Wala sa pangarap ko ang magkaasawa ng isang seaman. Bakit ko nasabi ito? Kasi nung college days, halos Marinong estudyante ang mga nanliligaw at nagpapahaging sa akin. Pero hindi ko sila  pinapansin kasi nga ang paniniwala ko noon eh  ang mga seaman,” every port report“.

Lumipas ang napakahabang panahon, di ko akalain na sa isang seaman din pala ako bibigay at magmamahal… Swerte kung tutuusin lalo na sa usaping pinansyal. Pero ano naman ang kapalit nito? Sa loob ng isang taon, tatlong buwan lang namin ng mga anak ko siya nakakasama. Buti na lang sa murang edad ng mga anak ko ay naiintindihan nila ang propesyon na mayroon ang kanilang ama. Subalit ano pa ba ang mga mga bagay na nagpapahirap sa kalooban ng isang asawa ng seaman? Isa-isahin natin at tingnan natin kung tama ako o pareho rin ng nararanasan ng mga ibang babae na ang asawa ay isang ding mandaragat:
1. Mas malamang hindi kasundo ang byenan sa kadahilanang inagawan mo sila ng kayamanan.
2. Kinaiinggitan ka sa lugar ninyo kasi basta na lang daw dumadating ang pera sa iyo.
3. Ang mga anak mo ay hindi makatanggap ng kahit mumurahing regalo kasi ang katwiran nila ay kayang bumili ng kahit ano kasi nga anak ng seaman.
4. Hinding hindi ka paniniwalaan na sa palengke ka namimili ng damit ng mga anak kundi sa SM daw kasi nga asawa ng seaman.
5. Ang akala nila naglulustay ka lang ng pera pag nagpunta ka sa parlor gayong kailangan mo naman talagang magpatanggal ng ingrown sa paa.

Naku, ilan pa lang yan, sa dami nga tila nakakasama na ng loob minsan. Hindi ko naman kasalanan kung sa ganoong tao ako nagmahal. Hindi dahil sa ganong propesyon ang gusto kong mapangasawa, nagkataon lang. Swerte ko na nga lang talaga na ang mga maling akala ko sa mga mandaragat ay binura ng aking asawa sa aking isipan. Isa siyang marangal na mandaragat at responsableng ama at asawa. Subalit maraming tao pa rin na nakapaligid sa kanya ang walang awa kung siya ay husgahan. Alam ko sa sarili ko na siya ay isang matinong tao, anuman ang sabihin nila paniguradong inggit lang sila sa kagandahan ng aming pamilya, punong-puno ng pagmamahalan at respeto sa isa’t-isa.

Anumang sakit ng loob ang aking nararanasan sa tuwing siya ay maglalayag, napapawi namin iyon sa araw ng kanyang bakasyon, bawat minuto at oras na kasama namin siya ay puro kasiyahan at pagmamahalan. Malayo man siya sa amin, alam ko na kasama nya kami palagi sa kanyang puso at isipan….

Photo credit: ofwngayon.com