HIGH SCHOOLHigh school daw ang pinakamasayang parte ng buhay ng tao. Sa napakadaming dahilan, maari natin sigurong ikulong ang mga yun sa katwiran na noong high school, naranasan nating masulyapan ang mundo ng pagiging matanda habang nakatali sa lubid ng pagkabata. (di ko naman laliman hano?). Sa simpleng pananaw, noong high school kasi tayo nagsisimulang magkaroon unti-unti ng  pag-unawa sa totoong mundong kakabilangan natin, habang unti-unti din nating binibitawan ang mga hibla na nagtatali sa atin sa pagiging bata. (Malalim pa din?). Sabihin na nating, nun high school tayo, naranasan natin parehong maging bata at maging matanda, at sa aspeto ng buhay na yun ng mabilis na pagbabago, eh madami tayong nakasabay dito.

Madami akong naipong alaala sa high school, marahil, sasang-ayon kayo na marami dito ang masarap balikan, pero meron ding masarap na lang maalala dahil tiyak na amag lang ang idudulot niya sa’yo. Ano-ano nga ba ang naaalala mo sa high school life mo?

Malamang, amag ang high school life mo kung:

  • Dito ka unang nabasted. Aminin man natin o hindi, dito tayo unang pinagmultuhan ng puso natin, dito siya unang nagparamdam sa’yo, na bukod kay utak, may isa pang malakas na enerhiya ang maaring magdikta sa buhay at kapalaran mo. Sa high school, marahil, dun tayo nagkaroon ng unang crush, tuksuhan na laging nauuwi sa pagdedeny, pero sa lahat naman ng kilos at galaw mo, naghuhumiyaw na siya nga ang taong tinitibok ng makibot at maharot mong puso… ^_^… Masarap sanang maalala lahat ng pagkakataon na panakaw mo siyang sinulyapan, pero masakit kasi at nakakaamag ng utak, pag naaalala mo, na kapag tinutukso na kayo, ang naririnig mong galing sa kanya ay mga salitang: “badtrip naman, wag yun!”, “yuck, wala na bang iba?”, “ulol, wag na lang oy…”. Rejection, yan ang isa sa pinakamasakit na sampal ng buhay, at sa high school, malamang, dito mo siya unang matitikman.

  • Dito nagsimulang magpacute si pimples. Dito nagsisimulang lumabas ang mga paborito mong kausap sa salamin, yung tipong kinakausap mo na, “kailan ka ba aalis? di ka pa ba nagsasawa sa mukha ko? please naman, lumipat ka na sa iba…” (hahaha nandamay ka pa talaga ng iba? ano yan sumpa?). Kung bakit naman tila nanadya, ang dami naman balat sa katawan, bakit paborito pa nilang tumubo sa mukha? Minsan, mamimili pa sila ng paborito nilang pwesto (na pustahan tayo, tiyak na ika-hihilakbot ng kalooban mo), minsan tutubo sila sa dulo ng ilong mo, mapula, malaki at tila naghuhumiyaw sa buong mundo “HOY! TAGHIYAWAT AKO! ANG LAKI KO NOH?”. Kung pwede lang wag ka ng pumasok gagawin mo, oh minsan tatakpan mo to ng panyo, na lalo namang makakatawag ng atensyon sa mga tao (di kasi natin naisip, na mas tinatago mo, mas papansinin nila). Ilan sa paniniwala sa taghiyawat noong high school tayo:
  1. dadami ito kapag nagpuyat ka – para sa akin di totoo, kung totoo yan di sana lahat ng doctor, nurse at call center agent eh parang taghiyawat na nagkatawang tao. Imaginin mo kung totoo yun, ano na kaya itsura ng mga nasa ospital?
  2. dadami ito kapag in-love ka – isa pang hindi totoo, kasi kung totoo to, bakit may kilala ko, wala pang naging BF eversince pero wala ng pwesto ang bagong taghiyawat sa mukha niya. Pero astig din siguro kung totoo to, kasi lahat ng nakadami ng BF o GF eh tinutubuan ng sampung taghiyawat, di may signs ka kung sino na ang nakakarami ng GF at BF, hehehe wala siguro agad-agad makikipagrelasyon at magsasabihan na maalamat na “I YAB YU” sa isa’t isa (sampung taghiyawat na sabay-sabay na tutubo nga naman ang nakataya)
  3. dadami ito kapag kumain ka ng chocolates – sabi ng isang sikat na dermatologist (oo si Vicky Belo nga yung tinutukoy ka… Siya nga, yung dating jowa ni Hi – den, ay Hayden pala, yung kasama ni Katrina na nakipag-tut.. tut… sa tut… tut… tapos  nag-tut… tut… sila…), hindi daw totoo na nakakataghiyawat ang chocolates, actually nakakapagpaganda pa daw to ng mood na nagrerelease ng mga hormones to regenerate skin growth, yung nuts daw sa chocolate ang pwedeng makapagdulot ng pimples. So turo ng instructor ko dati, iwas mani muna kami tapos kain daw ng madaming saging. (oo alam ko nakuha mo, berde ka talaga…).

