Mukhang wala ako sa katinuang magbahagi ngayon. Huwag mo na rin basahin at baka kung ano pa’ng makuha mo. Hindi ko lang talaga alam kung saan ako dadalhin ng pakiramdam na bumabalot sa akin, kaya minamatamis kong ibuhos na lang sa pahinang ito.


Minsan man lang, tumigil ako nang bahagya. Ano kaya kung wala muna akong isiping iba, ako lang? Lagi ko na lang kasi ‘yon ginagawa- ang isipin ang iba. Hirap na ako.


Araw-araw nakakulong ako dito sa bahay, ginagawa ang mga bagay na marami nang mga ina ang umiwas- at tinawag natin silang career women.Magagalit sakin ang ilan, pero totoo ito. Yung iba lalo na kung single mom kailangan talagang kumayod, at mabuti na lang may kamag-anak na puwedeng tumingin muna sa kanilang anak habang wala sila. Pero marami- kahit labis-labis na ang mayroon sila ay iiwan ang maliliit sa kung sino’ng makaalaga, para sundan lang ang kanilang mga pangarap na tala. 


Minsan naiisip ko ring subukan ‘yon- yung mas isipin ang buhay ko, kaysa sa kanilang mga bata. Noong hindi ko pa sinubukan na maging full-time na ina sa tatlong anak, akala ko din noon- heavenly escape ang tumambay na lang sa bahay kasama sila.Pero ngayon ay alam ko na – wala sa lugar ang career mom na sabihin sa isang tunay na “maybahay” and katagang mas nahihigitan kita. 


Kung sa nanay na kumpleto sa mga katulong at padala, mas higit pa rin ang career mom. Pero sa talagang naiiwanan ng asawa para pagsilbihan ang loob ng tahanan – at hindi man lang natatanaw ng sariling kapamilya – saludo ako sa kanila.


Ako naman ay may ibang kuwento. Hindi sapat ang sahod ng iisang kumakayod para sa tatlo naming anak, wala akong nanay at tatay na mapang-iiwanan sa mga bata, ang mga kamag-anak ko naman ay may kanya-kanyang buhay na iginagapang sa paghihikahos. Ang pamilya ng asawa ko’y lahat maykaya, kaya may kanya-kanya ding pinagkakaabalahan. Kaya ako ang naiwan (at dapat lang na umako) sa gawaing-tahanan, at sinisikap palakihing wasto ang mga anak, pinipilit makita ng asawa na maganda ang pamilyang sama-sama, magtulungan para maluwag na makahinga ang isa’t isa.. kalimutan na minsan, naging iskolar din naman ako ng bayan. 

Hindi naman sa pasan ko na ang mundo, o siguro ako na ang duwag na sumusuko. Pero kasi kapag nagkukuwento ako o nagsasabi ng kahinaan, humihingi ng damay, ay hanggang tango lang sila at mukhang di naman nakikita ang sitwasyon ko; nakangiti sila at sinasabing, “okay lang yan!” samantalang di ko maisip paano igagapang ang sarili ko at ibalik ang mga pangarap. Minsan dumarating ako sa puntong parang di ko na makita ang pag-asa, lalo na sa mga mata ng ilang taong walang ibang nakita kundi sarili nila.


Yap, ang hirap. Hindi birong pinangarap ng aking ina na magtapos ako sa unibersidad para matupad ang aking pangarap, at ako naman ay binuno ang lahat ng hirap para makamit bawat tagumpay na lagi kong inialay sa iba. Pagka-gradweyt di ako agad nagpasuweldo; naglibot muna ako sa komunidad para ipahayag sa kabataan ang pag-asa ng edukasyon. At nung sumuweldo na nga ako, inilaan sa mga magulang, at sa kapatid na shift ng shift sa mga kursong nais pagtapusan.


At makaraan ang mga taon ni hindi maalala ng kapatid ko ang nilalaan sa kanya kaysa bumili ako ng bagong pantalon. Ang tatay (tinuring nga ba niya akong anak?), pinapalayas pa ako sa lupang sa kanya lamang daw hanggang sa siya’y mamatay. Hindi ko alam kung bago pumanaw si Nanay ay nalaman niyang umiyak ako sa PCSO para lang matugunan ang mga gamot niya sa ospital. At pagdating ko sa ospital- ako pa ang masisisi, bakit ang tagal ko daw. Ang anak kong maliit naghihintay na at pumapalahaw.


Nakita ba nila akong gumalaw?


Yung mga kabataan na nakausap ko noon, di ko na alam kung nasaan na sila ngayon; baka hindi ko na sila makilala sa dilim na di mahawi sa aking mukha. Minsan, may lumalapit sakin, “Di ba kayo po si Ate Buena? Na-inspire niyo po ako dati..” Hindi ko na maalala. Inspiring pa ba si Buena? May pag-asa pa ba sa aking mga mata?


