Left: Ako habang ginugupitan at kinukulayan ko ang aking buhok. Mcdo cheeseburger na pinakatreat ko sa aking sarili at ang ukay ukay.. . Right: picture ng aking bahay (papalitan pa po ang color..hehehe)

Paalala: Napakahaba po nito pero hindi po ako mag-aaksaya ng oras na isulat ito kung wala kayong matututunan pagkatapos ninyo itong basahin. Inaanyayahan ko kayong basahin ang lahat ng ito upang kahit papaano ay makaipon kayo.

Ang karanasan kong ito ay hango sa aking buhay bilang OFW. Kung paano ako nakabili ng lupa at bahay mula sa aking pagtitipid. Ang bahay at lupa na ito ang pinakaregalo ko sa aking ina na naghirap mula nang mamatay ang aking ama labing apat na taon na ang nakakaraan.

Ikaw ba’y matagal na sa abroad at wala pa ring ipon? O kaya naman ay nagsisimula pa lamang sa pakikipagsapalaran subalit punung-puno na ng pangarap na makaipon para sa kinabukasan? O ikaw ba ay papaalis pa lamang sa Pilipinas para mangibang bansa at gusto mo ring kumita ng malaki para sa iyong sarili at iyong pamilya? Kung ganun, maaaring kailanganin mo ito. Ito ang ginawa ko sa buhay kaya kahit papaano, ay may naipundar na rin at nakatulong sa pamilya.

Ayon kay Sir Dennis De Guzman ng KAKKAMPI International at ang editor in chief ng OFW Ako Magazine, Ang pag-iipon ay isang desisyon. Kundi mo kailangan o wala kang sinusuportahan, okay lang dahil buhay mo naman yan. Nakakalungkot lang na marami sa atin ang nagsasakripisyo na mapalayo sa pamilya subalit umuuwing luhaan dahil walang kahit kaunting ipon. Dapat itatak natin sa ating isipan na ang buhay abroad ay hindi panghabambuhay. Maswerte ka kung pauuwiin ka pagkatapos ng iyong kontrata, pero paano kung baguhan ka pa lang ay nagkaroon ng emergency sa inyo sa Pilipinas o kaya naman ay biglang nagkaroon ng problema sa trabaho at napauwi ka nang di oras? Dapat maging girl scout tayo sa lahat ng oras. Yun tipong LAGING HANDA!

Bago ko ilahad sa inyo ang aking tips, ikuwento ko muna ang ilang bahagi ng aking buhay..

Ako po ay ipinanganak na mahirap. Kung kahirapan lang ang pag-uusapan, di ako papahuli. Grade 6 ang natapos ng nanay ko at grade 4 naman si tatay. Nagkakilala lang sila sa Manila dahil iisa lang ang kanilang amo. Boy si tatay at maid si nanay. Wala kaming sariling lupa at bahay noon at ang puhunan lang naming lahat ay sipag at tyaga. Anim kaming magkakapatid at ako ang pang-apat. Yung panganay at pangalawa, di nakatuntong ng college dahil nagtrabaho agad sila para makatulong din sa amin lalo na at namatay ang tatay namin noong 13yrs old ako. Kaming 4 na sumunod ay nakatapos dahil sa kanya-kanyang diskarte. Nagcrew ng Jollibee si kuya habang nagtatrabaho bilang Student Assistant sa school. Ako naman, nagkaroon ng scholarship nung college at nang nanganib ang grades ay nagsimula akong magtinda ng load sa school at ang ginamit ko ay ang perang galing sa scholarship ko. 2003 nang nagsimula ang eload at ako ang kauna-unahan sa lugar namin kaya malaki ang kita. Yan ang isa sa mga tumulong sa akin kaya nakatapos ako sa college at nakakapag-abot pa ako sa nanay ko. Yung 2 kapatid kong sumunod sa akin ay nakatapos din dahil sa tulong ng auntie/uncle ko at konting tulong ko na rin dahil nasa abroad na ako noon.

Nang makarating ako ng abroad, doon lang kami nakabili ng mga gamit sa bahay tulad ng ref na ginagamit ng hipag ko na pinanglalagyan ng kanyang panindang BBQ. Napaaral ko ang mga pamangkin at mga kapatid ko. Kahit papaano ay natustusan ko rin ang pagpapagamot ng nanay ko na diabetic at nakatulong rin sa mga kamag-anak na nangangailangan.

