Nagmahal ka na ba o nagmamahal ka pa rin ba ng ibang lahi? Ibang mundong kinagisnan, ibang kapaligiran ang kinamulatan, iba ng paniniwala, iba ng prinsipyo?

Lahat tayo may karapatang magmahal at mahalin. Magkaiba man ng lugar o ng bansang ginagalawan, lahat tayo ay may karapatang makaranas ng magmahal at mahalin. Sabi nga kapag puso ang pinag-uusapan, hahamakin ang lahat makamit lamang ang ninanais.

Isa ako sa libo-libong OFW na nagmahal at minahal ng ibang lahi. Nakipagrelasyon sa taong iba ang paniniwala. Sinubok ang mapaglarong kapalaran sa piling niya. Una pa man ay nagpakita na ng pagmamahal sa isa’t isa. Masaya at kuntento ang bawat isa. Lahat ng oras ay magkasama sa kabila ng hirap at sakit sa bansang aming ginagalawan ngayon.

Sabi niya, hindi madaling magmahal ng iba. Tama, dahil sa pangyayaring ito hindi niya ako kayang iharap sa pamilya. Ibibigay ang lahat at mananatili sa piling ko ngunit hindi ang maging parte ng pamilya. Nais ko mang isuko ang lahat para sa kanya ngunit talagang hindi mangyayari ang aking nais. Mananatiling magkaibigan at hanggang duon lamang iyon bagaman bawat isa’y nais na makapiling habang buhay.

Tumatakbo ang bawat oras sa pagitan naming dalawa. Bawat isa ang sandalan. Sabi nga’y kami’t kami lang din ang magtutulungan sa sitwasyong ito. Hindi madali ang magmahal ng ibang lahi. Ang daming pagpipilian at ang hirap mamili dahil tinatalo ng sakit at pusong luhaan. Masarap silang magmahal ngunit pagdating sa usapang pamilya, napupunta tayo sa isang tabi lamang. Wala kang magagawa kundi ang tulungan ang sariling maging matatag.

Taon na din ang aming samahan at ngayon nga’y hinaharap ang dagok ng aming relasyon. Bawat isa’y tumatakbo sa katotohanan. Naghihintay ng paghuhusga at pinapasa Diyos na lamang ang lahat.

Minsan, nais kong harapin ang sakit. Nais kong solusyunan ang sitwasyon dahil iyon lamang ang tamang paraan sa aming dalawa. Hindi namin mapalaya ang isa’t isa. Kapwa nasasaktan. Parang ibong nasa kulungan na nais ng kalayaan. Nanatili sa inaakalang kasiyahan. Ang pagmamahal ay nasobrahan at hindi nabigyan ang sariling makapag-isip.

Oo, unfair, unfair para sa akin dahil babae ako. Hindi ako kayang maging parte ng pamilya ngunit hindi niya ako kayang mawala. Pilit niya akong niyayakap ng kanyang pagmamahal. Ang higpit ng yakap na iyon ang dahilan kung bakit hindi makawala sa sakit na sana’y aking haharapin upang hindi masayang ang oras. Wala ng kinabukasan ang naghihintay dahil kapwa pinasaDIYOS na lamang ang bawat desisyon.

Hindi laro ang magmahal ng ibang lahi. Sakripisyo lalo’t totoong pagmamahal ang iyong naramdaman. Hindi pera o karangyaan kundi ang pagmamahal sa kanila. Masarap silang magmahal ngunit tagos sa kaloob-looban kung sila’y magdesisyon. Sana’y kapwa ko PILIPINO na mapapadpad sa bansa ng mga ARABYANO, mag-isip ng ilang beses bago hamakin ang pagmamahal sa kanila. Totoo at tama, mamahalin ka, aalagaan at ibibigay ang lahat, ngunit pagdating sa pamilya ay magiging abo ka lamang dahil sa talo sila ng pamilya. Ang desisyon ay sa pamilya pa rin.

Photo credit: brandnewz.com