Photo credit: zazzle.com

Natatawa na lang ako noon pag naaalala ko ang mga sinasabi ng mga kaibigan ko na kailangan ko ng mag asawa kasi daw napag iiwanan na ako ng panahon. Nag aamoy “saya” na daw ako, meaning “matandang dalaga na daw ako”. Naku, buti na lang hindi ako naniniwala at basta ko na lang sinugbahan ang mga lalaking nanliligaw sa akin noon. Siguro kung nagkaganun eh isa na din ako sa mga babaeng sumasakit ang ulo sa problema sa asawa.

Eh bakit nga ba sa dami ng kilala ko na nagdumali sa pag aasawa, yun ang kinatunghayan nila? Puro sakit sa katawan, isip at damdamin ang nararanasan nila. Dala ng kabataan at kapusukan, akala ganun lang kadali ang buhay may asawa. Hindi pa nakakaalis sa planggana dahil sa paglalaba ng mga damit ng isang taong gulang na anak eto at buntis na uli. Pang abot abot na ang aalagaan, tapos yung asawa naman walang kwenta. Sabi ko nga, kung ganitong klase ng tao ang napangasawa ko eh naku huwag na lang. Batugan, adik, mabarkada; lahat na yata ng kasamaan ng ugali nasa taong yun na. Pero hindi ko dadanasin ang ganung katayuan kasi nga naging choosy talaga ako. Huli man sa byahe ng pagaasawa eh naka front seat naman.

Napakabait ng asawa ko. Hindi lang siya basta ama na nagbibigay ng aming pangangailangan, kundi mapagmahal ding asawa at anak. Wala na akong hahanapin pa. Siya ang pinagdasal ko sa Diyos na ibigay sa akin at sumobra pa sa hiningi ko. Kaya kayong mga dalaga pa, sa pag-ibig dapat lahat pinapagana. Hindi lang puso pati utak, hangga’t maaari huwag muna ibaba ang bataan para hindi mapasubo sa hindi talaga karapat-dapat bigyan.

Okey lang maging choosy, may kagandahan naman idudulot iyon sa iyong buhay. Isipin ang mga bagay bagay bago gumawa ng isang desisyon, hindi lang para sa sariling kapakanan kundi para na din sa magiging kinabukasan ng inyong mga anak. Sabi nga ng nanay ko noon, “Anak, hayaan mo nang sumagot ng sumagot ang itaas huwag lang ang ibaba”. Ibig sabihin ng nanay ko, kahit madaming naging boyfriend basta huwag ibibigay ang lahat lalo na ang natatangi regalo para sa inyong magiging asawa..kasi pag nagkaganun minsan hindi ka na makapamili, mas malimit eh napapasubo na dahil may bata ng involved. Isipin ang mga bata, isipin ang kanilang kapakanan, mamili o maging choosy.