Medyo malayo pa sa natatanaw ko na mataas na gate, huminto na yung service namin na jeep. Bumaba na yung instructor namin, at nagsimulang magsalita, dali-dali akong naglabas ng tickler (maliit na notebook) at lapis, magsisimula na ang orientation namin. Aminado ako, kabado na naman ako, panibagong area na naman to, panibagong karanasan, panibagong pahina sa aklat ng buhay bilang nursing student, at paniguradong bagong aral kung paano muli akong matututo sa kung paano magbibigay ng pag-aalaga at kalinga sa kapwa ko.

Iba sa karaniwang araw bilang nursing student, hindi kami nakaharap sa isang ospital. Medyo naninimbang pa nga kami sa lugar, dahil ngayon ang simula ng mahigit isang buwan naming duty sa isang foster home. Unang buwan sa huling taon ko sa kursong Nursing, kagagaling lang namin sa special area nun summer duty namin, akala ko special area pa din ang susunod, natuwa pa naman ako sa duty dun, nun ko kasi naapreciate ng husto ang Nursing habang (a) harap-harapang nakikita ang mga internal organs (b) nakakita ng totoong dugo, madaming dugo actually (c) makita ng harapan kung paano lumalabas ang bata (d) at kung gaano kaseryoso ang propesyon ko pagdating sa pagsagip ng buhay ng tao.

May panghihinayang man dahil naalis ako sa area na minahal ko ng husto, nakaramdam pa din ako ng halo-halong kaba, excitement at nerbyos, di pa kasi ako nakakapunta sa isang foster home. Foster home, temporary home, isang lugar kung saan pansamantalang tumutuloy ang isang tao dahil sa napakaraming dahilan. Sa kaso ng mga tumutuloy sa foster home na nakatakda naming dutyhan, ang mga tumutuloy dun ay mga menor de edad na batang babae, mga batang babae na naabuso, sinaktan pisikal o binugbog ng magulang, mga batang nasagip sa mga raid ng pulis sa mga beerhouse, mga batang prostitute, at mga batang dumanas ng karahasang sekswal, mga babaeng nakadanas ng rape.

Habang iniisa-isa ng instructor namin ang mga facility sa lugar na yun, mas lalo akong kinakabahan, sa teyorya kasi, karaniwang nagiging takot sa lalaki ang mga taong na-rape, kinakabahan tuloy ako. Paano ko kaya magagawa ng mabuti ang ibibigay sa akin na trabaho? Pagkatapos naming maglibot, pumasok na kami, parang mga basang sisiw na nakabuntot sa instructor namin, dahil siguro pare-pareho pa kaming kinakabahan. May ilang batang babae kaming nakita, na agad umiwas ng lakad palayo sa amin nang makita kami, nabanggit kanina na nasa 200 daw na bata ang nakatira ngayon dun, nagtataka ako dahil parang nasa sampu lang yung nakita ko.

Pagdating sa loob ng building, pumasok kami sa isang conference area, matapos ang orientation sa building, orientation naman sa gagawin namin habang nakaduty kami sa center na yun. Humarap sa amin yung head ng center, isang social worker at psychologist, nagbilin lang ng ilang mga bagay tulad ng maging maingat sa mga salita na bibitawan namin, huwag pupunta sa lugar na mag-isa lang kasama ang isa sa batang babae na nakatira dun, lalo na kung lalaki ka, bawal bigyan ang mga bata ng kahit anong matalim na bagay o bagay na pwedeng ipangtusok o ipangsaksak, bawal nga silang bigyan ng ballpen, at ilang bagay na usual naman naming ginagawa sa hospital duty namin. Nalaman namin na nasa school pala yung mga bata, at 11 am ang dating nila, wala na silang pasok sa hapon. Pagkatapos ng orientation sa head, kinausap kami ng instructor namin tungkol sa line up ng activity, simula bukas, kailangan namin magprepare ng program, kailangan magprepare ng mga laro na magbibigay initiative sa mga bata na maging aktibo at sociable, sa paraan na yun, maibalik namin sa kanila ang nawalang tiwala sa lipunang ginagalawan nila.

