Home » MISCELLANEOUS » Buhay sa “Labas”: Swerte o Malas?

Buhay sa “Labas”: Swerte o Malas?

Dubai, isang lugar sa Middle East na kung saan ay pinapangarap na marating ng mga Pinoy at Pinay. Ngunit hindi po lahat ng pumaparito ay sinuwerte sa buhay.

Hindi pa man ako nakatapos ng kontrata ko dito ay marami na akong nalalaman at nakikitang lumihis ng tinatahak …na landas ng buhay. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na maliit at kakarampot lang talaga ang sahod dito na kinikita. 400$ daw ang pinirmahang kontrata pag-alis pa lang sa Pinas at may day-off pa, pero huwag ka, pag dating dito maswerte ka na kung maka 900 dirham ka. Ito po ay sa mga kasambahay lang at hindi ko na isinali ang mga nurses at enhenyero diyan. At dahil sa disappointment na nararamdaman, marami sa kanila ang nangarap at naghangad ng buhay sa labas. Sa pag-aakalang makamit ang 400$ o 1500 dirham. Ni hindi nila naisip kung gaano naghihirap at nagtitiis ang mga nasa labas. Wala naman kasing nagsasabi na mahirap dito sa labas eh, kinaiinggitan pa nga sila dahil masaya, nakakapamasyal at may day-off pa. Nakakakita daw ng magandang tanawin sa Dubai, yun ang akala nila. Pero hindi nila alam nalilito na rin ang mga yan kung anong diskarte ang gagawin madagdagan lang ang sahod nila. E ako nga ni hindi ko pa kabisado ang Dubai, ako na yata ang pinakakuripot sa lahat ng nagtatrabaho sa labas, aba magkano din ang pamasahe sa taxi at pagkain mo pa? Kaya mas pinili ko na manatili na lang sa kwarto at matulog kesa mabawasan ang pera ko.

Tulad ko, sa opisina nga nagtatrabaho pero 1,200 dirham lang ang sahod tapos akin pa ang pagkain dito, mas maswerte pa nga ang mga kasambahay sa akin na libre pa ang pagkain at personal things nila. Eksaktong isang taon at kalahati bago tinaasan ang sahod ko dahil daw masipag ako pero 1,400 lang din ang natanggap ko. Sa isip-isip ko, “Okey na ‘to kesa naman sa 1,200.” Pero hindi ako sumusuko, nagtitiis pa rin kahit hindi magkasya sa pamilya ko.

Tuwing padala ko nga, lagi kong sinasabi, “Nanay iyan lang po ang padala ko ha bahala ka na po magbudget, tiis muna kayo pati na ang mga anak ko.

At ang reply pa sa akin ni Inay, “Ok lang kami anak, kahit palagi na lang talbos ng kamote at dahon ng malunggay ang ginugulay. Napurga na nga kami dahil araw-araw na lang malunggay pero ang importante okey ka at ingat ka palagi diyan.

Sasagutin ko naman, “Ay nay mas maganda nga yang malunggay, masustansya po iyan, doble pa ang bitaminang nakukuha diyan kesa sa ibang gulay tulad na lang ng carrots at spinach na nababasa ko sa Tagpuan, hehehe!”

Akala nila masaya ako, pero hindi nila alam, halos madurog na ang aking kalooban sa awang nararamdaman para sa aking mga anak at magulang, dagdag pa ang pinapaaral na kapatid diyan, sobrang tipid na nga sila tinitipid ko pa. Sabi nga ng kapatid ko,

“Ate ano pa ang titipirin ko e wala naman akong maititipid.”

Di ba nakakasugat ng puso? Yung malaman mo na naghihirap pa rin ang pamilya mo kahit pa nasa abroad ka na? Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa, dahil ang naranasan kong ito ang aking sandata upang mas lalong mangarap pa para sa pamilya pero sa malinis at tamang paraan. Sa ambisyong maranasan ang buhay na malaya, may kasambahay na tumatakas sa mga amo nila, pero hindi lahat ng mga ito’y sinuwerte sa labas, merong napapariwara at kapit sa patalim ika-nga nila. Wala na silang magagawa dahil nandiyan na yan eh kaya kalimitang katwiran eh “bahala na.”

