Isang maalinsangang araw ang bumati sa akin bago ako magbyahe ng aking tricyle. Umaga pa lang ay iba na ang init ng sikat ng araw kaya naman todo tagaktak ang pawis ko at ng kahit na sinong taong makita ko… Hanggang sa kainitan ng tanghali ay unti-unting kumilimlim ang langit hanggang sa bumuhos ang ulan.. Mahigit kalahating oras din ang tinagal nito kaya naman pagtila ay  baha agad sa lugar namin. At ang resulta? Trapik syempre..

Gumulo at umingay ang kalsada dahil sa biglang dami ng mga taong naglabasan mula sa mga sinisilungan nilang mga tindahan at waiting shed. Habang ang mga sari-sari namang sasakyan ay hindi magkumahog sa pagsingit at pagbusina sa isa’t -isa para makadaan lamang. Ako nama’y ganun din at nakisali na din sa ganung sitwasyon, ika nga eh dumiskarte na din. Sumunod ako sa isang tricycle at isang single na motor na nagcounter flow hanggang sa isang toyota revo ang sumulpot sa harap namin. Sumenyas kami na “Sandali lang padaanin lang kaming tatlong tricycle na nag counter flow” pero sa kasamaang-palad, hindi kami pinagbigyan ng revo na iyon kaya nagkatrapik tuloy lalo. Hindi na din kami makaatras dahil sa nag sunuran na din sa likod namin ang iba’t-ibang sasakyan…

Biglang bumaba sa revo ang isang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad 50 pataas. Matangkad ito at maganda ang pangangatawan kahit may edad na. Walang sabi-sabi ay sinapak nya at tinadyakan ang tricycle driver na nasa aking harapan at sinabing “P@#$@#$3@a ka kasi pumasok pasok ka pa eh”

Inawat ko ang lalaki at sinabing “Sir tama na, bakit kasi hindi nyo kami pinagbigyan? Sumenyas naman kami kanina eh di sana kung pinalusot nyo muna kami hindi umabot sa ganito ang sitwasyon”

Nagalit lalo ang lalaki at sinabing: “Tinuturuan mo ba ako ng mga dapat kong gagawin g@$o ka ah!” sabay akmang susuntukin din ako.. Uminit na ang kumosyon at nagbabaan na din ang ibang driver ng mga sasakyan. Karamihan sa mga bumaba ay kapwa namin mga nag tatricyle.

Napansin ito ng lalaki at muling umalma at sinabi sa mga kasamahan ko, “Ano? makikisali din kayo dito?” sabay binunot na ang baril na naka sukbit sa baywang nya. Bumaba ang isang babae na asawa nito at pataray din na nagsalita..

“‘Wag na kayong lumaban pulis ang asawa ko baka mapasama pa kayo lalo!”

Napaisip tuloy ako noong mga sandaling iyon. Gusto kong sumagot na “Porket pulis ba pwede ng manakit agad ng sibilyan at hindi kami pwedeng mangatwiran?”

Pero para hindi na nga lumala ay tumahimik na lang ako at pinakalma na lang ang sitwasyon. Mabuti na lang at nagdatingan na ang mga kawani ng baranggay namin para ayusin ang trapik…

Kalmado na ang kalsada at balik na sa dati ang daloy ng trapiko. Bumaba na din ang tubig ng baha at puro putik at basura na lang ang nasa kalye. Habang sa akin ay sariwa pa rin ang sitwasyon na nangyari… natawa na lang ako sa isang banda ngunit may halong asar at galit sa loob at nasabi na lang sa sarili…

“Tsk tsk… PULIS KASI…”

Photo credit: http://cdn6.wn.com

Enhanced by Zemanta