“Birthday mo pala kahapon eh, ba’t di ka man lang nagpakain?”

Timeout muna.

Tanong: Obligado ba (o may responsibilidad) ang isang tao na magpakain, maghanda, maglabas ng pera o harangan ang kalsada para mag-inuman na parang salubong sa Oktoberfest sa tuwing sasapit ang kaarawan ng isang tao?

Parang hindi naman yata.

Una, mas marami na siyang iisiping gastos sa tuwing madadagdagan ang edad niya. Ibig lang sabihin, tumatanda ang isang tao na may kasamang karagdagang problema. Gaya ng grade 6 student na papuntang 1st year high school at fresh graduate na high school student papuntang 1st year college. Ang dating kwek-kwek sa piling ng luneta na panliligaw ay napupunta na sa value meal #2 with extra large fries ng ‘fastfood’, papuntang ‘mas mahal na fastfood’ at sa huli, 3 hours short time na kwarto. Ang dating Fortune na yosi ay nage-evolve na sa Marlboro, at ang gin pomelo ay nagiging redhorse papuntang scotch in a rock. Unti-unting natatauhan sa mga bagay na pirated at peke, papunta sa mga branded at signatured na luho, at nakokornihan sa unlimited texting. In short, tumatanda.

Bilib ako sa mga taong naguubos ng panahon at gumugugol ng kapaki-pakinabang na oras (isama mo na diyan ang pag-absent sa eskwela o trabaho) para lang mapakain ang ilang sikmurang masaya sa ‘libre’ sa tuwing magbibirtdey siya. ‘Yung mga taong kahit ipangutang ang ihahanda, bahala na bukas. Eto yung mga uri ng tao na walang pakialam sa mga susunod na araw, basta-masaya-ako-sa-araw-na-ito-dahil-birtdey-ko-kaya-maginuman-tayo-ng-matindi.

Mapalad ka kung isa ka sa mga uri ng taong nabiyayaan ng magandang estado ng buhay at idinadagdag mo sa sarili mong kalendaryo na holiday ang birtdey mo, kumpara sa nakararaming tao na walang selebrasyon ng birtdey dahil wala namang kahit ano (isama mo na rin ang ilang relihiyong walang ganung uri ng selebrasyon). Kaya mong gumastos ng kahit magkano para lang sa ilang kilo ng karne, gulay at kung ano-ano pang pwedeng ilapag sa mesa na pwedeng iba-ibang klase ng putahe, isama mo na ang ilang hindi pangkaraniwang uri ng inumin, tables & chairs, balloons and all party needs, just text 09SMARTGLOBETMSUN. Ikaw na parang barya lang ang nilulustay na salapi sa piling ng pansamantalang kaligayahan at bagong photo album sa facebook. Ikaw na nagagawa mo pang maglaan ng oras para lang sa tarpaulin at invitation card para sa isang beses sa isang taong selebrasyong kaarawan na kadalasang may extension pa, hanggat may mga taong hindi mo naisama sa listahan ng mga nakasama mo sa araw ng kaarawan mo.

Napakapalad mo.

Pero bukod sa plus one na edad, ano ba ang kaarawan sa buhay ng tao?

Birthday. Madalas mo itong sagutan sa ilang papeles. Isa ito sa mga kombinasyon ng numero na kailanman ay hindi mo malilimutan. Ito rin ang kadalasang ginagamit bilang password sa kung ano man o pin code ng atm card. Bakit? Dahil ito lang naman ang araw kung saan nailuwal ka na ng nanay mo matapos kang saksakan ng kung ano-anong kemikal sa loob ng siyam na buwan. Planado ka man o resulta ng premarital sex. Masaya ang lahat nang makita ka, at kabilang ka na rin sa census ng Pinas. Paghahandaan ang binyag mo, at blockbuster ang unang birtdey mo. Tapos yung mga susunod na selebrasyon, swerte ka kung meron.

Kung paastigan lang naman ng selebrasyon ng birtdey, its more fun in the Philippines. Dahil ang birtdey sa Pinas, parang pelikula na candidate sa Metro Manila Film Fest. Una, ang fantasy. Eto yung mga pantasya ng isang taong dapat magarbo at makasaysayan ang kaarawan niya. Yung mamamatay sa inggit ang kapit-bahay dahil sa iskandolosong amoy ng mga ihahanda at ite-take out din ng ilang mapagsamantala. Haharangan niya ng ilang upuan ang ilang parte ng kalsada at maghahari-harian na parang tropa si Asiong. Pang Famas na drama. Yung nagamit na lahat ng pang-Nora Aunor na linya ng script ng isang kawawang birtdey celebrant maibili lang siya ng latest na ganito o ganyan. Tapos may horror. Yung clown nakakatakot ang hitsura kasi amoy anghit at parang pedophile na mahilig sa bata. May insidente pa ng food poison na talaga namang makatindig balahibo. May romance. Pagkatapos ng inuman, natural may bakbakan sa kama, at madalas may kaso pa ng rape. May comedy. Tatabunan ng ilang tarpaulin ang ilang pader ng bahay na may nakakatuwang pagmumukha na idinikit sa paboritong cartoon character. Tapos sisigaw yung magulang ng “papasukin mo na ang mga bisita para makakain na” pero parang pila sa lotto ang senaryo ng kainan. Dagdag mo pa ang ilang taga-konsumo na maya’t maya ang balik sa mesa. May action. Dahil kaakibat ng inuman-con-videoke ang away, normal ang may rambol. Violence. Duguan ang ilan na parang character sa Resident Evil matapos ang rambol. Religious. Marami ang nagdadasal sa tuwing may nadadala sa ospital matapos ang rambol. Panalo.

At bakit nga ba nagsasaya ang isang tao tuwing birtdey niya? Bakit simbulo lagi ang spaghetti at cake. Wala pa kong nadaluhang birtdey na main course ang turon o sinigang na hipon. Ano ang sinisimbulo ng pulang damit tuwing birtdey? Mas maraming swerte? Ano ang meron sa 18 candle? Sa debut? Birthday song? Bakit ka nagwi-wish matapos mong i-blow ang candle? Taon-taon mo itong ginagawa, ano nangyari sa wish mo?

Pero pasalamat na rin tayo at naimbento pa ang salitang birtdey. Dahil isa ito sa naging holiday ng Pinas na marami ang nakikinabang, lalo na sa araw ng sahod. Mano man lang makatikim ng double pay paminsan-minsan, o 30% more sa dakila nating salary minimum wage(s).