Maswerte ka kung may mga kamag-anak kang matutuluyan sa oras na tumakas ka. Merong ibang nasadlak sa prostitusyon at pikit matang tinanggap ang kapalaran. Hindi man nila masikmura, wala na rin naman silang magagawa pa, lalo pa’t kabayan din ang nagbugaw sa kanila. Hindi naman nila magawang magreklamo sa kapulisan dahil sila’y takas lamang na takot ding mahuli at makulong na siya namang sinasamantala ng mga negosyanteng may hawak sa kanila.

May ibang sinuwerte na nakatagpo ng among mabait at doon sila namasukan, meron ding sa kapwa couple na Pinoy nanilbihan mairaos lang ang mga araw na walang matuluyan. Saan ka nga naman makakakita ng takas na nagkaroon ng magandang trabaho sa legal na proseso? Ang masakit diyan kapwa din natin kababayan ang gumagamit sa ating ka-inosentehan. Bakit nga ba hindi pa mahuli-huli ang mga lintik na iyan? At ni walang maglakas ng loob na sila’y isuplong sa kapulisan, katwiran nila’y “trabaho lang, walang personalan! Kailan pa ba magigising sa katotohan ang ilan pa nating kababayan, na hangad pa rin ang kalayaan kapalit naman ay pagkasira ng kinabukasan? Alam natin na hindi rin nila kagustuhan na sila’y mapariwara lamang pero wala na rin silang magagawa oras na sila’y isa ng takas. Ang masakit lahat ng ito ay lingid sa kaalaman ng ating mga pamilya na umaasa sa buwan-buwan nating padala. Sana sa lahat ng OFW na sa bahay nagtatrabaho, konting tiis lang po at tiyaga at matututo po tayong makisama sa mga amo, kesa naman mapariwara pa kayo. Ibayong dasal lang po at sakripisyo kesa naman sapitin pa ang nasapit na ng iba dito.

Kung hindi ka naman inaabuso sikaping matapos ang kontrata dahil ito ang daan para maka-apply tayo sa mas magandang bansa gamit ang dalawang taon kontrata. O kung sa palagay mong ikaw ay inabuso at hindi tinatratong tao, ay meron naman pong gobyerno o agency na tutulong sa inyo, huwag matakot na magsuplong sa agency kung ikaw ay minamaltrato, hindi naman lahat ng agency bubulyawan kayo e basta ba alam niyong nasa tama kayo. Laging makipag-ugnayan sa pamilya niyo o kahit pa sa katulong din ng mga kapatid ng amo nyo, para ng sa ganun ay alam ang mga nangyayari sa inyo, be WISE and be SMART.

Naniniwala akong walang sinuman na aabuso sa atin kapag alam natin kung paano manindigan at ipaglaban ang ating karapatan, dahil kalimitan iyan po ang wala sa ating mga kababayan dahil takot ang unang pinaiiral sa sarili. Mayroong ni-rape daw na dahil sa takot ay hindi na nakalaban. Pero sana naman matuto tayong lumaban at manindigan dahil takot din ang mga iyan kapag alam nilang hindi ka basta-basta mahihipuan man lang. Sana’y maging daan ito upang magising na rin kayo, at huwag hangarin ang bagay na hindi pa tamang oras na ukol para sayo. Minsan pumili din ng tamang kaibigan dahil hindi lahat ng iyan ay dadalhin ka sa kabutihan, ilan sa mga takas ay naglakas loob tumakas dahil na rin sa mga kaibigan na nangangakong hindi ka pababayaan, pero huwag ka, oras na mahuli ka sila pa mismo ang magde-deny sa’yo, kahit pa kababayan mo.

Tandaan na laging nasa huli ang pagsisisi. Hindi man ngayon ang iyong swerte, antayin lang na matapos ang kontrata pwede ka nang mag-apply uli sa mas magandang bansa kung saan may kalayaan ang bawat banyaga. At kapag makatapos ka ng dalawang taon na kontrata na puro pait at pagdurusa, masasabi mong dakila ka dahil lahat ng iyon ay iyong nakayanan at ngayon ay malaya ka na at mas matatag pa para sa panibagong pakikibaka. OFW ka, Bayani sabi nila, kaya hindi ka dapat tumulad pa sa mga baluktot na katuwiran ng iba, keso daw sa panahon ngayon eh praktikal na, hindi baleng masama sa tingin ng iba basta daw ba puno ang bulsa. Lagi po nating tatandaan na mas masarap hawakan ang perang iyong pinaghirapan na hindi galing sa kasamaan na sumira na sa ating katauhan. Kaya kung ang pagpunta mo dito ay para mamasukan huwag mo munang pangarapin ang buhay sa labas. Dahil pagsapit ng tamang panahon mararating nyo rin po iyon. Samahan lamang po ng ibayong dasal at pagsisikap.

