Photo credit: http://cdn5.wn.com

Good grooming.

Tinuturo yan, kahit sa elementarya pa lang. Kaya nga pag high school na ang mga bata, ayan na…ayaw nila pumasok ng hindi naka-pulbos, naka-gel at walang maayos na uniform. Nagdadalaga na kasi at nagbibinata. Marunong na manligaw ang mga boys at madami ng mga crushes ang girls. Dyahe sa kanila ang pumasok ng dugyutin sa school.Baka makita ni crush, ma-turn off pa sa kanila.

Pero paano kung ang isang high school na teenager ay galing sa isang mahirap na pamilya lamang? Na isang kahig isang tuka lamang? Na ang maliit na pera na hawak ni nanay ay sapat para sa pagkain lamang?

Nasa Guidance Office ako kanina at may kailangan kay Ma’am Castañeda. Busy si Ma’am. Pano, bukas ay exam na. Ang mga lalaki ay hindi pakukuhain ng exam pag hindi maayos ang kanilang buhok. Sympre, part ng good grooming yan. Ang daming mga boys ang nakapila kay Ma’am at nagpapa-check ng kanilang mga buhok. Yung isang bata na naka-salang kay Ma’am Castaneda, nagtaas ng kamay, humawak sa buhok niya. Muntik na akong matawa. Pinigil ko lang. Paano ba naman kasi, ang laki ng butas ng damit niya sa kilikili. Tinitigan ko ang bata. Tiningnan ko ang laylayan ng damit niya, puro tastas rin pala. Tiningnan ko ang pantalon, halatang luma na rin. Pag tingin ko sa may bandang ibaba, naka-tsinelas pala at halatang hindi nalilinisan ang mga kuko. Habang kausap siya ni Ma’am, nakatingin lang ako sa kanya. Hindi ko masyado naintindihan pero nabanggit ng bata ang katagang ito ng nakangiti:

“Wala na nga pera, eh”.

Hindi ko alam kung si Ma’am ang sinasabihan niya o yung mga kaklase na kasama niya na nagpapa-check rin para sa buhok nila. Nung patapos na siya, tinawag ko ang bata at nang humarap sa akin, nakita ko na mas malaki pala ang tastas ng damit sa bandang kanan ng balikat niya. Kinausap ko ang bata, tinanong ko ang pangalan niya, kung anong year level na niya at kung sino ang adviser niya. Magalang siyang sumagot at nagpaa-alam sa amin ni Ma’am. Sabay sabi sa ilang kasama niyang kaklase,

“Tara na, pasok na uli tayo”.

Nakamasid ako habang palayo siya. Naawa ako sa bata. Alam ko kasi na sa ganung edad, mahihiya na sila na pumasok na sira-sira ang damit. Pero yung batang yun, nagtitiis sa sira-sirang damit makapag-aral lamang.

Alam ko ang gagawin ko, maghahanap ako ng white t-shirt na pwedeng ibigay sa kanya. Kahit luma, basta hindi sira-sira, alam ko na matutuwa ang batang yun.

Kaso, pag-uwi ko dito sa bahay, wala akong mahanap na puting damit na pwedeng ibigay sa kanya. Tinext ko na asawa ko kung meron siya. Sabi niya, hanap lang daw ako sa cabinet. Kaso wala talaga akong makita.

Bibigyan ko siya ng white t-shirt. Hindi man bukas, hindi man sa isang linggo, alam ko na makakagawa ako ng paraan para mabigyan ko siya. Kahit luma, basta hindi sira-sira. Sa ganung paraan, pwede akong makabawi sa pigil kong pagtawa dahil sa nakita ko na ang bandang kilikili ng damit niya ay may malaking butas.

Enhanced by Zemanta