Dapithapon
Habang pinapatay ko ang oras sa hindi ko pagkatulog, nanood ako ng isang serye gamit ang laptop ng kaibigan ko. Tipong Reporter’s Notebook ba ang tema. Nung una, naaaliw-aliw pa ako sa mga pinakikitang makukulay at iba-ibang pakulo sa pakikibaka ng tao sa buhay nya sa araw-araw. Ngunit naagaw ang aking atensyon ng magpalit ng segment ang palabas. Tanong ng host, “Kaya ba nating arugain ang mga kaanak natin na sinapitan na ng dapit-hapon ng kanilang mga buhay?”
Ang tanong ko sa ating lahat, gagawin ba natin ang lahat para sila’y arugain? Hindi na kase kwestyon dito kung kaya natin, hindi ba? Pero gagawin kaya natin ang lahat para sa kanila?Lalo na kung ang mga kaanak nating ito ay mga nag-uulyanin na at hindi na alam asikasuhin ang sarli dahil kahit tawag ng kalikasan ay hindi na nila alam?
Nakakalungkot mang aminin, pero hindi lahat ginagawa ito…Sana maantig ang ating mga puso, lalo na tayong mga anak sa pangangailangang ito ng mga tumanda nating mga kaanak, lalo pa’t kung ang mga ito ay sarili nating mga magulang. Alalahanin natin ang ginawa nilang pag-aalaga at pagkalinga sa atin. Ang mga gabi nilang walang tulog kapag tayo ay nagkakasakit. Ang pagpapagal nila para mabigyan tayo ng magandang edukasyon upang maihanda tayo sa ating mga bukas.
Alalahanin natin ang mga luhang dumaloy sa kanilang mga mata kapag nakararanas tayo ng mga kabiguan, at ibayong saya at pagmamalaki nila sa atin sa bawat tamuhin nating mga tagumpay. Hindi porke nangagtapos na tayo at may sarli na tayong mga buhay ay lilimutin na natin sila.. Hindi porke umalwan na ang ating buhay at naging succesful at kinikilala na tayo sa tinatawag na “professional world”, wala na tayong pakialam sa kanila. Hindi ba’t kaya naman natin narating ang kinalalagyan natin ngayon ay dahil sa pagsisikap ng ating mga magulang na maitaguyod tayo? Kaya wag naman sanang lumaki ang mga ulo natin at umastang akala mo kung sino sa harap nila.
Wag natin silang pandidirihan kung hindi na nila kayang linisin ang dumi nila dahil hindi lang miminsang nilinis nila ang dumi natin. Wag natin silang sigaw-sigawan kung nagiging makakalimutin na sila kundi intindihin natin at turuan sila sa mga bagay na unti-unting lumabo sa kanilang mga pag-iisip. Wag nating hayaan na sila ay nag-iisa, na halos daan-daanan na lang at hindi na pinapansin. Kwentuhan natin sila katulad ng gigagawa nila sa atin noon.. Tumanda man at maging ulyanin man ang ating mga magulang, tandaan natin, pagmamahal at pagpapakasakit ang ipinundar nila para sa atin..
Makalimot man sila sa maraming bagay, o kung dumating man na tayo mismo ay hindi na nila makilala dahil sa kanilang katandaan, ang pagmamahal sana natin ang magpa-alala sa kanilang mga puso na wala silang dapat ipag-alala dahil tayo naman ang gagabay sa kanila sa dapithapon ng kanilang mga buhay…
©Copyright 2012, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.



.naiyak naman ako, naisip ko na to dati pa na dadating ang araw na to at aalagaan ko ang aking mga magulang hanggang sa dulo.