Home » LIVING » CAREERS, Family, LIVING, MISCELLANEOUS, OFWs, Personal Stories, TAGALOG » Premyo Sa Aking Paglisan

Premyo Sa Aking Paglisan

Photo credit: http://kathika.com

Sinong mag-aakalang sa aking paglisan ay may prize akong makukuha? Magkakaroon ng award na instead na magalak ako ay puro kalungkutan ang aking natamo.

Hindi ko alam pero sigurado akong  hindi lamang ako ang nasa ganitong sitwasyon na nakaranas ng paglisan at nakatanggap ng isang napakalungkot na kapalit.

Sa kabila ng ating kasiyahan at pananabik na makapag-trabaho abroad ay hindi natin naiisip o inaasahan na magkakaroon ng mga pangyayaring yayanig sa ating mundo.  Punong-puno ng pangarap at lakas ng loob na itataguyod ang kabuhayan ng pamilya. Bibigyan ng magandang kinabukasan, ipararanas ang ginhawa ng buhay at ipangangakong ibibigay lahat na gusto sa oras na pangangailangan.

Isa akong batang OFW. Limang buwan makaraan ang aking pagtatapos ay nagdesisyon na makapangibang bansa. Sinuportahan ako ng aking pamilya sa pag-alis. Sapagkat naging ideya ito mula sa aking ama, dahilan sa kanyang kaibigang tutulong sa akin, nagpursige kami ng pag-aayos ng aking mga dokumento at nag-ipon ng perang gagamitin. Ang kaisa-isang kabuhayan ng aking ama ay inalis sa kagustuhang makaalis ako ng bansa. Mahirap man para sa kanya ang kinagisnang kabuhayan, napilitan itong ipagbili.

Kitang-kita ng pamilya ang kalungkutan niya ngunit wala siyang magawa sapagkat kailangan.

Kinumpirma na ayos na raw ang aking visa at kailangan na lamang na mapasa-akin ang orihinal na kopya. Ilang beses na delay ang inaasahang araw ng pagdating ng visa. Lahat ay nangangamba maging ako man na inaakalang marahil ay pinaglaruan lamang kami. Ngunit ako ay nanatiling positibo gaya ng aking ama na bagaman talagang nangangamba rin. Tinatawanan na lang ang sitwasyon habang ang aking ina ay alalang-alala.

Makaraan ang ilang araw ay natanggap namin ang aking orihinal na visa. Hindi makapaniwala ang aking ama na makakapag-abraod ako na wala sa plano.  Kitang-kita ko sa kanya ang kasiyahan bagaman ang aking ina ay malungkot sa aking paglisan. 100% ang tiwala ng aking ama na makakaya ko ang aking buhay malayo sa kanila. Palaging sinasabing ang tatlong taon ay napakabilis , pagtitiis lamang ang kailangan.Buong suporta ang natanggap ko mula sa kanila.

Sa aking paglisan, isang kasiyahan sa mukha na may halong pag-aalala ang lagi kong naalala sa aking ama habang ang aking ina ay lumuluha.

Isang taong hindi pa namin nakikita ang aking dadatnan sa Gitnang Silangan. Hindi kilala at tanging refer lamang siya ng kaibigan ng aking ama.

Makaraan ang ilang araw, ilang kababayan ang tumawag sa akin, kinukumpirma kung nasa maayos akong kalagayan. Ipinaalam sa akin na nakausap ng aking ama ang kanilang pamilya sa PINAS upang ako ay kontakin dito para atleast may kakilala ako.

Salamat po aking ama at talagang walang tigil ang iyong pag-aalaga sa akin.

Natatandaan ko ang huli kong kita sa aking ama nung kami ay nag-usap sa internet. Nasa opsina pa ako nun at lakas loob akong nag open ng cam sa kagustuhang makausap ang pamilya. Sa kasamaang palad ay sira ang mikropono kaya’t hindi ko rin narinig ang kanilang boses. Masaya na rin kasi nakita ko naman sila habang umiinom ng kape sa aking mga tiyahin.

Mapaglaro ang tadhana, binigyan ako ng premyo pero makaraan ang isang taon ay binalita sa akin ang pagkamatay ng aking ama. Madaling araw iyon.  At wala tayong magagawa kundi ang umiyak. Hindi lamang ako ang nakatanggap ng ganitong premyo,  alam kong mapa-magulang, anak, kapatid, kamag-anak o sino pa mang malapit sa inyo ay nakaranas ng ganitong sitwasyon: ang mawalan ng malayo sa pamilya. Tama, hindi naman natin hawak ang maaring mangyare sa atin, walang sino man ang makaka-predict na ganito, ganire ang mangyayari. Diyos lamang ang nakakaalam.

Sa pagkawala ng aking ama, naisip kong ganito ba talaga? Kailangang may premyo o tadhana na sa akin na mangyare ang ganitong sitwasyon?

Mahirap tanggapin kaya naman pinili kong ‘wag isipin ang kanyang pagkawala at pakiramdam ko ay buhay na buhay siya na nasa PILIPINAS lamang. Buhay siya sa aking puso at isipan.

Siguro’y nagpaalam siya na malayo ako kaya’t hindi ko nararamdaman ang kanyang pagkawala. Siguro’y nauunawaan niyang kung mawawala siya na kapiling ko, alam niyang mahihirapan akong mag adjust. O siguro naman alam niyang I am strong enough para siya ay mawala kahit malayo ako. Wala akong sagot, puro haka-haka, ngunit iisa lamang ang aking alam, mabuhay ng matatag gaya ng kanyang inaasahan sa akin.

Salamat po ama, sa iyong paglisan, sinigurado mong nasa maayos akong kalagayan. Sana ang lalaking kapiling ko ngayon ang siya mong pinili upang maging kapalit mong mag aalaga sa akin.

Paalam, nawa’y masaya ka sa piling ng Panginoon gaya ng aking inaasahan sa tuwing napapanaginipan kitang nakangiti habang ika’y nakahimlay. Sana nga’y totoong masaya ka sa iyong paglisan..

Enhanced by Zemanta


©Copyright 2012, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


Author: Simply Amazing

Uhaw sa kausap

You may also like:

One Response to Premyo Sa Aking Paglisan

  1. Salamat po sa Inyo at binasa ang aking kwento.. Maraming salamat at nawa’y lahat tayo’y maging positibo ang pananaw sa lahat ng bagay..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>