 rape victim

Binigyan kami ng assigment na bata, sa labing-isang kasama ko, sinuwerte pa ako na masama sa tatlong tao na mabibigyan ng tatlong assignment. At gaya ng dapat asahan, kailangan naming mapagkwento ang mga bata, pero hindi namin sila dapat pilitin. Alam na ng instructor namin ang lahat ng kwento ng bata dito kaya di kami pwedeng mag-imbento. Lahat ay parte ng training kung paano kami makakapagbigay ng alaga sa kanila, kung paano kami pagkakatiwalaan, kung paano kami papahalagahan at magpapahalaga. Huminga ako ng malalim, tatlo sila, pano nga kaya ang gagawin ko. Naisip ko bago kami lumabas ng conference room, “siguro naman sapat na ang amo ng mukha ko para pagkatiwalaan nila ko….” tsaka ako ngumiti, gusto kong batukan ang sarili ko, kinakabahan talaga ako.

Nang makita ko sila, napag-alaman ko na isang 8 years old, isang 15 at isang 16 years old ang makakasama ko sa araw na yun. Masayahin yung pinakabata sa kanila, lumapit nga siya agad sa akin at hinawakan ang kamay ko, tandang-tanda ko pa ang unang sinabi nya sa akin, “Kuya, ikaw ba yung nurse ko?” kasabay ang napakatamis na ngiti, tumango ako at ngumiti sa kanya at tumingin sa dalawa pa niyang kasama. Binanggit ko yung pangalan nila, nagtaas pa yung bata ng marinig yung pangalan niya, yung 15 years old naman tumingin at tumango sa akin, yung 16 years old nagtaas ng kamay, pero ni hindi makatingin sa akin. Nagpakilala ako sa kanila, at sinabi na tatawagin kong bunso yung pinakabata, Jing daw palayaw nung 15 years old at Ate na lang kako tatawag ko dun sa walang kibo na 16 years. Ngumiti yung dalawa, pero si Ate, walang reaksyon. Akala ko sa buong walong oras ng duty kasama namin sila, hindi pala, may oras lang na pwede kami mag-usap, madami place dun na may privacy na pwede naming puntahan, pero karamihan ng araw, kasama namin sila sa mga gawain nila, tumutulong kami sa paglilinis, sa pagwawalis, lahat parte ng pagkuha ng tiwala.

Kinabukasan sa conference namin, habang tumatawa kaming tatlo (tahimik talaga si Ate), nagulat ako na nagkwento si bunso tungkol sa mama nya, miss na daw nya. Habang nagkukwento, bigla na lang tumulo luha niya, inakap naman siya ni Jing, nalaman ko na binubugbog pala siya ng step dad niya, lalo na pag walang naibibigay na pera ang mama niya. Halos ganun din ang kwento ni Jing, kaso ang masakit, tunay niyang ama ang gumagawa nun, nalulong daw sa drugs yung tatay niya, hiwalay ang magulang niya, nagsumbong siya sa Tita niya ng minsang pagtangkaang gahasain ng tatay niya. Habang naririnig ko yun, di ko maipaliwanag nararamdaman ko, kung naiiyak ka sa pelikula, iba sumampal ang totoong buhay, nakakayanig ng pagkatao. Sa kabila ng pagkukwento nun dalawa, tahimik pa din si Ate, wala akong magagawa, di pa siguro siya handa.

