Sa loob ng labing dalawang taon, nakulong ako sa malawak na kapaligiran ng isang lugar na maituturing kong isang Paraiso, ang isla ng Rapu-rapu sa probinsya ng Albay. Simple ang buhay, walang kuryente, walang masyadong polusyon, tahimik. Ang oras ng gising ay alas sais ng umaga. Matutulog ng alas sais naman ng gabi, ang pinaka-late na tulog ng mga tao ay alas 8. Masaya ang bawat karanasan ko bilang isang bata. Kuntento sa mga larong probinsya. Nag-aaral ng nakapaa. Naglalakad lang patungo sa eskwelahan kasabay ang makukulit na kaklase. Ang aming sintang paaralan na walang katulad. Pambihira. Apat lamang ang classroom, wala pang atip..kaya kung mamalasin at inulan, dismis ang klase. Taong 2000, natapos ako sa elementarya..hawak ang aking diploma. Saklay ang isang medalya. Dala ang pinakamataas na karangalan..kasama ang sampu sa aking labing anim na kaklase. Nang mahawakan ko ang aking diploma, napakasarap ng pakiramdam ko nun. Pero may isang bahagi sa aking puso ang naghahanap. Sabi ko sa sarili ko..“Maghahayskul na ako, pano na kaya?!”

Nang binalita sa akin ng aking mga magulang na dadalhin ako ng Maynila para dun pag-aralin, tumalon ang puso ko sa tuwa. “Sa wakas..makakarating na ako ng Maynila, makakakita na rin ako ng mga matataas na building, ng magagarang sasakyan, ng jeep at iba pa, na sa loob ng mahabang taon e sa larawan ko lamang nakita..makakapanood na ako ng telebisyon, ng mga pelikula ni Fernando Poe, na puros sa kwento lamang ng mga kapatid at pinsan ko naririnig.”

Nang makarating ako ng Maynila. Tulala. Namangha ako. Gandang-ganda. Punong-puno ng paninibago.

Nang tumagal, nawala ang lahat ng pinangarap ko..naputol. Napalitan ng kalungkutan. “Miss ko na ang Albay.” Pero kelangan magtyaga. Nag-enrol ako sa isang eskwelahan na malapit sa tirahan ng aking mga kapatid. Dahil sa mataas na marka, napunta ako sa model section. Hindi ako naging masaya, hindi ako sanay sa turo dito sa Maynila. Moderno. Gumagamit ng computers. At kung anu-ano pa. Napag-iwanan ako. Mahirap mag-adjust. Pero di ako natanggal sa higher section. Swerte lang.

Natapos ako sa sekondarya, hawak ang diploma. Saklay ang tatlong medalya at isang sertipiko. Dala ang pangalan bilang isa sa may matataas na karangalang natanggap. Naging masaya ang naging karanasan ko bilang isang kabataan dito sa Maynila. Kahit punung-puno ng mga pagsubok at kalungkutan.

Naisip ko, lahat ng mga naninirahan sa mga liblib na lugar dito sa Pilipinas, hangad na makarating dito sa Maynila, naghahangad ng magandang buhay. Akala. Oo akala nila langit ang Maynila. Akala nila maginhawa sa Maynila. Inakala ko din yun. Pero mali ako. Marami daw opurtunidad dito sa Maynila. Ang totoo, pag nandito ka na, wala ka namang mapapala. Ikaw ang gagawa ng sarili mong opurtunidad. Pag kulang ka sa diskarte, pagiging taong grasa ang aabutin mo..Talo ka. Magsisi ka. Babalik at babalik ka sa lugar na pinanggalingan mo.

Malaki ang utang na loob ko sa magulong lugar na ito ng Maynila dahil dito, madami akong natutunan. Dito nagsikap ako. Dito nagsimula ang bagong pangarap. Dito patuloy akong sumasabay sa modernong pamumuhay at patuloy na pagusbong ng makabagong mundo..

Pero gayun pa man, di mapapantayan nito ang lugar kung saan ko simulang masilayan ang ganda ng buhay..Sa Albay.

Proud to be probinsyanong bikolnon!

Photo credit: flickr.com

Enhanced by Zemanta