Inabot ako ng 5 taon dito sa abroad bago nakabili ng bahay pero ang nabili ko ay sa isang subdivision at medyo may kamahalan din. Yun ang matagal ko na pinapangarap dahil yun ang pinakaregalo ko sa nanay ko sa paghihirap nya pagkatapos na mamatay si tatay more than 14years na ang nakakaraan. Wala kaming lupa at bahay noon pero ngayon ay may matatawag na kaming “amin” talaga. Alam ko na inabot man ako ng 5 taon pero hindi nasayang ang pinaghirapan ko dahil napunta sa mabubuting kamay. Investment na matatawag ang kapatid ko na napaaral ko sa college dahil ngayon ay nakakatulong na rin sya at hindi pa nag-aasawa. Sa 6 na magkakapatid, isa palang ang may asawa sa amin. Wala pang asawa yung ate ko (34yo), ako (27yo), sumunod sa akin (24, 20) at ang kuya ko na sa loob ng seminaryo ngayon. Sa loob rin ng panahon na di ako nakaipon para sa bahay, naipagamot ko ang pinsan ko na noon ay nangangailangan ng matinding gamutan. Sa kanya napunta ang naipon ko na pangdown sana sa bahay noon. Naging active rin ako sa charity works sa schools at bahay-ampunan.

Pagdidisiplina sa sarili ang pinakapuhunan ko dito sa abroad. Sabi ng nakakasalamuha ko, talo ko pa daw ang may asawa at isang dosenang anak kung magtrabaho. Nasa Pinas palang kasi, sarado ang mga palad ko sa layaw at hanggang ngayon na andito na ako sa Canada ay dala dala ko pa rin yun. Maniniwala ba kayong, hanggang ngayon, tuwing bumibili ako ay nagcoconvert pa rin ako sa peso? Kaya ang pinakapaborito kong store dito ay dollar store. Yung bawat bilhin mo ay nasa 1$ lang ang presyo. Paborito ko rin ang garage sales dito. Mabibilang ko lang ang gamit ko na binili ko sa isang store talaga. Iyun ang pinakareward ko sa sarili ko pero bago ako bumili, isang oras ko muna pag-iisipan. Haha! At once a week, I treat myself with cheeseburger. Mura na yun dito sa Canada pero kung tutuusin, mahal yun pag i-convert sa peso. Everyday kasi ako kumakain ng rice at ang cheeseburger ang pinaka-junk sa katawan ko.. :)

Hindi ko magagawa at mababalanse ang pagtulong sa pamilya ko, kamag anak ko at ang pag-iipon ko kundi ako naghigpit ng aking sinturon. Para po sa lahat, hindi porke’t andito ako sa Canada ay masasabing malaki ang kinikita ko. Malaki nga ang sweldo pero ang taxes at upa bahay ay kalakihan din at bawat kilos ay kelangan mong gumastos. Ika nga, pangalan ng bansa lang at benefits galing sa gobyerno ang maganda pero ang pag-angat mo sa buhay saang bansa ka man naroroon ay nakasalalay pa rin sa iyong mga kamay. Kundi ka marunong sa negosyo (tulad ng iba na sinuwerte pag-uwi ng Pinas), samantalahin mong makaipon habang may kinikita ka dahil hindi natin hawak ang bukas. Maaaring ang inienjoy mo ngayon ay mawala sa isang iglap at ikaw ang kawawa. Ang pamilya mong umaasa sa iyo ay maaapektuhan din.

Maaaring sabihin ng iba, nasa Canada ka kasi kaya malaki ang sahod mo at nakabili ka ng bahay. Opo, nasa Canada ako ngayon pero baguhan palang po ako dito. Bago ako nakarating dito, mahigit 3 taon muna ako sa middle east. Maliit ang sahod ko at nawalan ako ng trabaho sa loob ng 11months. Gumastos din ako ng halos 250k bago nakarating dito sa Canada at nakabayad rin ako ng mga pagkakautang ko noong panahong wala akong permanenteng kita at puro ako hiram sa mga kakilala. Hindi ko man cash na binili ang bahay ko ngunit ipinagmamalaki kong sabihin sa inyo na hindi ako umutang sa credit card at nabayaran ko lahat ng utang ko bago ako nakabili ng bahay. Disiplina sa sarili ang aking ginawa.

Pasensya na kayo at napahaba ang intro ko…haha! Intro lang pala yun! Ito ang mga tips na maaari kong maibahagi sa inyo.. Lahat ng ito ay ginawa ko.

BAGO UMALIS NG BANSA:

1. Pag-alis mo palang sa Pilipinas papuntang abroad, magdala ka na ng personal supplies mo tulad ng sabon, shampoo, napkin for girls at kung anu-ano pa. Mas mura pa rin bumili sa ‘Pinas. Tandaan, ang sweldo mo ay makukuha mo pagkatapos pa ng isang buwang pagtatrabaho o kaya naman ATM (After Two/Three or Ten months).