Pangalawang linggo namin sa center nang magkaroon ulit kami ng conference sa instructor namin tungkol sa mga naikwento ng nakaassign sa amin, at sinabi ko nga na di pa din nagsasabi ng nangyari sa kanya yung pinakaate sa nakaassign sa akin, sabi nun instructor namin, ok lang daw, bigyan ko pa daw ng panahon. Naglalaro talaga sa isip ko kung ano nga ba ang kwento ng buhay niya, napakabigat kaya? Naglalakad ako papunta sa mga Nipa huts na nakaikot sa buong center nang makita ko ang dalawa na nakaassign sa akin sa isang kubo malapit sa bakod ng center, wala yung bunso, at naalala ko na pumasok nga pala. Nakita ko silang naggigitara, ngumiti ako at sinabing may gitara pala dun. Inabutan ko sila ng tig-isang sandwich na binaon ko pa galing sa bahay, tinanggap naman nila pareho. Ngumiti si Jing, tumingin naman si Ate at nagbitiw ng matipid na ngiti, natuwa ako dahil ngayon lang niya ako nginitian, inabot sa akin ni Jing ang gitara at humiling na tumugtog daw ako at kumanta, mabuti na lang at nang panahon na yun, kahit paano marunong na akong maggitara, pinagbigyan ko sila, at kumanta ng “Crazy For You”, bersyon ng Sponge Cola yata.

Natapos ko pa lang ang chorus, nang magulat kami ni Jing ng biglang humagulgol si Ate. Inakap agad siya ni Jing, umakap din naman agad si Ate sa kanya, lumapit ako pero di ko siya mahawakan, baka lalo lang siyang umiyak. Ilang sandali pa, tumigil na siya, tinanong ko kung ok ba siya, tumango ito, nagbigay ng ngiti, pero kitang kita ko ang pait sa ngiti niya, at sa unang beses narinig ko ang boses niya. Pasensya na daw, madalas daw kasing kantahin sa kanya yun ng boyfriend niya. Binaba ko ang gitara at nagsimulang makinig sa kanya, nararamdaman ko, na handa na siyang magkwento.

Tahimik kami ni Jing habang nakatingin sa kanya. Sabi ni Ate, akala daw niya dati sa TV lang nangyayari yung nangyari sa kanya, naiinggit daw siya sa ibang tao, na ang bahay ay nagbibigay proteksyon, naiinggit daw siya sa mga taong minahal ng magulang. Nagsimula siya umiyak, at sinabi na dose anyos siya nang simulang gahasain ng ama niya, ang nanay niya ay nasa ibang bansa at nagtatrabaho bilang domestic helper. Akala niya kalbaryo na ang buhay niya sa aman niya, pilit daw siya pinapainom ng pills ng tatay niya nun para di siya mabuntis. Katorse daw siya ng dumating sa bahay nila ang ilan pang kalbaryo ng buhay niya, dumating daw ang lolo niya at tito niya, ama at kapatid ng tatay niya. Di daw iilang beses nakita niyang sumisinghot ng shabu ang mga ito, at nang minsang lango sa epekto ng droga, pinagsamantalahan siya ulit, ng ama, lolo at tito niya. Paulit-ulit daw itong nangyari. Nagbalak na siyang magsumbong, sa tita niya na kapatid ng tatay niya, pero di ito naniwala, at sinumbong pa siya sa tatay niya. Nagalit ang tatay niya at binugbog siya, kasama ang dalawang bata niyang kapatid, ang bunso nila na pitong taong gulang nun ay nabalian ng buto sa braso, ngunit lahat ay pinalabas na aksidente.

Ayos lang daw mamatay na siya, wala na daw siyang nakikitang pag-asa para sa kanya, pero ayaw daw niyang mas mahirapan pa ang mga kapatid niya, impyerno na nga daw ang buhay niya, ayaw daw niyang masama pa ang kapatid niya. Nagbanta ang tatay niya na papatayin din ang kapatid niya pag nagsumbong siya. Halos gabi-gabi daw, lolo, tito at ang tatay nya. Paulit-ulit, halinhinan, palit-palit ang tatlo. Hanggang dumating ang kinakatakutan niya. Nabuntis siya, buntis pala siya ngayon, at hindi nya alam kung sino ang tatay ng pinagbubuntis niya sa tatlong taong dapat sana ay magbibigay ng pagmamahal sa kanya, pero ngayon ay tinuring niyang demonyo. Nalaman ito ng boyfriend niya, at parang bombang sumabog at sumira sa lahat ng pangarap na binubuo niya kasama ang lalaking totoo niyang minamahal.

