Napakaingay ng mainit na lansangan…abala ang lahat  sa kanya-kanyang pagpapatakbo ng buhay…negosyo. May ngumingiti, tumatawa, umiiyak na mga bata, may mga tulala at mga paslit na naglalaro lang at walang kamuwang-muwang habang ang mga matatandang ale at mama na nasa malapit lang ay panay ang sigawan at murahan na para bang wala nang bukas.

Ilang segundo lang….     BOOOOOOOOOOOOOMMM…………………………

Malakas. Napakalakas, nakakabingi at nakakabulahaw na pagsabog ang bumalot sa dati nang maingay na paligid. Bigla may mga nakakapanindig-balahibong mga sigaw, iyak, yabag at nakakapangilabot na panaghoy at hinagpis kasabay nang pagsabog na unti-unting naglaho sa pandinig. At ang dating makulay at masiglang paligid? Nasaan na? Wala na, naglaho’t napalitan ng kay baho at masangsang na amoy, nangingitim na usok, nawasak na mga establisimyento at nabahiran ng kagimbal-gimbal na pagdanak nang dugo ng mga kawawa’t inosenteng biktima. Pawang itim at pula ang natira.

Haaaaaaaaaaahhhh………..sinong mag-aakalang ‘yon na ang aking huling sandali sa mundong ito. Buhay na iningat-ingatan subalit walang habag na kinitil, winasak at higit sa lahat…sinayang. Malay ko bang iyon na iyon? Malay ko bang sa aking pamamalikmata’y ‘di na pala ako muling didilat pa?

At ang mga yagit na katulad ko’y may mga pangarap at kinabukasan ay naglahong parang bula…wala na… Inanod at tinunaw ng kalunos-lunos na krimen. Pangarap na nagkapunit-punit at biglang nawala’t sumabay na sa pag-agos ng bumabahang dugong dumikit at tumagos sa lupa tungo sa kailaliman ng daigdig. Wala na. Kinain na ng lupa.

Yaong mga walang swerteng empleyadong nagsipagtalsikan ang mga dugo’t laman dulot ng bagsik ng karahasan? Hindi man lang naabot ang masarap na pasalubong sa kani-kanilang mahal. Si Ale…di na naubos ang isdang paninda…nadamay pa ang kaunting salaping pangmatrikula ni Nene… Nagunaw lahat. Maraming hindi nasabi’t nagawa.

Sayang at naging napakaikli lamang ng aking buhay. Hindi ko akalaing huling sulyap ko na pala iyon kay Itay. Ang sabi ko’y maaga akong uuwi sa bahay ngunit ang hihintayin pala nila’y ang matigas at malamig kong bangkay. Hindi ko man lang naipakita ang pinagtiyagaang diploma ko kay Inay at medalyang dulot ng pagpupunyagi’t tagumpay. Hindi ko man lang nasambit kung gaano ko sila kamahal at hindi ko man lang naranasang umibig at masaktan.

Kay saklap ng aking naging wakas. Ang pagsalubong ni kamatayan ay hindi ko inaasahan. Kamatayang pumutol sa pangarap ng isang musmos na katauhan. Kamatayang sadyang napakaterible at terorista daw ang may kasalanan. Pero ang pinakamasakit, kapwa Pilipino ko pa ang may kagagawan.

Paalam………………….

Visit my blog at THE BLAH BLAH NOTEBOOK

Photo credit: independent.ie