Bawat isa sa atin ay may tinatawag na “greatest love”. Greatest love dahil kahit anong mangyari, hindi mo kayang bitawan ang damdaming kumabit ng kusa sa iyong pihikang puso. Hindi importante kung ubod ka man ng saya o animoy binaliktad na titik “U” na tinubuan ng muka. Ito ang “pinaka” sa pinaka, pinaka pa sa “true love”. Isang pagmamahal na ina-alay (o iaalay) natin sa taong napiling panain ng walang kupas na si kupido. At sa istoryang ito nais kong makilala nyo ang greatest love ko.

Nakilala ko sya sa kolehiyong aking pinapasukan. Malayo sa Piolo Pascual ng buhay nyo, o Justine Bieber ng mga amerikano. Hindi matangkad, tama lang sa Pilipinang katulad ko. Unang araw ng pagtatagpo, ngumiti ng abot anit ang mga mata ko. Hindi sa nakakatawa sya o ano man, pero alam mo yung pakiramdam na parang naging isip ang puso mo? Makulit yatang totoo si kupido, pinana agad ang puso kong romantiko. Hindi ito tulad ng crushes na tipong mas kilig pa sa Gabby and Sharon love team o kaya nama’y Kimerald (para sa batang henerasyon na mambabasa). Hindi rin yung tipong may pa iyak-iyak effect na na kasing melodramatic ni Popoy at Basha. At lalong hindi din yung tipong suicidal (emo lang?). Ito yung pakiramdam na kontento na ako kahit makita ko lang sya, nakangiti man o nakabusangot, kahit isang segundong sulyap mula sa kanya, ok na din. Ito yung pakiramdam na nagbibigay ng butterflies at kung ano anong ka echosan pag kausap sya. Minsan nga may floating hearts pa.

Lumipas ang mga araw, buwan, at mga bituin sa langit, naging magkaibigan kami. At oo, magkaibigan lang. Masaya na ako don. Pero mas sasaya pa sana kung naging mas higit sa kaibigan? Ngunit masaya ako at yun ang importante. Nakilala ko sya hindi lang bilang isang kaibigan, pati na din bilang isang anak at bilang isang kapatid. Tanggap ko ang mga kasupladuhan nya. May mga oras na ako’y napapansin, meron din namang mga oras na dedma lang, walang kamusta-tawa-paalam. Kahit nung i-delete nya ako sa bbm list nya, sa fb, ewan ko lang kung pati na din sa isip nya. Sa kadahilanang hindi ko mawari, minsan naiisip ko na ganon ba talaga ako hindi kapansin-pansin upang alisin na lang sa mga simpleng bagay na nagsisilbing linya ng aming komunikasyon? Babae din naman ako, may pride ding matatawag kaya naman hinayaan ko na lang si greatest love. May lungkot, may sakit at kirot sa twing maiisip ko. Pero ewan ko ba, sumasaya pa din ako. Kahit marinig ko lang sa kaibigan namin na ok sya, sakto na din sa pakiramdam. At ang pa minsan-minsang pangangamusta mula sa kanya, pampadagdag sa ngiting abot-anit. Alam mo yung tipong pag makikita sya ng kaibigan ko hihilingin ko pang titigan syang mabuti para sa akin. Kwento lang ayos na. AYOS lang talaga, dahil kahit walang “ako” at “sya” sa huli masaya ako. Mistulang pinadaan lang sya ni kupido sa buhay ko at pinalayas bitbit ang parte ng puso kong may tag na “greatest love” for free.

Hindi sya ang laman ng isip ko sa bawat segundo o sa bawat araw. Pero nasisigurado kong laman sya ng puso ko habang buhay. Kung may isang hiling akong nakahanda, iyon ay kung pwede bang maging clown ako ng buhay nya? Dahil masaya akong pasayahin sya kahit mahirap, alam kong may maskarang laging nakahanda upang itago ang luha mula sa puso kong masaya. Masaya akong mahalin ka, greatest love.

Enhanced by Zemanta