Hindi lahat ng mga anak ay biniyayaan ng mabait at responsableng ama, maswerte ka kapag ganun na ang katangian ng iyong ama. Bata pa ako ay nakagisnan ko nang pala-inom at lasenggero si Itay, isang bisyo na halos araw-gabi nilang pinagtatalunan ni nanay. Sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, pagtitiis at puro pasakit ang naranasan ng aking mahal na ina mula sa aking mahal na ama. Hindi man niya sinasaktan pisikal si inay ay doble naman ang sakit na nararamdaman tuwing umuuwing lasing at magdadakdak si Tatay. Mga salitang kung nakakasugat tiyak ikaw ay patay na. Lumaki akong kulang sa pagmamahal ng isang ama, hinahanap-hanap ko ang kalinga niya. Kaya naman hindi nakapagtatakang kaming mga anak ay malayo din ang kalooban sa aming ama. Bawat araw na nakikita kong umiiyak si nanay ay natanim na sa isipan kong hindi na mag-asawa kung lasenggero rin lang naman.

Pero kahit ganun ang aking ama ay mabait din naman sya, yun eh kung hindi siya lasing, hehehe! Kami na pamilya niya ay naiinis kapag alam naming uminom na naman siya at kabaligtaran naman sa mga kaibigan niya dahil sure tuwang-tuwa sila dahil malilibre na naman sila ng toma kasama pa ang pulutan nila. Si Itay na kung hindi nakainom ay maraming magagandang plano para sa pamilya at kapag nakatoma ay nakalimutan na ang mga  plano niya. Gayunpaman pilit namin siyang inunawa at pinakisamahan kahit na ang kapalit ay mga pangkukutya ng iilan.

Ay! anak ng lasenggero yan! Si Mulawin kilalang maoy diyan!” Hindi na bago sa pandinig ko yan pero wala akong magagawa dahil totoo naman!

Pito kaming magkakapatid, apat na lalaki at tatlong babae, pero dahil sa  kahirapan ng buhay, namatay ang aking kakambal at sumunod ang pangatlong babae, dahil walang pambili ng gamot at walang perang pampa-doktor. Si tatay ay kuntento na lang sa buhay kung ano meron kami at hindi na naghangad pa ng mas ikakaangat pa, hindi naman sapat na ang meron kaming niyogan pero iyon nga lang talaga ang aming kabuhayan. Ang problema lang, lumalaki din naman kami at lumalaki ang pangangailangan kaya naman halos lagi na lang kaming nanghihiram ng bigas na pang pananghalian. Kasama na rin rin ang makarinig ka pa ng masasakit na salita bago mabigyan ng isang salop na bigas.

Nakatapos ako ng Highschool at nagtrabaho na agad, si Itay ay walang ipinagbago, katulad parin ng dati. Araw-araw namin siyang ipinagdarasal na sana magbago na para naman hindi na namin makitang nahihirapan si nanay. Nagka-asawa na ako’t nagka-anak pero ganun pa din si Itay, ano pa nga ba ang aming magagawa kundi tanggapin nalang na ganun na ang aming buhay. Mahal ko si Itay kahit pa ganun siya ka iresponsable sa buhay, dahil sa kanya natuto akong maghanapbuhay at hindi lang umasa sa magulang, dahil kay Itay ako ay naging matapang at matatag sa hamon ng buhay.

Si Itay na naging dahilan din kung bakit hinangad kong magsikap, para naman may maipakita sa tao na nanghamak sa aming buhay. Si Itay na kapag nalalasing ay labas lahat ng mga kapitbahay at ang masaklap ay kaming mga anak at ang aking Ina ang kanilang kinukutya. Okey lang, wala kaming magagawa dahil wala din naman kaming maipagmamalaki sa kanila. Pero kahit ganun si Itay ay hindi naman ako nakatikim ng palo o mapagbuhatan ng kamay, iyon man lang ay siyang maipagmamalaki ko na ganun naman kabait si Itay. Hindi maiwasan na siya ay aking sumbatan kung bakit kami ay naghihirap pa rin sa buhay, samantalang pwede naman kaming guminhawa ang buhay kung siya ay nagsisikap man lamang na makaangat.