  • Lagi kang ginagawang escort o muse, kahit na sulat naman talaga ang maganda o gwapo sa’yo. Kung bakit naging trend na yata ngayon, na kapag nai-nominate ka na muse o escort eh kailangan mong mag-isip kung kaaway ba o kaibigan mo ang gumawa nun. Pinakamadalas kasing gamiting pang-asar ang pagpapasok ng pangalan mo bilang escort at muse. Ewan kung dahil na siguro sa tradisyon, pero pag nagkakaroon ng eleksyon kailangan talaga may muse at escort, minsan iniisip ko, ano ba kasi ang gagawin nila, buti pa kasi ang ibang positions, may specific job description,
  1. President – maging feeling teacher at boss pag walang teacher. Umepal pag kailangan ng papapel at maging alay na sakripisyo kapag may nagwawalang teacher na handang lumulon buong-buo ng estudyante.
  2. Vice President – maging feeling teacher at boss pag walang teacher at walang president. Basically reserbang presidente siya.
  3. Secretary – kailangan maganda ang sulat, walang paki sa wrong spelling at grammar, basta kailangan maganda sulat. Tapos.
  4. Treasurer – kailangan mayaman, kailangan kasi madaming pang-abono at madaming pamalit pag nawalan ng pera (di bali ng engot basta mayaman.)
  5. Auditor – kailangan magaling sa Math. Yun lagi sinasabi, sa bansa yata natin kapag marunong ka ng plus, minus, taymis (times), at dibay-dibay (divided by) eh magaling ka na sa math. Minsan gusto kong batukan nagsasabi nun, simpleng arithmetic lang naman gagawin ng auditor, at di nila kailangan ng degree sa algebra, trigonometry, statics at advanced calculus.
  6. PRO/PIO – kailangang madaldal. Kasi sila daw taga-kalat ng tsismis kapag nag-away si president at vice sa meeting. Sila din tagakalat ng balita kapag may ipapaaudition ang student government tulad ng: Baliw-baliwan theater, Sintunado chorale at Pilipit dance Troupe.
  7. Sgt. at Arms – madalas magtaka ko kung bakit di buuin ang Sgt at gawing sergeant , ayaw kong magduda, pero malamang di alam spelling, hehehe. Sila naman yung mga bully sa school, mga future bouncer ng club. Dapat yung mga mahirap bawalin ang gawing mong tagabawal, ng may pakinabang kagaspangan ng ugali nila. Mga taga bawal ng maingay. (Tama?)
  8. Bus. Manager – sila ang mga dakilang tagapamalengke, hehehehe mula ng maimbento yung position na to, tagapamili ng ingredients sa iluluto o tagabili ng materials sa project ang naging role nila.
  9. Muse at Escort – eto na, ano nga ba trabaho nila? Ano pa, di magpagwapo at magpaganda. Yun na yun? Ahm, wala na iba? Wala na.. Wala na talaga? Wala na yata.

