Sa ating mga Pilipino, bahagi na ng ating buhay ang tumingin sa horoscope tuwing may pagkakataon na makakita nito sa dyaryo o kahit saan pa. Minsan nga ay batayan na ito ng ilan sa atin sa kung ano ang mangyayari sa partikular na araw. Dito rin daw malalaman mo ang dapat mong gawin patungkol sa Lovelife, Business, Career/Job at kung anu-ano pa.

Aminado ako na isa ako sa mga nagbabasa ng horoscope ko tuwing makakahawak ako ng isang pahayagan. Matapos kong mabasa ang headline, hahanapin ko naman ang entertainment section ng broadsheet. Sagittarius ang Zodiac sign ko. Nagsimula akong magkaroon ng interes nung ako ay nasa high school na. Marami na rin akong nabasa tungkol sa “ARCHER” sign na ito at masasabi kong naging malaking bagay na rin sa akin ang paniniwala dito. Hindi ko naman sineseryoso minsan ang mga nalalaman ko. Nakakatuwa lang talaga na may pagkakataon na tumutugma ang forecast at nangyayari talaga ang mga nabasa ko. Pero ganon talaga eh. Posibleng mangyari dahil sa dinami-rami ng tao, siguradong may pagkakatulad ang lahat ng pangyayari sa buhay tulad ng bawat segundo, maraming sabay-sabay na nanganganak, humihikab, at iba pa. Nakakatuwa lang din isipin na sa kababasa ko noon, pati na yata lovelife ko, nakabase na rin sa horoscope.

Ako, bilang isang Sagittarian, ang Highest compatible signs daw sa akin ay Aries, Leo, Aquarius, Libra at Gemini at hindi naman daw ako compatible sa Cancer ayon yan sa Wikipedia. Sa madaling salita, NOON, nais ko na makakilala at magkaroon ng boyfriend na nabibilang sa mga Zodiac signs na nabanggit. Bata pa kasi ako noon kaya madali akong maimpluwensiyahan ng kung anong nabasa ko. Bukod sa sarili kong sign, titingnan ko rin yung iba pang signs para alam ko rin ang mangyayari sa kanila. NGAYON, nagbago na ang paniniwala ko rito. Natatawa na lamang ako kung gaano ako nagpaapekto sa horoscope. Nagkaroon ako ng mga kasintahan na kabilang at hindi rin kabilang sa mga nabanggit na compatible sa akin pero ang ilan, tumagal naman at ang iba hindi. Tulad ng ex ko, pareho kaming Sagittarius, ang sign na ayon sa Wikipedia, nasa category ng “High Compatibility” ngunit nauwi din kami sa hiwalayan.

Ang Love ay tunay na mahiwaga. Kahit ang horoscope ay hindi masasabi ang mangyayari sa inyong relasyon bilang magkasintahan, magkapamilya o magkaibigan. Marami din kasi akong kilala na umaasa at pinapatakbo ng Zodiac signs ang relasyon na kung tutuusin ay hindi naman talaga tama. Ginagalang ko naman at nirerespeto ang paniniwala ng ilan ukol dito pero kung masama na ang epekto sa inyo, kayo na ang bahalang magdesisyon.

Sabi nga ni Zenaida Seva, kilala sa Umagang Kay Ganda sa paghahayag ng horoscope, “Gabay lamang sila, Meron tayong free will, gamitin natin ito”. Totoo iyon. Nasa inyong desisyon na kung paniniwalaan ninyo nang lubusan. Hindi rin naman talaga 100 percent reliable ang horoscope at walang nakakaalam ng hinaharap kundi ang Diyos. Nabubuhay tayo ayon sa Kanyang kagustuhan at tayo rin ang gumagawa ng ating kahihitnatnan sa hinaharap. Kung ano tayo sa kasalukuyan ay epekto ito ng ating nakaraan. Hindi basehan ang kung ano pa mang prediksyon o hula o kung ano pa man sa araw-araw na pangyayari sa ating buhay. “Spontaneity” ang tawag ko dito dahil spontaneous naman talaga lahat. Huwag natin ipaubaya lahat sa horoscope. Salamat. :)