Ganito Kami Noon, Paano Na Tayo Ngayon?
Isa ka din bang pinanganak nuong 80′s? Ako oo. O wag mo nang bilangin edad ko. Noong elementary ako, napaka simple lang ng buhay. Madalas kong laruin nuon ang dampa, jackstone, chinese kingkong, chinese garter, Sun Moon Earth at ang magpadulas sa railings ng hagdan. Ang bigtime na bata nuon ay ang mga kaklase kong may bag na set. Yun bang terno niya yung lunch box, bag at yung mug niya. Tapos yung bata na may pencil case na baligtaran. Tapos yung lapis sa loob tumatayo pag binubuksan yung takip, tapos may pantasa sa gilid ng pencil case. Tapos may mga buttons pa siya na biglang susulpot yung magnifying glass at ruler sa gilid. Tapos may libre pang laruan, yung parang maliit na bearings na ishushoot mo sa butas. Tapos ang bag niya mabango kasi tad tad ng kisses na nanganganak daw. Yan ang sosi sa bata nung panahon ko. Napaka simple kung ikukumpara mo sa sosi na bata ngayon. Pag wala kang PSP o iPhone o Blackberry, wa-class ka na. Pag hindi mo alam ang usong Online games, hindi ka in.
Nung high school ako hindi pa uso ang cell phone. Nauso ang beeper nuong 3rd year ata ako. Then 4th na nung nauso ang 3210. 3 lang sa classroom namin ang meron nito. Ngayon siyempre pabonggahan na din ang mga bata. Pati mga laptop uso ngayon at Tablet. Capsule na lang ang inaantay ko mauso ngayon eh. Nuon kung may computer ka sa bahay, bigatin ka na. Pag ang project na ipinasa mo ay type written, bongga ka. At kung may dot-matrix ka na printer, super sikat ka na. Ngayon kailangan mo nang lahat ng Apple products para bongga ka. Lahat ng nagpapapicture kailangan humarap sa salamin para makita yung mobile na gamit nila. Or kailangan nilang ipost ang screenshots ng desktop nila para makita na Mac ang OS nila. Walang masama kung meron ka nang mga gadget na ito pero aminin mo na kung dati ay wala ka nang mga yan at bigla kang nagkaroon, di ba sumikat ka din sa klase lalo na kung yung mga kaklase mo eh tatawagin ka para sabihin syo “uy, patingin naman”.
Ngayong married na ako, malaki na din ang nagbago sa mundo natin kumpara nuon sa panahon ng mga magulang ko. Nuon sa isang tahanan pag may linya ka ng telepono bongga yun at mas magiging bongga pag may encyclopedia sila sa bahay. In din nuon ang VHS Player at siyempre hindi mawawala yung VHS Rewinder na da best kung hugis kotse pa. Hanep din nuon ang mga kubyertos, plato at baso na gawa sa tupperware. Ngayon da best ka kung may microwave kayo, aircon na kung kumain ng kuryente parang si pacman lang, bluray player, 3d tv, at kung ano ano pang mamahalin na alam nyo ngayon. May washing machine na nuon pero mas da best yung ngayon kasi automatic na. Ilagay mo lang ang sabon at fabric softner, siya na bahala sa damit mo. At kita mo naman, pag katapos eh halos tuyo na ang damit kasi walastik ang dryer mo.
Pero para sa akin, iba pa rin yung nuon na mas simple lang. Ako nuon nagpupuyat ako para mapaganda ko lang ang project ko. Ang project ko pa ay may lettering ko kasi may typewriter kami kaso electric, nagagalit mama ko pag nauubos ko yung ribbon. Tapos madami akong klaseng designs sa project ko. Meron akong border ng mga bulaklak or bamboo design or bobwire design or pag tinatamad ako eh susunugin ko na lang yung gilid nung “KOKOMBAN” para may design agad. Pag uwian tumatambay ako sa library para mag research. At aaminin ko sa inyo na mas may natatandaan ako nung nagreresearch ako sa library kesa sa net ngayon. Ngayon kasi ang dali eh. eto steps:
1. igoogle ang hinahanap
2. open word
3. copy and paste
4. change font design and color
5. print
6. ipasa mo na
Ang dali di ba.
