Ako pala si MJ.

Ang tagal kong nakatitig sa blankong papel, madami akong naiiisip pero ang hirap i-sort out.

Ahhh, since ito ang una kong blog mas maganda siguro kung ipakilala ko muna ang aking sarili para naman magkaroon ng ideya ang magtyatyagang magbasa nito kung saan ko hinuhugot ang mga bagay bagay na isusulat ko.

Tawagin nyo na lang akong MJ, panganay ako sa apat na magkakapatid. Medyo magulo ang buhay ko noong bata pa ako. Away bati ang mga magulang ko hanggang sa tuluyan na silang maghiwalay nung first year high school ako. Sa kabila nito, napalaki naman kami ng maayos ng mommy ko. Nagtapos ako ng arkitektura sa Pamantasan ng Lunsod ng Maynila, kung iisipin nyo na magaling ako magdrawing at magdesign dahil sa kursong natapos ko, mali kayo hehe… Masasabing ko average student lang ako noon, hindi ako magaling magdesign, sa math daw ako magaling sabi nila, (sabi lang nila hehe) at sabi ng isang prof. ko sa design pag magaling daw sa math bopol sa design haha…(take note special mention ako nang sinabi nya ito). Maaaring tama, maaaring mali din dahil sigurado may mga taong magaling sa parehong subject na to. Ito ang mga gifted child hehe. Nakasurvive ako sa kurso ko, nakakapagdesign na din naman ako pero hindi nga lang tulad ng sa iba kong kaklase na mamamangha ka talaga sa mga gawa nila.

Nang makatapos ako hindi agad ako nagwork, mga ilang buwan din, ewan ko ba pero dumating din yung point na kailangan ko na talaga iapply ang pinag aralan ko dahil kahit kasi pang load sa cp wala na kong pambili at nagrereklamo na ang nanay ko kakahingi ko.

So ayun nakahanap din ako ng work, ang baba ng sahod haha, kulang pa din sa pangangailangan ko. Naka tatlong company din ako bago ako magtry magabroad at mapabilang sa mga tinatawag nating makabagong bayani, ang mga OFW.

Sa bansang South Korea ako napadpad, ika pitong taon ko na dito ngayong February at ito na din ang huli. Oo tama, hindi na ko magrerenew ng kontrata ko dito, gusto ko na umuwi. Ayaw nila ko payagan at bibigyan daw ako ng increase pero hindi na ko masaya at sa tingin ko kailangan ko na din hanapin ang talagang magpapasaya sa kin, sabi nga life is short and we should live our lives to the fullest. Ito ang aking bagong misyon sa buhay, tumatanda na din kasi ako at gusto kong maging makabuluhan ang nalalabi ko pang mga araw sa mundong ito.

Marami akong plano sa taong ito, para sa akin isa itong bagong chapter ng buhay ko. May pangamba man at pag aalinlangan akong nararamdaman ngayon alam kong malalagpasan at maisasagawa ko ng maayos ang mga gusto ko. Napagtibay na din naman ako ng panahon kahit papaano, at marami na din ako natutunan sa buhay. Siguradong magagamit ko ang mga ito sa bagong landas na aking tatahakin.

Alam kong hindi sapat ang blog na ito para maipakilala ko ng lubusan kung sino ako, alam ko din naman marami ang walang pakialam na makilala ako hehe, ang nais ko lang naman ay mailahad ang mga saloobin ko at hindi man maging bihasa sa pagbblog sana dumating ang araw na maging inspirasyon sa nakararami at mapulutan ng aral ang mga isusulat ko.

Hanggang sa muli!!!

Note: Para sa mga bloggers comment naman po kung may pag asa ako sa pagbblog.. :)

Photo credit: india365.org