Ilang minuto din siguro akong di nakaimik. Di yata kayang iproseso ng utak ko, na may matinong lolo at tiyo na makakagawa nun sa isang babaeng halos musmos pa lang. Lalo naman siguro na walang matinong ama ang makakaisip na sirain ang buhay ng sarili niyang anak, walang matinong ama ang magbubuhol ng tali ng kamunduhan sa paa ng sarili niyang anak, tali na nakadugtong sa kumunoy na papatay sa sarili niyang anak dahil sa kawalang pag-asa. Di ako makapaniwala, na may mga tahanan pala na itinuturing na impyerno ng ilang tao.

Photo credit: topnews.in

Tumahan na si Ate, sa ngayon daw, gusto niya sanang makausap yung boyfriend niya, gusto niya sanang magpaliwanag na biktima siya, na wala siyang ginusto sa mga nangyari. Hinawakan ko yung kamay niya at sinabi na alam kong hindi madali ang sitwasyon nya ngayon, pero wag sana siyang bibitaw, makakaahon din siya sa kinalalagyan niya at pag dumating yun, mas malakas na siya. Tumango siya at ngumiti, nagulat ako at umakap siya sa akin, salamat daw sa pagpapakita na may mabuting tao pa din sa mundo. Ngumiti ako, ayaw kong umiyak pero hanga ako sa katatagan niya, sabi ko, dagdagan pa niya ang katatagan niya, dahil alam ko kako na may nakalaan pa rin sa kanyang mabuting buhay, magtiwala kako siya sa Diyos. Tumango siya at ngumiti, tsaka sila nagpaalam para bumalik sa quarters nila, may meeting yata ang center.

Habang naglalakad sila palayo, napaisip ako, may ganito pala talagang kwento sa mundo. Sino ba ang may kasalanan sa mga ganitong pangyayari? Bakit ba nagiging magulang pa ang mga taong ni katiting ay wala yatang karapatang bigyan ng supling? Sa modernong panahon, sa modernong paraan ng komunikasyon, bakit hindi pa din mawala ang mga ganitong kwento, mga kwentong magpapayanig sa paniniwala ng pagkatao mo? Bakit sila ganun?

Habang naglalakad sila papalayo, mas lalo tumibay ang paniniwala ko, na tama ang propesyong napili ko, dahil dito, mas nakikita ko ang mundo, dahil dito, paisa-isa man, nagkakaroon ako ng pagkakataong bumago ng buhay ng tao. Sabi ko sa sarili ko habang pinagmamasadan ko silang maglakad palayo sa akin, balang araw, magsusulat ako tungkol sa kwento nila, balang araw ibabahagi ko ang katatagan nila…. Balang araw ipapabasa ko sa iba yung buhay nila, para wala ng magulang ang mawalay sa anak… para hindi na madagdagan pa ang mga bata sa foster home… dahil ang salitang tahanan, dapat walang temporary, wala itong simula at hangganan, iiwan mo man ito, pero babalik at babalik ka pa din dito… dahil ito lang ang maari mong balikan, nandito lang ang totoong tatanggap sa’yo… hindi mo kailangan ng special passes para makapasok, hindi mo kailangang pumila o magkaroon pa ng special key… ang tahanan ay hindi gawa sa kahoy at yero… hindi ito semento na may bintana at pinto… ang tahanan ay sa piling ng mga taong totoong nagmamahal sa’yo… sana ngayon, nakita na ng mga batang nakasama ko noon ang totoong tahanang dapat nilang kabilangan….

Enhanced by Zemanta