  • Natae ka sa school o sa bus habang nasa tour. Nang tumuntong ka ng high school, akala mo ang insidente kung saan ang isang tao ay aksidenteng napapakawalan ang lahat ng naipong buryong ng tiyan, eh hindi na mangyayari, puwes, nagkakamali tayo. Maaring may kilala kayo na di sinasadyang naghasik ng lagim habang tahimik kayong nagkaklase o mas matindi at memorable, kung nangyari ito habang nasa biyahe kayo sa inyong tour. Habang ninamnam ang lamig ng aircon bus, may naamoy kang kasulasulasok. Hindi ka maaring magkamali, ang naamoy mo ay bakas at ebidensya ng nagwewelgang bituka. Huli na, wala ka nang matatakbuhan pa, sa loob ng selyadong  bus na yun, wala kang choice kundi langhapin ang oxygen na may halong amoy ng ebs ng kaklase mong ginataang condensed milk yata ang almusal. Pero wala kayong kibuan magkaklase, pero alam na alam mo kung saan nanggagaling ang amoy, dahil katabi mo siya, mismong ang tagliran mo nga ay basa na ng malapot na likidong may kagagawan ng humahasik na lagim. Ngunit wala kang magawa kundi magdasal, na sana ay wag ng lumiko ang bus pakaliwa, upang wag ng maglakbay papalapit sa’yo ang nasasakdal na likidong may konting buo-buong sangkap. (nak ng tokwang amag na description yan, nakakadiri na!)

 

  • Kalahati ng existence mo sa high school eh gardening. Nun highschool kami, may subject na THE (technology and home economics) o yung EPP (Edukasyong Pang…. ah… at Pang… ah basta yun) hehehe, sa school namin yung subject na yun ay nahahati sa apat, sa apat na subject na yun, isa dun eh may kinalaman sa pag-garden, yun tipong nakauniform ka ng puting pangtaas at itim na pantalon o palda, pero nasa damuhan ka para magtanim, magbungkal, magdilig at magdamo. Dahil kasama ako sa section ng mga pinagpala (aaminin ko naman na advantage talaga yun) hindi namin naranasan gawin to, pero sa karamihan sa kabatch ko, dumating sa punto na na-assign sila sa subject na to.
  1. Animal Husbandry – subject na may kinalaman sa pag-aalaga ng mga manok, bibe, pato, pugo (kasali ba to?) o mga poultry animals at mga baka, baboy, kalabaw, kalabaw, tamaraw, ipis (teka?) daga, o yung mga livelihood stocks. Ang natandaan ko lang exciting na ginawa dito eh nun nag-kapon kami ng manok at nagcastrate ng kawawang daga. Putol na ang lahi nya.
  2. Industrial Arts – naku, ayaw kong maalala to. Dito kasi kami tinuruang maglettering, na wala yata akong katalent-talent kahit katiting, dito din kami gumawa ng mga handicrafts tulad ng wood curving na ulit, wala akong talent kahit katiting. Hehehe, salamat sa mabubuting kaibigan, naisalba ko ang klase ko dito.
  3. Home Economics – ito siguro pinakagusto ko, lalo na sa cooking at baking, pati yung table arrangements at bartending, dahil nga dito, nahibang ako sandali na gusto kong magculinary o magHRM. Kaso nun bandang third year at fourth years, muntikan ko ng isuka lahat ng lamang loob ko, ng magsimula kami ng basic tailoring, di ko makakalimutan kung ilang beses akong natusok matapos ko lang ang pajama na project namin, o yung apron na pinatahi ko na kay mommy… gantsilyo, cross stitch.. may mga gabi pa ding binabangungot ako na hinahabol ng karayom at sinulid… hehehe…
  4. Agriculture – ito na siya, yung sinasabi ko kanina. Ang regular na ginagawa mo ay palaguin ang tanim mong gulay, dun nakabase ang grades mo. Sa buong apat na taon eh maitatanim mo yata lahat ng gulay sa bahay kubo (weh? pati yung linga? nakakita ka na ba ng puno ng linga?). Napakahirap na nakabilad ka lagi sa init, magbubungkal ng lupa at nagdidilig ng tanim mo, tapos eh Algebra ang next period mo, di ka kaya magwala kung ikaw yun?

