Walong taon na ang nakakalipas. Naalala ko pa after makagraduate ng college excited akong mag take ng board exam at maghanap ng trabaho sa Ortigas or Makati. Sa sikap at tyaga nagbunga ang aking paghihirap naging rehistradong arkitekto ako. Kaya nangarap ako na makapangibang bansa para matupad ang mga munting pangarap sa buhay.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana at nagkasakit ako;“tuberculosis” lang naman, oo “colored tv” ang biro sa akin ng mga office mates ko. Marahil sa sobrang sipag at dedikasyon ko sa pagtatrabaho kaya ko nakuha ang sakit na iyon. At yun nga ang sabi ng Pulmonologist sa Medical City, Ortigas. Stress daw kaya humina ang immune system ko kaya nagkaroon ako ng ganoong sakit. Akala ko pagkatapos lahat ng paghihirap, ganun ganun na lang mabubura na ako sa mundo. Yun pala nagagamot naman kailangan ko lang daw gamutin for 6 months. Nagpagamot ako at pagkatapos ng 6 months sabi sa akin ng doctor na may peklat pa daw or scar sa upper left part ng lungs ko. Kaya nagpatuloy ako sa pagpapagamot ng 3 months uli para daw mabura ang peklat. After 9 months, bumalik ako sa doctor at sabi sa akin hindi na daw mabubura ang peklat sa baga ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya humingi ako ng second opinion sa Lung Center of the Philippines. Pareho sila ng sabi 50/50 daw ang chance kong makahanap ng trabaho abroad lalo na sa Middle East. Kaya humingi na lang ako ng mga medical certificate na magpapatunay na wala na akong sakit.

Nagpatuloy akong mangarap na makapunta sa ibang bansa. Sabi ko sa sarili ko, di ako susuko, kailangan sumubok para malaman ang kapalaran ko. Nagkaroon ako ng opurtunidad na makapunta sa Middle East sa tulong ng isang kaibigan. Nilisan ko ang bayang mahal patungong gitnang silangan dala ang mga munting pangarap at mga inspirasyon sa buhay.

Nakarating ako sa ibang bansa na tinatago ang kaba at takot. Sa unang lingo pa lang ang dami ng job interviews hanggang matapos ang isang buwan puro job interviews, di kataasan ang mga job offer kaya patuloy pa din ako sa paghahanap ng magandang kumpanya. Hanggang natangap sa isang malaking kumpanya na pagmamay-ari ng mga Italyano. Sa unang pagkakataon ang ganda ng job offer nila kung sa peso humigit kumulang 115,000.00 pesos kada buwan ang sweldo walang kaltas sa kahit anong tax. Kaya nag sign agad ako ng contract sabi ko na lang sa sarili ko, Salamat Lord! this is it.

Ngunit, para makapag trabaho at makapag stay ka ng legal kailangan mong kumuha ng Residence Permit. Para makakuha nito kailangan maipasa mo ang medical tests which is blood grouping at chest xray. Nagpa-appointment ako at nung araw ng test nakita ko ang iba’t ibang lahi na kagaya ko na naghahangad din na makapagtrabaho ng legal. Syempre madaming Pinoy sa pila. After 3 days tinawag ako ng P.R.O namin, sabi may problem daw sa x ray. Kinabahan agad ako na totoo nga ang sabi ng mga doctor sa Pilipinas. Pero bumalik ako para sa re-xray daw. After 3 days uli malalaman ang result. Tinawag uli ako ng P.R.O may problema daw talaga sa result kaya bumalik uli ako ng limang beses, kinausap ko ang resident doctor na may dala akong mga certificate na magpapatunay na wala na akong sakit. Pero parang di ko naman sila naconvince hanggang sa dumating sa ika-anim na beses, lumabas ang final result na Chest XRAY : Abnormal, Unfit to work.

Hindi ko alam ang gagawin ko ng mga oras na iyon. Hanggang sa nabalitaan ko sa ibang mga kababayan na madami daw talagang bumabagsak sa medical test lalo na sa xray, yung iba pinapauwi na agad at yung iba kung may sapat na pera pwedeng mag apply uli ng bagong visa. Sabi ng isang kabayan na naka usap ko,yang chest xray panira ng pangarap dahil yung kapatid ko napauwi ng pilipinas na hindi man lang nasubukang matupad ang mga pangarap”. Yung isang ale ang experience nya yung asawa nya na deport din dahil sa chest xray.. may nakitang scar. Hindi lang sa mga Pinoy dahil ganoon din sa ibang lahi, once na may something na hindi clear or may history ka ng sakit sa baga di ka makakapasa. Mayroon ding iba na may kakilala sa loob na nababayaran para maipasa ang bumagsak na medical test yun nga lang kailangan mong maglabas ng malaking halaga at kailangan may kapangyarihan ang backer mo.

Sa kabutihang palad, naipaliwanag ko sa employer ko na wala akong sakit. Tinanggap nila ako, yun nga lang every 3 months lumalabas ako ng bansa para mag re-apply ng bagong visa para makabalik uli sa trabaho. Ngayon magaapat na taon na ako dito sa Gitnang Silangan sa ganoong scenario. Kaya tuwing naaalala ko ang mga oras na pinagdaanan ko sinasabi ko na lang sa sarili na lahat ng pagsubok natin sa buhay ay may kapalit na tagumpay basta huwag ka lang makakalimot magdasal sa kanya.

Sa kasalukuyan, tapos na ang kontrata ko sa kumpanya na tumanggap at nagbigay sa akin ng pagkakataon na tuparin ang mga munti kong pangarap. May job offer ako sa ibang bansa pero Middle East pa din. Susubok uli ako, dahil para sa akin bagsak man ako sa chest xray naniniwala ako na hindi masisira ang pangarap mo kung pipilitin mong abutin ito sa mabuting paraan at kasama ang Diyos na lumikha sa atin.