Iba talaga ang pakikisamang Pilipino dahil kilala tayo sa pagiging hospitable. Mataas ang antas natin sa larangan ng pakikisama. Sa pakikipag kaibigan o sa mga handaan, sa Fiesta, sa Birthdays, sa Inuman, tambayan, o kahit ano pang salo-salo meron dyan, the best talaga ang nakagisnan nating kultura. Sa hirap o ginhawa, kayang tumawid. Sa katunayan mas sanay nga tayo sa hirap; sa ibang kultura hindi nila maintindihan kapag ang mga Pinoy nakakatawa pa sa gitna ng bagyo sa buhay. Sa nabasa kong research noon, ang pinaka-masasayang tao sa mundo ay hindi matatagpuan sa pinaka-mayaman na bansa kung di sa mahihirap na bansa.

Ang ordinaryong mata ay magtataka kung paano humantong ang resulta sa ganoong pagaaral. Mayaman pero malungkot, mahirap pero masaya? Sa tingin ko nasa pakikisama natin yan sa ating mga sarili. Kapag malakas ang paghusga mo sa sarili mo, malamang ganyan ka rin sa kapwa mo. Sa matuwid na katapatan natin sa sarili, malabong kasuklaman natin ang ating kalooban, ganon din sa iba, di gano malakas ang paghusga. Pero sa mga nangyayaring pagbabago sa buhay natin, nandyan yung magkamali tayo ng desisyon sa buhay, impluwensya ng mga barkada, nandyan din yung mahalo tayo sa ibang kultura dahil sa nakapangibang bayan. Sa dahilang makahanap ng mas maliwanag na kinabukasan at mapalawak ang kaalaman o experience, o kahit ano pa mang rason, nasasaluhan tayo ng ibang pagtingin sa buhay, kung baga ang tubig kapag nalagyan ng kaunting suka, nag-iiba ang lasa.

Gayon pa man,  kahit ano pa ang ating palusot, sa atin pa rin nakasalalay ang desisyon kung anong klaseng pagkatao ang ipaparanas natin sa kapwa. Sa ibang bansa man tayo, o nasa sa sarilng inang bayan, o mismo sa sarili nating mga tahanan, kahit pa sa sarili natin (kapag nagiisa), palagi tayong mayroong kalayaang pumili ng matuwid na pagkatao. Hindi naman talaga pwedeng ibenta ang excuse natin na “wala akong magawa ganito na ako e” bibilhin mo ba yun? Lahat tayo binigyan ng talino para makapag desisyon ng maayos na pakikitungo sa kapwa. Tamad lang siguro tayong lahat timbangin yun.

Minsan nga ang mga balikbayan kapag nagbakasyon sa Pinas, ang mga natutunan sundin sa ibang bansa na regulasyon tulad ng halimbawang pagtawid sa tamang lugar ay biglang nakakalimutan. Nakakalungkot isipin na sa ibang bansa sumusunod sya sa tamang tawiran pero sa sariling bansa hindi. Walang pinagkaiba yan sa mga kasama natin sa ating mga tahanan. Mas naaasikaso natin ang mga taong hindi natin kasama sa bahay kesa sa mga taong kasama natin araw-araw. Nakakapag ayos-ayos nga tayo bilang pakisama sa ibang bahay minsan, pero sa tahanang kinaluluklukan hindi o bihira lang. Napapagbuksan natin ng pinto ang ibang tao at nakakalimutan ang kasama natin. Ganyan din sa sarili natin, ang lakas nating sumita ng pagkakamali ng ibang tao pero pag dating sa ating sarili, perfect, ang tingin natin at walang mali.

Nasaan dun ang katayuan natin sa maayos na pakikisalimuha sa sarili at sa kapwa? Sayang ang kultura na unti-unting nanlalabo dahil sa mga palusot natin. Ako rin napapansin ko yan sa sarili ko. Pero anong magagawa ng pagpansin kung hindi ko aakuin? Maliit na bagay lang siguro ito kung ikukumpara natin sa mga problemang pambansa o pang buong mundo. Ngunit ang malaking bagay nagsisimula din yan sa maliit, hindi ba?

Ano kaya ang mararating natin kung simulan natin sa ating mga sarili na makisama ng maayos? :)

Photo credit: theyseefilipinopsych.blogspot.com