Photo credit: dubai-shopping-guide.com


©Copyright 2012, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


Author: Jhing

Simple OFW who want to give the Best for my two daugther and my family especially for my Mom.

13 Responses to Buhay sa “Labas”: Swerte o Malas?

    • Based on what I see, nasa labas din po ako pero hindi po dahil nagtratrabaho. I do have a lot of friends as OFW and I find it really hard dahil sa mga maling akala ng tao tungkol sa OFWs back home. Pero strange as we may be sa ibang lahi, personally naman po naiintindihan ko ang situwasyon/ugali natin lalo na sa pagsuporta sa ating mga mahal sa buhay.

  1. may tutoo sa kwento na ito at meron din naman hindi tutoo. may swerte sa dubai at may malas. ito pong storya ay gabay lang sa mga taong nalilito at nawawalan ng pag asa. pero gabay din ito sa mga malalakas ang loob at handang suungin ang mga balakin. nasa atin pa din ang desisyun at hindi pwede diktahan ng kahit anong artikulo at kwento. wala po akong kontra sa artikulo na ito. sariling pananaw ko lang din ang mga sinusulat ko dito. salamat po.

    • salamat po sir,,hindi ko naman po nilahat na masama ang akin po diyan eh pananaw lang din at paglalarawan ng totoong buhay dito sa dubai. :)

      • ok. 5years na ako dito sa uae. pero so far lahat naman ng nakilala ko at naging kaibigan ko na kabayan ay wala ako nagin problema. lahat sila ay tutoong tao at mababait. siguro ung iba hindi ko kilala baka may ibang ugali. may nagkwento lang sa akin na un daw mga malalaki ang sweldo un ang mga medyo mayayabang at mataas ang tingin sa sarili. kwento lang yan sa akin.

        • actually, the issue of who has the BIG salary is a subjective description of anyone. It is because, one may think that someone has big salary but for that person, still it is not enough…

          for those people who thinks that people having HIGHER salary as compared to others are arrogant and proud of themselves is somewhat judgmental… probably because at the end we dont know the behavior of the person if he/she is really a silent, introvert type of person that dont usually easily mingled with people…

          although we might be expecting that the reason why they have HIGHER salaries is because they have better qualifications than others for which they have the right to be proud of (but not necessarily in a pessimistic point of view)…

          sometimes, people say anything to justify the shortcomings in their lives by comparing to others…

  2. Totoo po yan

  3. Three words…”sad but true.”

  4. Which is this is true documentary here in dubai,living for 3 years I observed this already,pero hindi lahat ng kabayan,meron at meron talaga,marami ng pamilyang nawasak dto s dubai mga buhay na napariwara dahil sa tukso mapababae man o lalake not all kaya nga ang baba ng tingin na nila sa mga pinoy,khit kapwa mo pilipino lolokohin ka dto..kaya keep on praying n lng kmi dtong natitira pang matino which is ayw naming maparis sa kanila

    • Anyway ang lahat po ng isinulat ko diyan ay yung naoobserbahan ko lang,,salamat po sa mga nag appreciate ng kwento ko at sana makapulutan nga ng aral ng kapwa Filipino na pupunta palamang dito. Thanks Definitely Filipino For Posting my Article. Godbless all Filipino

      • tama lahat ang sinabi mo 3 yrs din ako dun pero gusto ko pa dn bumalik dun kc d2 pulitiko lang ang yumayaman kht anong kayod mo walang nangyayari mataas ang pamasahe dahl sa mga lintek na kumpanya ng langis mababa dn sahod mas ok sa dubai sa tingin ko mag iingat ka nga lang tulad ng sabi mo maging wise….maraming salamat sa mga paalala mo sana magtagumpay ka matalino ka kaya mo yan keep up the good work god bless

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>