Hindi ko masisisi si Itay kung ganun man ang kanyang pananaw sa buhay, dahil hindi ko rin alam kung ano ang mga hinanakit niya sa buhay, sabi niya sa akin noon kahit ibenta pa niya ang aming bukirin para lang ako makapagtapos ng may degree pero hindi naman natupad, kaya nagkasya na lang kami kung anong meron. Nakapag-abroad ako na lingid sa kanyang kaalaman at ni minsan kahit ganun si Itay hindi man lang siya nanghingi sa akin kahit alam niyang may pera na akong kinikita. Hindi ko pa makalimutan na umiyak siya ng minsang tumawag ako at nagkausap kami, “Nag-abroad ka pala akala ko sa Manila lang, hindi ka man lang nagpaalam. Ingat ka diyan lalo na at mga manyakis ang mga arabo diyan.” mga katagang bumaon sa aking puso at dala na pagsisisi na bakit ako naglihim sa aking ama, dahil alam kong ayaw din niyang pumayag kapag nagpaalam pa ako, noon pa man ay ayaw niyang magpaalipin kaming magkapatid kahit kanino.

Si itay ng pag-uwi ko ay isa ng sakitin at kahit ang gwapo niyang tindig ay pilit ko pang hinahanap sa kasalukuyang pangangatawan, sobra ang awa na aking naramdaman dahil alam ko ang aking ama ay dinapuan na ng karamdaman nang dahil sa pag-iinom halos araw gabi ng alak. Hindi ko siya narinig na dumaing kahit pa nga sakit na ang hatid ng kanyang mukhang patpatin. Tulo ng luha ko ay aking inilihim at pilit itinago sa kanilang paningin. Si Itay na noon ay aking kinaiinisan, ngayon ay aking kinaawaan, sabi ko pa, “Tatay tama na ang pag-inom  na yan dahil nahuhulog na ang iyong katawan.” At sobrang tuwa ang aming naramdaman nang nangako siyang kami ay kanya ng pakikinggan. Mula noon hindi na nga sya uminom, dahil ramdam na rin niya ang sakit na dulot ng pag-inom sa kanyang katawan.

Nakakalungkot isipin na kung kailan huli na ang lahat saka lamang siya nakinig sa amin. Hiling niyang motor sa akin ay hindi ko pa natupad, dahil dala kong pera ay nakabudget na sa muli kong balak na mangibang bayan, at dala na rin ng pag-aalala sa kanyang kalagayan, nangako akong sa muli kong pag-alis ay tutuparin ko na ang aking pangako at ibibigay ko ang motor niyang tanging hiling. Pero huli na ang lahat dahil si Itay ay pumanaw na ng araw mismo na ako’y nag-aapply. Doon ako nakaramdam ng matinding pagsisisi kahit pa nga si Itay ay iresponsable, hindi ko man lang nabigyan ng magandang buhay sa mga huli niyang sandali na nalalabi. Kahit ganun man ang aming ama ay alam kong kami ay mahal niya. Hanggang ngayon lagi ko pa siyang napapanagipan kahit pa nga mahigit isang taon na siyang lumisan. Kung maibabalik ko lamang ang mga taon na nagdaan, sana’y naipadama ko man lang ang pagmamahal ko sa kanya na hindi ko lantarang ipinakita dahil na rin sa kapabayaan niya sa aming mag-ina.

Itay, saan ka man naroon sanay masaya ka para sa aming iyong mga naiwan. Si nanay sa loob ng 34 years na pagdarasal na sana ay mabago ang iyong ugali ay hindi rin natutuwa na ang hiling niya ay natupad dahil buhay mo ang naging kapalit. Gayunpaman, ito yata ang paraan para siya’y hindi na rin mahirapan. “Mahal ka namin Tatay, sana kami ay palagi mong gabayan at sa amin ay iyong iparamdam ang iyong pagmamahal na hindi mo nagampanan noong ikaw pa ay nabubuhay.” Salamat po sa inyo na naririto ako sa ibabaw ng mundo, dahil kung wala kayo, wala din siguro ako. Tanging dasal ko po, na sana ang Diyos ay sumasaiyo at maligaya kang tanggapin sa kanyang kaharian. Dahil alam ko na bago ka pumanaw ay iyong pinagsisihan ang iyong mga naging kasalanan, patunay na riyan ang pagsimba mo ng linggo bago ikaw ay lumisan. Na hindi namin inakala na iyon ay iyong pamamaalam at paghingi ng kapatawaran.

“Ang mensahe pong ito ay para sa lahat ng mga anak, na kahit gaano pa ka-iresponsable ang ating ama ay hindi pa rin natin maikakaila na siya ay ating ama.”

Photo credit: soulgrit.wordpress.com