Panakanakaý darating siya sa buhay mo. Minsan, madalas. Kung minsan naman, madalang. Minsan magugulat ka marahil dahil sa dami ng iyong ginagawa, hindi mo namalayang parating na pala siya, o di kayaý nariyan na pala siya. Minsan naman, okey lang saýo dahil kahit pa hating-gabi siya dumating, alam mong wala kang dapat ikabahala. May mga pagkakataon naman na sa panahong nariyan siya, halos isuka mo na. Ngunit sa ibang mga pagkakataon, halos ayaw mo naman siyang umalis. Siya yung tipo na sa katunayan ay isang anyo ng pagpapala sa ating buhay. Subalit nakakalungkot dahil ikaw at ako, sa isang beses o higit pa na pagkakataon sa ating buhay, ay binalewala lamang natin siya. Magkagayunman, darating ang panahong titignan natin siya ng matiim at mula sa kalooban natiý, masasabi nating ‘’Isa ka ngang pagpapala”.

ulan
Sino nga ba siya? Mapalad ka kung kilala mo siya. Kung minsan sa buhay moý ikinagalak mo ang pagdalaw niya. Kung minsan, kahit man lang minsaý hiniling mo na sana dumating siya. Ngunit mas mapalad ka kung sa mga pagkakataong ikinatuwa mo’ng nariyan siya ay dahil sa simpleng rason na -nariyan siya at binigyan siya ng pagkakataong makapiling ka.

Siya ay si Binibining Ulan. [pwede rin namang ginang, o di kayaý ginoo] :)

Hindi iyon ang unang pagkakataong mistula akong basang sisiw habang sakay ng motorsiklo pabalik sa siyudad. Hindi rin iyon ang pangalawa o pangatlo pa lamang. Maraming beses na. Malakas na malakas si Bb. Ulan ng mga sandaling iyon. Tila ba galit na galit habang pilit siyang nilalamon ng dilim ng gabi. Bagamat ramdam ng buo kong katawan ang bigat ng kanyang kalooban, wari namang nakikisimpatya ang mga ilaw-lansangan kung kaya’t kita ko ang mas lumalakas pa niyang daing. Hinigpitan ko pa ang paghawak sa dala kong bag dahil sa panlalamig na aking nararamdaman. Pinagmasdan ko ang aking kapaligiran. Maingay. Maraming mga sasakyan. Magagara. Ang ilan ay hindi ko pa madalas makita noon sa Pilipinas. Lahat nag-uunahan patungo sa kani-kanilang destinasyon. Habang tumatakbo ang oras, patuloy naman sa banayad ngunit siguradong pagtakbo ang sinasakyan kong motorsiklo. Sinubukan kong tumingala subalit masakit ang bagsak ng bawat luha ni Bb. Ulan. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata habang sinimulan kong ibuka ang aking bibig upang kumanta…at dooý isang matamis na ngiti ang pumunit sa aking mukha…

Ngunit kung gugunitain ko ang unang beses na nangyari sa’kin ito, matinding awa ang naramdaman ko noon sa aking saril. Higit pa sa mistulang basang-sisiw ang inabot ko noon. Maraming reklamo ang mga namutawi sa aking bibig. Maraming “Kung sana …” na mga pangungusap ang aking naisip. Akala ko noon, mas madali sana ang lahat kung sana nasa Pilipinas lang ako..kung sana nariyan ang magulang at mga kapatid ko..kung sana isang tawag lang at darating na ang mga kaibigan ko..kung sana..kung sana..

Pero, marahil sa ilang beses na engkwentro namin ni Bb. Ulan sa daan, natutunan kong kailangan kong tanggapin na saang panig man ako ng mundo naroon, darating at darating pa rin siya sa buhay ko, at sa buhay ng iba pang tao. Marahil sa pagkakataong ito, kailangan siya ng isang nilalang, dalawa o higit pa. Habang sa sarili ko naman, ay ipanapaunawa sa akin na sa halip na magreklamo, mayamot, maawa sa sarili, humiling na sana ganito-ganyan, ay pwede ko namang piliin ang magpasalamat sa Diyos. Magpasalamat dahil oo nga’t umulan, ngunit salamat pa rin sa Kanya dahil hindi ko naman ikamamatay ang ulan. Oo nga’t nakasakay lang ako ng motorsiklo, salamat pa rin sa Kanya dahil hindi ko kinailangang lakarin ang daan pabalik sa siyudad. Salamat pa rin sa Kanya dahil kahit pa basang-basa na ako, may mauuwian pa naman akong tahanan upang makapagpatuyo. Iba pala ang nagagawa ng pagpapasalamat. Magaan sa pakiramdam at nakakahawa ng iba…

Minsan, literal nating makaka-engkwentro si Bb. Ulan. Sa magkakaibang aspeto ng aking buhay, dumating siya sa magkakaibang anyo. Mahirap. Masakit. Masaya. Nakakalungkot. Iba-iba. Hindi ko alam kung ilang klase ng ulan ang darating pa sa buhay ko. Ngunit natutunan kong bagamat hindi ko pwedeng pigilan ang pagdating ni Bb. Ulan, pwede ko naman itong paghandaan. Kung kaya’t napagdesisyunan ko na ayokong manatiling palagi na lamang nagrereklamo. O di kayaý palaging nag-iisip ng posibleng mas magandang kapalaran kung sanaý ganito-ganyan ang mga pangyayari. Napagdesisyunan ko na sa bawat dalaw ni Bb. Ulan, hahanapin ko sa puso ko ang daan ng pagpapasalamat.

Isa pa rin siyang pagpapala galing sa Diyos… Ikaw, kumusta kayo ni Bb. Ulan? :)

Photo credit: willysamson-pitikbulag.blogspot.com

Enhanced by Zemanta