bakit batid na ng kabit na may-asawa na si lalaki nais pa rin nyang ipaglaban ang kanyang maling pag-ibig kahit na batid naman natin na hindi lang nag-iisa sa mundo ang lalaki? Minsan naiisip ko para bagang nauubusan ng lalaki si babae kaya kahit na ikasira pa ng iba ganun na rin ng sarili ipaglalaban pa rin nya.

Para sa mga asawang babae na sobrang sakripisyo ang naibigay nila para sa mga babaerong lalaki, maituturing itong hindi patas sapagkat nag-asawa sila upang magtulungan at hindi upang saktan ang isa.  Batid kong marami pang kwento sa likod ng pambabae ni lalaki nawa’y ang ilan sa mga ito ang magpamulat sa atin kung bakit ang ilang kalalakihan ay naatim mambabae sa kabila ng kabutihan ng kanilang asawa.

Photo credit: babaerobob.tumblr.com

Enhanced by Zemanta