Sa pinakamamahal kong ama (DR. RUBEN FAROL ABRENICA +),

Unang una sa lahat ay gusto kong magpasalamat sa iyong labis na pagmamahal at pagseserbisyo sa amin noong ikaw ay nabubuhay pa. Ikaw ay isang doktor ng medisina pero naging drayber sa aming limang magkakapatid. Hatid-sundo kami sa eskuwela. Maaga kang gumigising upang ipag- init kami ng tubig pampaligo. Sinasamahan mo si mommy sa umaga sa paghahanda ng aming kakainin bago pumasok sa school. Pinaglalaba mo rin kami at pinagluluto kung kinakailangan. Hindi ka nagreklamo ni minsan. Miss na miss ko na ang pag vivideoke nating dalawa. Ang pagmamasahe ko sa likod mo bago ka matulog. Ang pagdedate natin sa mall. Ang pagkakape natin sa starbucks. Miss na miss ko na ang pagyakap mo sa amin…miss na miss na kita daddy… Ang mga panahon na sinasalubong mo kami sa airport tuwing kami ay unuuwi galing ibang bansa. Kung pano ka umiyak sa aming pag alis… Ang lungkot sa tinig mo sa tuwing tayo ay magkakausap sa telepono…

Habang kami ay lumalaki, nakikita namin ang paglilingkod mo sa mga tao lalong lalo na sa mga kapos-palad na hindi kayang magpagamot sa ospital at hindi kayang bumili ng sariling gamot. Naaalala ko pa ang mga araw at gabi na may nagpupuntang mga tao sa bahay natin para magpatingin sa ‘yo. Hindi daw nila kayang magbayad sabi ng isa, pero hindi ka nag-atubiling gamutin sila at nung bago sila umuwi, dumukot ka sa iyong pitaka ng pera at iniabot mo ito sa kanila para may pambili sila ng gamot.

Hindi mo inisip magpayaman bilang doktor. Kung may nangangailan ng doktor sa isang medical mission, palagi kang nandoon. Ilang mga bata ang nabigyan ng libreng tuli…ang sabi ng mga kasamahan mo, hindi ka nagpapahinga at hindi kakain sa tanghali hangga’t may pila ng mga tao na gustong magpatingin. Hihingi ka lang ng isang tasa ng kape, ayos na. Minsan daw isang gabi, hinahanap ka nila upang ayain ng kumain ng hapunan, subalit hindi ka nila makita… Hanggang sa makita ka nila sa gitna ng bukid, sa ilalim ng puno at may hawak na flashlight habang tumitingin sa isang pasyente doon. Hindi ko alam kung san ka humuhugot ng pagmamahal sa mga taong nangangailangan. Yan din siguro ang dahilan kung bakit natuto kaming maging sensitibo at nagkaron kami ng pagtingin sa mga nangangailangan.

Naging huwaran sa amin ang pagmamahal mo sa Diyos. Ang paggising mo sa madaling araw para magbasa ng Bibliya at manalangin. Ang bawat panaghoy mo sa langit ay para pagpalain ang mga tao sa ating bansa. Kaya naman hindi rin kami nagtaka nang pumanaw ka na, na sa iyong burol ay hindi magkamayaw ang mga taong labas-pasok sa punerarya para masilayan ka sa pinakahuling sandali. Tumatangis sila sa iyong pagkawala. Nagpapasalamat sila sa pagmamahal na ibinigay mo sa kanila. Marami kaming hindi kilalang tao na nagbigay pugay sa iyo at nagbahagi ng mga kuwento sa kung paano mo sila natulungan sa isang parte ng kanilang buhay. Itinuturing ka nilang ama at kaibigan. Ipinakita nila sa ‘yo na kahit hindi man nila nasuklian ang kabutihan mo sa kanila, ibinabalik nila ang pagmamahal at paggalang nila syo.

Daddy, binigyan mo kami ng pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Hindi ka nagkulang sa pangaral sa amin. Hinangad mo ang pinakamabuti para sa amin. Sino ba ang makakalimot sa ‘yo? Walang araw na nagdaan mula ng ikaw ay lumisan na hindi ka namin naalala o naisip man lang. Nakakalungot ang mga araw na nagdadaan. Hindi kumpleto…laging may kulang… Wala ka na sa piling namin…walang sandali na hindi ko naisip na sana andito ka pa… Na sana panaginip lang ang lahat…na sana hindi no kami iniwan…Subalit gustuhin man namin na ikaw ay bumalik, alam mong nakita ng Diyos ang hirap at pagod mo, kaya’t binigyan ka na nya ng kapahingahan.

Sa ngayon, wala akong iniisip at pinakahihintay kung hindi ang muli nating pagkikita. Ito ang araw na pinakahihintay-hintay ko. Hintayin mo kami dyan sa langit daddy… Salubungin mo kami…Yakapin kami ulit…at kailanman ay hindi na magkakahiwalay… Mahal na mahal kita daddy…At hindi ako mahihiyang tawaging Daddy’s girl dahil kahit anong mangyari, ako pa rin ang iyong daddy’s girl…