2. Kung ikaw ay babae, wag ka muna maghangad ng mamahaling underwear. Pumunta ka sa divisoria at bumili ka ng pambansang panty.. Ang so-en. Kahit ilang dosena pa yan, pwede mong baunin. Nakatipid ka na, may iba’t ibang color pa. Sa mga lalaki, bumili ka muna ng 3 for 50. Tsaka ka nalang bumili ng mas mamahalin kapag lumaki na kita mo.

PAG NASA ABROAD KA NA:

3. Wag kalimutan na foreign currency ang pera na hawak mo. Mas malaki ang value nyan kumpara sa peso. Ang sabi ng iba, mura na daw ang 7Ca$ na value meal sa mcdo…..huh? Mabuti sana kung 7pesos yun. Mahigit 400 na yan sa Pinas ah. Mapadirhams, dinar, riyal, dollar, euro, yen o anu pa yan, dapat ilagay mo sa isip mo na MALAKI ANG PERANG IYAN KUNG IPAPADALA MO SA PINAS pero kung gagastusin mo sa bansang kinaroroonan mo, lalaho lang yan na parang bula.

4. Ikaw siguro ay mahilig magjogging or maglakad para mabawasan ang fats? At siguro, habang tumutulo ang pawis mo ay kailangan mong uminom. Mabuti na lang may store na nagbebenta ng bottled water. Pero, dito palang ay makakatipid ka na kung magbabaon ka ng tubig galing sa bahay. Nakatipid ka na, nakatulong ka pa sa environment dahil di ka na magtatapon or magrerecycle ng empty bottle.

5. Iwasan ang makipagkumpetensya sa kakilala na may mamahaling gamit or electronics. Maaaring sila ay walang obligasyon o kaya talagang wala silang pakialam sa hinaharap. Pag wala kang sapat na pera, mag-ipon ka at tiisin mo ang luho. Kailangan alam mo ang iyong needs at wants. Sa 5 taon ko sa abroad, kelan lang ako nagpalit ng aking nokia na naghihingalo na. Galing pa iyon sa Pinas noong umalis ako at nadala ko sa iba’t ibang bansang napuntahan ko sa Middle east, Caribbean at dito sa Canada. Yun yung 7250i na kung bibilhin mo siguro sa Pinas ngayon ay wala na isang libo.

6. “Kaya nga ako nag-abroad para tumikim ng masarap na buhay”. Kung tutuusin, tama ka pero ang pagtikim ng masarap na buhay na pangmatagalan ay iba sa sarap ng buhay na tinatamasa mo ngayon. Yung pagbili mo ng luho ay panandaliang kasiyahan lang yan kapag pinagsawaan mo na kung ano man ang nabili mo pero kung ipunin mo yan at pag-isipan kung saan magandang gamitin na mapapakinabangan, maaaring ikaunlad mo at ng iyong pamilya.

7. “Kaya ako nag-abroad para sa pamilya ko”. Tama ka ulit. Pero ang pagpapadala ng sobra sobra sa pangangailangan ay ang karamihang pagkakamali natin. Magpadala ka ng 10k sa isang buwan, kulang. Magpadala ka ng 20k, kulang pa rin. Sabi nga sa economics, ganun daw ang law of supply and demand. Mas maraming supply, mas maraming pangangailangan. Ang ilan sa pamilya natin, pag alam nilang may kapasidad kang magbigay ng mas malaki, maaring aabusuhin ka nila. Ang sabi ni Eleanor Roosevelt, “No one can make you feel inferior without your consent.” Kaya kung inabuso at naloko ka, malamang ay hinayaan mo silang gawin yun sa iyo. Kung ang pamilya mo ay di ka naiintindihan sa hirap na dinanas mo, turuan mo sila ng leksyon. Tandaan ang kasabihan na “Give a man a fish and you have fed him for today. Teach him to fish and you fed him for a lifetime”. Ipinagmamalaki kong sabihin sa inyo na lahat ng kapatid ko ay may kanya kanya ng  trabaho.

8. Kung marunong magbudget ang pamilya mo, magpadala ka ng minsanan lang. Ako, isang beses magpadala sa 3 buwan dahil marunong magbudget si nanay. Sayang din ang remittance fee kung buwan buwan, di ba?

