“Magmamahal pa din ako ng gan’un. Pwedeng higit pa. ‘Di ako magiging masaya ‘pag nilagyan ko ng limit. Katwiran ko kasi sa sarili ko lagi, go lang kung saan masaya hangga’t kaya. Kapag umayaw naman kasi ako, ayawan na talaga. Walang time first. Nakakapagod maging burot.”

Sagot ko ‘yan sa isang kaibigan na nagsabing huwag na raw ako muling magmahal ng ganun kagrabe. Hindi naman pwede ‘yun. Ang pagmamahal, parang gutom ‘yan. Masarap kapag nasa-satisfy ang kabusugan. Kapag napupunan ang gutom. Mas masarap kapag nasasabi mung SOLB! Pinakamasarap kapag alam mong ayaw mo nang maghanap ng “ibang makakain” dahil busog ka na. Dahil sapat na kung anuman ang laman ng nagwawala mong tyan. ‘Yung tipong kahit hindi mo paborito ang kinakain mo, kahit parang kinulang sa vetsin o asukal at kahit hindi ayon ito sa panlasa mo, kakainin mo pa rin sapagkat alam mong ito ang pupuno sa nagsusumamo mong bituka.

Ganyan ang pagmamahal. Aminin man natin o hindi, may mga pamantayan tayo pagdating sa taong “gusto” nating mahalin. Gwapo, matalino, maganda, matangkad, matipuno, maputi, malaporselanang kutis, seksi, at kung ano-ano pang pantasya. Kumbaga sa pagkain, ‘yan ang paborito natin. Pero malamang sa hindi, kadalasan, nababalewala ang mga katangiang ‘yan kapag tinatamaan tayo ng gutom sa pag-ibig. Burado ang lahat. Daig pa natin ang bulag. Kesehodang pagtawanan at kagalitan ng mga tao sa paligid. “Oh, ano ngayon kung naninigarilyo?”, “Oo, may tattoo. Oh, tapos?”, “Wapakels kung malakas uminom.” Makikita mo na lang ang sarili mong nakatanghod sa isang pagkaing ni sa hinagap eh hindi mo ninais tikman. Biglang bigla, ito ang gusto ng iyong panlasa. TL ka na. True Love at Tulo Laway.

Diet? Walang dyeta sa pag-ibig (sa ganang akin) dahil kapag naglagay ka ng muhon sa kung hanggang saan lang ang kaya mong ibigay, hindi na pag-ibig ang tawag do’n, kundi Kondisyon. Hindi mo pwedeng tipirin ang sarili sa dami ng pagkaing dapat mong ilaman sa sikmurang minumura ka na sa gutom. Kung susundin mo ang dyetang pinaniniwalaan mo, hindi ka mabubusog. Laging may kulang. Hindi ka magiging masaya dahil alam mo sa sariling hindi sumapat ang inaakala mong sakto na. Pwedeng natahimik ang tyan mo sa pagkulo pansamantala pero gigisingin ka rin neto habang natutulog ka at ipahahanap sa’yo ang pagkaing nais makadaupang-palad. Ikaw din ang talo. Istorbo na sa tulog, effort sa pagkain ulit, at higit sa lahat, sarili mo ang niloko mo.

Ako? Pwede kong sabihing minsan sa buhay ko, nagpakabondat ako sa kabusugan. Walang dyetang sinunod. Masarap kumain e. Masarap magmahal. Pero kasabay ng paglobo ng mukha ko, nakaligtaan kong sipatin at tanungin ang sarili sa salamin, “Healthy ba ‘yung kinain ko?”

Photo credit: crystalklataskenutrition.com

Enhanced by Zemanta