At malamang, heaven naman ang high school life mo kung:

  • Naging teacher’s pet ka. Dati, naiinis ako sa mga favorite ng teacher, yung tinatawag na teacher’s pet. Tingin ko kasi sipsip sila, pero nagbago ang pananaw ko sa pagiging paborito ng teacher ng tumuntong ako ng third year high school, dahil ng taon na yun, tatlo sa teachers ko ang naging paborito ako. Masarap maging paborito, ramdam mo na iba ang tingin sa’yo, ramdam mo na espesyal ka sa kanila, ramdam mo na may mas mahabang pisi ang pasensya nila sa’yo, pero masisi mo ba ang teacher kung magkaroon sila ng paborito? Nung naging instructor ako, nun ko naintindihan na di mo maiiwasan na magkaroon ng paborito, ipokrito siguro ang magsasabi na wala siyang naging paborito kahit minsan, dahil ang mga tinatawag na “teacher’s pet” ang nagpaginhawa ng trabaho ko noon. Sila ang maasahan at responsableng estudyante na pwedeng-pwede mong iwan o bilinan ng trabaho. Sila ang mga estudyante na marangal at matapat na nag-aaral, mga estudyante na hindi inisip na magsamantala sa kabaitan ng guro. Kung isang pakete ng 24 pieces crayola ang high school life, parang bonus color ang pagiging teacher’s pet.

 

  • Naging school celebrity ka. Iba’t ibang paraan kung paano ang isang estudyante ay nagiging school celebrity, pero nagiging heaven ang high school life kung hindi ka sumikat dahil sa:

(a) pagvandal sa mga bagong pinturang pader ng “I love you Crisencia”

(b) pagiging notorious na mang-aagaw ng baon na sandwich at chuckie chocolate burst ng kaklase (hala! elementary? may baon),

(c) regular visitor ng Guidance Councilor o Principal’s office o

(d) pagiging real-to-life action star/leading kontrabida/goons/utak amag ng school nyo.

Magiging heaven naman ang high school life mo kung sumikat ka dahil:

(a) sa taglay mong gilas sa pagsasayaw eh nahiya sa’yo ang hinahanging kawayan

(b) sa taglay mong ginintuang boses na pwedeng-pwedeng ikulong sa vault ng Cebuana Lhuillier(hehehe joke lang)

(c) pumapakyaw ka ng academic medals mula sa best in attendance hanggang battle of the hypothalamus quizzes

(d) natural born athlete ka from basketball and marathon runner hanggang piko at patintero.

(e) crush ng bayan at dyosa ng waiting shed kaya sikat sa karamihan.

(f) gifted writer at poet kaya bidang-bida ang articles sa school papers

(g) artistic at imaginative kaya the best ang mga posters at drawing na cartoons sa school papers

(h) may dugong politician ala Miriam Defensor Santiago at Lito Lapid (oh, wag ng magreklamo, senador yan pareho), at siyempre

(i) ulirang estudyante na di matatawaran ang sipag at talino, na kasama sa top 25 sa klase ng 30 students.

 

 

  • May kaklase kang swabe ang ganda o malupit sa kagwapuhan. Ewan ba natin kung bakit nun high school, ang daling matawag ng atensyon natin ng mga maganda o gwapo. Para bang makita mo lang sila, kumpleto na ang araw mo, panakaw mo pa ng silang sinusulyapan, minsan, para-paraan pa para masundan mo sila sa pupuntahan. Nun punto na to, ang babaw ng ating kaligayahan, ng punto na to, dasal natin eh mapansin man lang tayo ng crush natin.  Pero pansinin mo, paglipas ng panahon at makita mo ulit sila, para matatawa ka pa, at masasabing “nakakatawa, nagkacrush ako sa kanya dati”. Habang tumatanda kasi tayo, nagbabago ang pananaw natin sa mamahalin nating tao, kaya kung nasa stage ka man ng high school, wag masyadong seryoso, kahit pa “pang-crush ng bayan” ang dating nya ngayon, dadating panahon, kukulubot din ang mukha nyan, puputi ang unat na mahabang buhok, makakalbo ang naka-spike na wax-coated na buhok at magiging mukhang pasas ang makinis na balat, hindi dapat pisikal ang batayan mo, dahil pag nawala ang iturang minahal mo, baka pati pagmamahal mo sa tao na yun, mawala na din.