9. Kung may garage sales, ukay, o store na makakamura ka sa mga bilihin, pumunta ka. Kahit saan ata ako pumunta, suki ko na ito. Maniniwala ba kayong ang employer ko noon sa Middle East ay kasama ko pa sa ukay-ukay?! Kung sya na may perang pambili ay nakakapunta doon, ikaw pa kaya?! Mag-ingat na lang sa damit na may konting mantsa sa kilikili o kaya maitim ang leeg. Malamang, may anghit ang may-ari nyan. haha! Ibabad muna ang damit sa pwede makatanggal ng bacteria. I am sure, meron yan sa bahay ng amo mo..

Kung andyan ka sa bansa na uso ang coupons, ipunin mo yun. Kaibiganin si 10-90% off pati ang discounts ng iyong suking tindahan. Makakaipon ka sigurado!

10. Ang pagtawag, pagtxt at pag-internet ay dapat din budgeted. Kung may roaming ka, mas mabuti. Ang roaming # ko ay pitong taon ko na gamit dahil gamit ko na ito sa Pinas bago pa ako nag-abroad. Pinapaloadan ko ito ng 30 pesos every 2months dahil pwede maexpire ang simcard kapag di naloadan sa loob ng 2months. Maswerte ka kung naka 1taon na walang load yan ay gumagana pa. Pero kung ang pamilya mo ay tintxt ka lang tuwing swelduhan time, mabuti pang wala ng roaming. Bawas sama ng loob pa.

Kung mura ang pagtawag, okay lang kahit maya-maya. Pero kung may laptop ka, pwede naman siguro ay idaan na lang sa chat. Kahit na 3 oras kayo mag-usap sa chat, 60 pesos lang ang gastos ng pamilya mo. Lahat sila, makikita mo pa. Tiis-tiis talaga!

11. Kung hindi marunong magtipid ang pamilya mo, ikaw ang magtabi. Ito ang isang gawain ko pa. Hindi nasaid ang wallet ko or ang atm ko. Binibigyan ko ng limit ang sarili ko na once na yan na lang ang perang natira sa account ko, ibig sabihin ay zero balance na ako. Halimbawa, dati noong sa Pinas ako, may isang libo ako na nakatira sa wallet ko. Pag yan na lang ang natira, wala ka na mahihiram sa akin o kaya di na ako gagastos. Nung naospital ang pamangkin ko, di na kami naghagilap pa. Maliban doon, may atm pa ako na ako lang ang may alam. Ngayon, alam nyo na rin. :D Noong nag-abroad na ako, pag $500 ang natira sa ipon ko, sasabihin ko sa’yo na wala na akong pera..hehe.. Again, hindi mo alam kung kelan ka mangangailangan ng pera. Tandaan, kapag oras ng pangangailangan, hindi lahat ng kaibigan or katrabaho ay maaaring mag-abot ng tulong sa iyo. Wala kang aasahan kundi ang sarili mo. Naranasan ko iyan noong halos 1yr ako nawalan ng permanenteng kita sa abroad. Ang ginawa ko noon, ipinadala ko sa nanay ko ang naipon kong alahas na nabili ko sa middle east. Pang emergency din yun. Hindi kasi ako nagpadala sa loob ng mga panahong yun. Ang ipon ko noon, mahigit 2k$. Kung wala akong naipon na ganyan, baka kung ano na ang nangyari sa akin. Isang tip mula kay Sir Dennis De Guzman, Kung nakaka-uwi ka sa Pilipinas, maari kang magbukas ng isang bank account sa Pilipinas na huhulugan mo ng iyong ipon. Mas maganda kung ikaw lamang ang nakaka-alam ng account na iyon at hindi rin dapat iyon savings account. May mga special accounts ang banko na mas mataas ang interes kaysa saving account. Siguraduhin mo na ang account na iyong bubuksan ay pwede mong direktang hulugan sa pamamagitan ng remittance.

12. Kung may alam kang ibang bagay, gamitin mo ito para makatipid. Ako ang gumugupit, nagkukulay at nagrelax ng buhok ko. Nakatipid na, sarili ko lang ang pwede ko sisihin pag palpak. Pag mahaba ang buhok mo, itali mo sa itaas at gupitin ng diretso. Pagtanggal mo ng tali, tyak na layer ang gupit mo. Konting ayos lang, pwedeng sabihing professional ang gumupit. Mag-ingat lang sa pagrelax dahil nagkaroon ako ng sunog sa anit noon haha!

Kung marunong kang magluto, gamitin mo rin yun. Nagbusiness ako ng empanada noong pasko. Sayang din ang kinita ko.

May makina rin akong nabili sa ukay-ukay. Ginamit ko pangrepair sa pants ng mga kaibigan ko. Nahiya akong maningil kaya by donation na lang. Ang Asians ay maliliit kaya laging kelangan ng repair ng damit na binili.