Bawat araw hinihiling ko sa Maykapal na gawin ang ibig Niya sa aking buhay. Bawat araw sinisikap kong gawin ang bahagi ko bilang isang mabuting nilalang. Pero ngayon sa araw na ito, biglang hapo ang bumabalot sa aking katawan. Magulo ang isip ko at ang puso ko pawang pait at hinanakit ang laman. Kaya ko pa bang magpatuloy? Nakikita ko pa ba ang pangalan ko sa Aklat ng Buhay?


Nasasabik akong balikan ang trabaho sa labas. Miss ko na yung nagagamit ang talento sa pagsulat, pag-dokumento, pagturo, pag-aabot serbisyo sa publiko, pag-asikaso sa mga estudyanteng walang malapitan at hindi lang ang galing ko sa paghugas ng pinggan, pamamalantsa, pagliligpit ng kalat, paglalampaso ang binubuno ko sa maghapon. Na hindi naman din nakikita ang halaga dahil walang kalawit na pera sabi nga ng aking kakilala. 


Sinubukan ko nang kumuha ng magbabantay sa aking mga anak, dahil alam kong hindi kami maitataguyod ng ambag; kapagdaka nagpaalam din dahil di daw kakayanin ang kanilang kakulitan. Kukuha kami ulit ng iba, ganun  na naman, magpapaalam matapos ang isa o dalawang buwan, at kahit gustuhing dalawa na sila, di na rin masustentuhan ang suweldo nila buwan-buwan, at aalis din naman. Sino nga ba naman ang gagayang limutin ang sarili para lang alagaan ang mga batang di naman nila kaano-ano? Ako nga minsan- napapasuko. Wala ngang makatigil sa mga kadugo ko. Mangilan-ngilan na lang ang katulad ng pinsan kong si Famy noong mga panahong pinaluwag niya ang buhay ko.


Sabi ng kilala ko, ang ilan gagawin ‘yan, tapatan mo lang ng malaking suweldo. Nasa asawa ko kung gusto niyang magpasuweldo na parang sa isang maestra sa daycare.At nasa akin na kung papayag akong ipabahala sa kung sinong kamay ang mga bata ngayong maliliit sila. Ako lang naman daw ang problema- ayaw ko silang iwan sa hindi kakilala. Kung ikaw, gagawin mo ba?

 

Mahusay ang karera ko sa isang kolehiyo noon. Hanggang sa mas piliin ko ang pamilya. Sabi ko, may kanya-kanyang panahon para sa lahat ng bagay. At ang mga tao, may kanya-kanya ring biyaya; kanya-kanyang ding problema. Bahala na kung sinong dadamay, at kung sino naman ang dededma. Ganon ang buhay…ganun lang.


Nauunawaan ko pa naman. Siguro, nahahapo lang ako. Ang tatlong batang maliliit ay kagalakan ng puso- pero kahit ang powers ni superwoman mapapasuko kapag sabay-sabay na silang nagsikulitan, nag-iyakan, nag-away-away at nagsipagsabi ng kailangan. Napapatulala na lang ako. Nalulungkot ako na minsan hindi ko na ma-enjoy. Dapat palagi akong masaya. Dapat palaging kaya ko. Dapat walang minutong hihinto. Dapat lang para sa mga tao sa paligid ko, na naniniwalang kaya kong mag-isa.


Huwag mo nang tingnan ang sarili mo. Hindi ka rin naman nila nakikita. 


Konsuwelo ko na lang sa sarili kapag nasusumbutan ng kabiyak ko, “Ang lahat ng kayamanan na binubuhos niyo, matutumbasan ko pagdating ng panahon. Pero ang oras na nilalan ko para lahat kayo makapagpatuloy ng kanya-kanyang buhay, hindi mababayaran kailanman.”


Sa huli, desisyon ko naman lahat ‘to. Ang sumama sa lalaking minahal, magparaya sa damdamin hanggang sa magluwal nang sunud-sunod, piliing palakihin ang mga anak nang may mabuting pundasyon. Sana responsibilidad ng dalawa, o ng buong pamilya.. Pero sa sitwasyon ngayon, masakit man tanggapin, ang kapalit ng lahat ng desisyong ito ay hindi ko na dapat hintayin ang damay ng iba dahil responsibilidad ko lahat ito. 


Nais ko rin sana, maging katulad pa rin ako ng pangarap para sa akin ng nanay ko noon.Na magturong muli sa mga kabataan at makapagbahagi ng konting kaalaman. Na kumita para hindi napapahingan na lang o napapahiya pa kadalasan. Na makita ng mga anak kong, kaya ko pa, mayroong pag-asa, at hindi magpapatalo sa pagluha si mama nila.


Sabihin na nating trapped ako sa isang sitwasyon ngayon. Pero kahit man lang sa piyesang ito makalabas ako ng bahagya, at makita muli, kahit man lang panandali, ang sarili ko.

Mahirap ang walang sariling pamilya, walang mapagsumbungan. Kaya pagkatapos ng sulat na ito, haharapin ko pa ring muli ang mga anak ko. Sila man lang ay makahanap ng kakampi o sasandalan sa akin.

 

Photo credit: musingsofamaiden.blogspot.com