Kahit sa mga kagamitan sa bahay mas gusto ko pa din yung nuon. Nuon naaalala ko pa yung saingan na palayok. Hindi ko alam kung anong meron pero ang sarap nang kanin na isinaing sa palayok na nilagyan pa nang tanglad. Tapos yung lalagyanan ng tubig, yung kapareho din ng palayok na gawa sa clay, ang lamig ng tubig na galing dun as in. At ang pagkain sa dahon ng saging ay da best kumpara sa mga mamahaling plato ngayon.
Karamihan ng mga gamit na naiimbento ngayon ay para mapadali ang ating mga gawain. Sa damit lang eh, ang damit nuon patong patong ngayon paiklian na. Siyempre para daw mas mabilis masilipan at mas mabilis mahubaran. Ang microwave ay ginagamit para mapabilis ang pagiinit ng mga pagkain kasi kadalasan na frozen foods or mga left over ang kinakain natin kasi sa sobra nating busy. At sa sobrang busy, mas madalas na ang social life natin ay ang social networking sites like Facebook. Hassle nga naman kung magkikita kita kayo ng tropa mo tapos onti lang budget mo. Sa fb, or skype, ilang oras mo na silang kausap eh wala ka pang ginagastos kundi yung internet nyo lang. Pag ginutom ang isa eh kanya kanya kayong kuha ng pagkain habang busy kayo na ka-chat ang isa’t isa. Masarap gumala kung may pang-gala ka di ba. Pati pictures post mo lang sa fb ok na. Hindi mo na kailangan na pumunta sa studio para magpapicture at hindi mo na kailangang magtago ng negative para ipa print ulit ito next time kung maubos ang pictures mo na may dedication sa likod. Pati pagshoshopping madali na din. Usong uso ang online shopping. Hindi ka pa mapapawisan mamili ng kung ano mang naisin mo. May online schools na din, pati online jobs meron na din. Kung iisipin mo ay parang napaka dali na ng panahon ngayon. Lahat ng bagay ay magagawa mo sa maikling panahon lamang. Pero bakit tila hanggang ngayon eh parang kulang pa rin tayo sa panahon at oras kahit na meron na tayo ng lahat ng mga bagay na makakapagpadali ng ating mga gawain? Ang 2 days off ay parang ang bilis lumipas nang hindi mo man lang nararamdaman. Ang pasko na parang kailan lang dumaan tapos bukas pasko na naman. Parang last year ka lang nag 18th birthday tapos bukas 30th birthday mo na pala.
Lumilipas ang panahon pero bakit parang wala tayong napahalagahan sa mga araw na nakalipas? Bakit nuon ang mga litrato nila lolo at lola ay napakahalaga kesa sa mga litrato na naglipana ngayon (lalo na ang mga litrato na malalaswa na madali mo nang makita kahit saan). Bakit kaya mabilis ang pagtanda ng tao ngayon pero parang mga wala namang pinagkatandaan? Bakit ang mga bata nuon ay mas mahusay, mas magalang at mas may respeto kesa sa mga bata ngayon na sagana naman sa mga luho, edukasyon at karangyaan? Bakit kaya ang mga magulang nuon ay may mas maraming oras sa mga anak nila upang sila’y gabayan pero sapat naman ang sahod kumpara sa mga magulang ngayon na busy sa pagtratrabaho para sa kakarampot na sahod na babawasan pa ng gobyerno at ang kapalit ay ang kawalan nag oras sa pamilya? So tanong ko lang, nakatulong ba lahat nang mga bagay na binago para sa kinabukasan natin? Hindi kaya tao ang dapat baguhin at hindi ang mga bagay na nasa paligid natin?
©Copyright 2012, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.




Nakakatulong din naman talaga ang teknolohiya sa atin, kanya nga lang… depende pa din talaga sa tao kung papaano niya gagamitin ito… sa halip na tayo ay umunlad sa mas mataas na kaisipan, kadalasan eh nalilinlang at nasisilaw tayo sa kapangyarihan na nakukuha natin mula dito.
Maswerte ang mga kabataan ngayon, halos lahat ay abot kamay na nila… siguro ang responsibilidad pa din talaga ay nasa atin din… Kinakailangan talagang gabayan natin sila kung pano nila malilinang ang mga ito.