PAG-UWI NG PINAS

13. Wag maging padrino ng lahat. Kasalanan ng iba sa atin ang manlibre kaliwa’t kanan kaya ang iniisip ng iba, pag abroad ka, mayaman ka dahil sa asta na rin ng ibang bakasyunista. Sa bagay, sinusulit lang ang bakasyon. Pero tandaan mo, pagbalik mo ng ibang bansa ay isang buwan ka na naman bago magpadala. Magtira ka para sa sarili mo at sa pamilya mo. Maniwala kayo at sa hindi, ang tanging nailibre ko lang sa mga kaibigan ko noong nagbakasyon ako ay spaghetti at softdrinks lang noong pumunta sila ng bahay. Nahihiya silang ayain akong uminom dahil di naman ako tanggera.

Tandaan: It’s not how much your salary is. It is how you save and spend your money wisely.

May nabasa rin po ako.. Ang iba raw, ang ginagawa nilang formula ay  SALARY – SAVINGS = EXPENSES o kung di kaya, magtabi daw ng 10% ng monthly salary.

Tama din po yan. Pero may pag-uugali tayong dahil alam nating may nakatabi o may tatanggapin sa sunod na sweldo, wala rin tayo pakundangan kung gumastos. Ibig sabihin, Kulang ka sa DISIPLINA!!!!

Tayong OFW, punung puno ng pangarap noong umalis ng Pilipinas pero nang kumita ng malaki, nakalimutan ang mga pangarap na yun at puro luho ang inatupag o kaya naman ay inubos na sa pagpapadala sa pamilya. Kung lifetime ang buhay mo sa abroad at nakakasigurado kang forever ang dating ng ginto sa’yo, goooo ka lang sa pagwawaldas/pag-uubos ng pera mo. It’s your life, ika nga.

Hindi po ako kuripot. Marunong lang sa pera! Katunayan, kaya ako payat dahil sanay ako sa lakaran. Kung may apointment ako 2kms mula sa lugar ko, umaalis ako nang maaga para maglakad. Mahal ata ang taxi or pamasahe sa bus. Tandaan ulit, ang pera na hawak-hawak mo ay foreign currency. Dito sa akin, 2.50$ ang pamasahe sa bus at 90minutes lang ang expiration nyan. Ang laki na nyan sa Pinas. Ang ginagawa ko, lagi akong nagmamadali sa mga lakad ko para tipid. ;)

Maaaring sabihin nyo sa akin, ikaw ang nagpapakahirap, nasisigawan at napapagalitan ng amo. Di mo man lang ba bibigyan ng reward ang sarili mo? Tama ka! Pero dapat merong limitasyon. Sabi nga, ang pag-iipon ay decision mo. Yan ay buhay mo. Pero kung gusto mong guminhawa ang buhay mo, magtiis ka muna. Pag may ipon ka na, doon ka na bumili ng gusto mo. Kung mamamatay man ako na di ko naenjoy ang pinaghirapan ko, masaya naman akong may maiiwan sa mga taong mahal ko.

At the age of 27, I can call myself a self-made woman dahil narating namin ang buhay na ito na may malaki akong partisipasyon. Iba ang buhay namin noon sa buhay namin ngayon. Nagsikap ako, nagtipid at ngayon ay unti-unti ko na nakikita ang pinaghirapan ko. Ang madalas ko sabihin sa nanay ko noong konti ang pinapadala ko, “Nay, tiis muna tayo dahil nag-iipon ako para sa ating lahat”.

Kung mahal mo ang pamilya mo, subukan mong gawin ito para sa kanila. Masaya kang maibigay ang luho nila pero mas masayang makita ang bunga ng iyong pinaghirapan. Ako, I couldn’t be happier that my family will live in our own house. At pag nagbakasyon ako, matutulog na ako sa sarili kong kwarto at di na iintindihin pa ang monthly rent. Kung meron man, yun ay monthly payment na sa sarili kong bahay. At ang kaligayahang nararamdaman ko at ng pamilya ko ngayon ay di lang panandalian kundi pangmatagalan.

Salamat po sa pagbabasa. Sana may natutunan kayo kahit kaunti. Hindi ko po pala sinasamba ang pera. Kaya ganito ako dahil sa pamilya ko at gusto ko ay makita ko ang lahat ng pinaghirapan ko dito sa abroad.

PS. Iwasan ang taong materialistic. Ito man ay kaibigan, boyfriend or girlfriend dahil sila ang maglilimas ng iyong pinaghirapan..hehehe..