  • Dito ka unang nakakita ng kadugtong ng tibok ng puso mo. Kung humigit pa sa crush at tuluyan kang nilamon nito, maaring dumiretso ang mababaw na crush na yan sa seryosong pagmamahal. Nakakatuwa ang kwento ng mga tao na dati sabay kumakain ng fishball sa kanto at nanatiling magkasama upang sabay na bumili ng alaxan at naproxen sodium para sa nirarayuma nilang tuhod. Nakakatuwa na may mga ganung kwento, at alam ko, lahat naman tayo nangarap na ang unang nakasabay natin sa daan ng buhay, ang unang taong humawak sa ating kamay, umakap ng buong puso at ang unang taong iyong nahalikan ang siya na ding maging huli. Lahat naman tayo, nangarap at nagdasal, ako din, hiniling ko na sana, yun babaeng tinatanaw ko ang makasama ko habangbuhay. Pero bihira kasi ang nabibiyayaan na makatagpo agad yung match nila, kaya kung nag-iisip ka man na siya na nga, wag kang gagawa ng bagay na maari mong pagsisihan, wag kang magbibigay kung sa huli iisipin mo lang iyong bawiin, dahil hindi kasiguraduhan na masaya ka ngayon upang hindi na yan matapos.

 

  • Dito ka nakatagpo ng barkadang dumugtong sa bituka at sikmura mo. Kung meron man magpapangiti sa akin ng husto pag naaalala ko ang high school life, ito ay ang mga taong nakasabay kong naglakbay sa parte na ito ng buhay. mga taong pinahalagahan ko at nagparamdam sa akin ng pagpapahalaga. Mga itinuring na kapatid, kuya, ate, kaibigan at barkada. Marahil, di ko mabibilang ang beses na ngumiti ako kasama nila, o ang bilang ng walang kwentang kababawan na pinag-awayan namin. Di ko mabibilang kung ilang beses kaming nagkapikunan, o kung ilan beses kaming gumawa ng kabaliwan. Ilang fishball ang pinagsaluhan, ilang softdrinks ang pinaghatian gamit ang isang straw, ilang chichiria ang pinagtulungang simutin o ilang papel ang hiningi ko sa kanila o ibinigay ko sa kanila. Sa huli, ikukulong mo na lang ang lahat ng alaala na yun, sa isang salita, pagkakaibigan.

 

Nung nakaraang linggo lang, bumalik ako sa dati naming paaralan, kailangan ko kasing may kuhanin na papers sa record section. Habang naglalakad ako, di ko maiwasang sabihing, “ang dami ng nagbago”. Lahat naman yata ng bumalik sa school nila, yun ang masasabi. Marahil hindi lang pisikal ang ibig kong sabihin, dahil sa pagbalik ko sa isang parte ng mundo na yun, nakita ko ulit ang isang batang lalaking pinilit sumuong sa mundo. Nakita ko ang mga batang babae at lalaki na nagsimulang humubog ng kani-kanilang buhay at pangarap sa lugar na yun. Nakita ko ang sarili ko at ang mga kaklase ko.

Dahil sa lugar na yun, tumawa kami, nag-asaran, umiyak at nagkapikunan… sa lugar na yun nagsimula kaming mangarap… sa lugar na yun, nagsimula kaming magkaroon ng takot sa totoong mundong maghihintay sa amin…. sa mundo na yun, nagkaroon ako ng mga bagong kapatid… Bago ako tumalikod at umalis sa dati kong school, tumingin ako dito at inisip ang lahat ng alaala na idinikit ko sa bawat pasilyo nito… Wala na akong nakikita sa mga dati kong kaklase, ang mga isip bata noon ay nagsisimula ng bumuo ng sari-sarili nilang buhay… lahat kami ay busy na sa pagharap sa kanya-kanyang buhay na pinili naming daanan. Ngumiti ako pero gusto kong umiyak, ang bilis ng panahon… minsan mararamdaman mo na ang bilis gumalaw ng mundo, ang nakakalungkot pa, walang kang ibang pamimilian kundi gumalaw kasabay nito… Hindi ko alam kung kailan ako babalik dito, pero saan man ako makarating, magiging bahagi na ito ng aking pagkatao.

Enhanced by Zemanta