Home » CULTURE » Cultural Identity, CULTURE, HUMOR » Ilang mga Nakakatawa at Nakakaasar na Tagpo sa loob ng Jeepney

Ilang mga Nakakatawa at Nakakaasar na Tagpo sa loob ng Jeepney

Bahagi na ng mayamang kultura ng mga Pilipino ang jeep. Sa katunayan, hindi ka isang tunay na Pilipino kung ni minsan ay hindi ka nakasakay sa isang jeep! Kaya kung magpahanggang ngayon e hindi ka pa nakakatuntong sa loob ng isang jeep ay pinapayuhan kitang subukan mo na pagkabasa na pagkabasa mo ng artikulong ito. Hindi mo pagsisisihan.

Bilang isang estudyante, at bilang malayo ang bahay namin sa pinag-aaralan kong unibersidad, ay kinakailangan ko talagang mag-jeep araw-araw sa pagpasok at sa pag-uwi. Apat na jeep pa nga ang nasasakyan ko kada araw dahil dalawang byahe ang layo ng bahay namin sa eskwelahan. Magkaganun pa man, masasabi kong ang pagsakay sa jeep ang isa sa mga pinakamasaya, pinakakwela, at pinakanakakaasar kong ginagawa tuwing pumapasok. Bakit? Narito ang mga dahilan.

Tagpo # 1

Umaandar ang jeep. Halos walang sasakyan sa kalsada at mabilis ang takbo ng jeep. May paparang ale sa dulo na katapat ko.

Ale: Manong, para!

Driver: (dedma lang)

Ale: (mas malakas) Manong, para na po!

Driver: (dedma na naman. Bingi lang siguro)

Ale: (malakas, at nagagalit na) MANONG, PARA NA NGA!!!

Driver: (dedma pa rin. pagsabog na lang siguro ng bulkan ang makapagpapagising sa driver na ito)

Ale: (nanginginig sa galit, labas na ang mga ugat sa ulo, magiging kamukha na niya ang The Hulk) PARA NA SABE! PARA NA! PARA NA!

Driver: (matatauhan at mabilis na ipepreno ang jeep dahilan upang magkasubsuban ang mga pasahero)

Ale: (maluha-luhang bumaba ng jeep dahil napakalayo na ng bahay nila at kailangan mo pang sumakay ulit ng isa pang jeep dahil super layo talaga. bago tuluyang bumaba ay magbibigay pa ng sentimyento) !@#$%Z^& DRAYBER ‘YAN! BINGI!

 

Noong narinig ko iyon ay sumambulat ako sa kakatawa. Syempre, naawa rin naman ako dun sa ale na lumagpas ng pagkalayo-layo. Makikita mo talaga sa kanya ang matinding galit at naroon sa mukha niya ang ekspresyong nagsasabing, “babangon ako’t dudurugin kita!” Nagtataka naman ako kung wala ni isa mang pasahero sa loob ang naisipang ipara ang ale. At para naman sa drayber, hindi makasasama ang pagko-cotton buds araw-araw.

 

Tagpo # 2

Kaskaserong drayber na puro kabastusan ang kinukwento sa katabing kumpare. 3/4 ng jeep ay puno. Pumara ang isang grupo ng mga kabataan sa gilid ng kalsada.

Kinatawan ng mga kabataan: Ay, hindi po pala kami kasya.

Drayber: E !@#$%^& pala, papara kayo tas hindi naman pala kayo sasakay!

Kinatawan ng mga kabataan: E BULOL KA PALA E! HINDI NGA KAMI KASYA E!

Natameme ang drayber at kumaripas na lang ng takbo dahil sa pagkapahiya. Buti nga sa kanya!

 

Tagpo # 3

Pasahero 1: Makiki-abot ng bayad!

Pasahero 2: (nasa unahan, sa likod ng drayber. naka-shades at kuntodo make-up na parang sinampal-sampal na siya nina Jean Garcia at Princess Punzalan. dedma lang, text nang text)

Pasahero 1: Bayad nga! Makiki-abot na nga! (nangangawit na)

Pasahero 2: (itinago ang cellphone, dedma pa rin)

Pasahero 1: Miss, makiki-abot na nga.

Pasahero 3: (katapat ni Pasahero 2 at siyang nag-abot ng bayad)

Pasahero 1: (nagtaray kay Pasahero 2) Aba, kung ayaw mong nag-aabot ng bayad, huwag kang umuupo sa unahan!

 

Tama naman si Pasahero 1! Iyon lang ang nakakaasar sa ibang mga tao sa jeep, ayaw na ayaw mag-aabot ng bayad. Kala mong mga hari at reyna na hindi pwedeng hingan ng pabor. Hello??? Nasa loob kaya sila ng jeep na isang pampublikong sasakyan. Syempre, natural lang ang abutan ng bayad.

 

Tagpo # 4

Dadaan ang jeep sa isang kanto. Mula sa kaliwa ay bigla-biglang lilitaw ang isang van. Buti na lamang nakapagpreno agad ang drayber kundi ay baka maya-maya ay ibinabalita na kami sa TV Patrol. Magbababa ng bintana ng van at hihingi ng sorry ang drayber nito.

Drayber ng Jeep: !@#$%^& AATEND KA NG MGA SEMINAR HA! MUNTIK NA KAMING MAMATAY!

 

Kahit isang seryosong bagay ang pinagdaanan namin ay hindi ko pa rin napigilan ang matawa dahil sa sinabi ng drayber na “umatend ng seminar”. As in matatawa ka talaga.

 

Pero bukod pa sa mga iyan, nakakaasar din iyong mga taong ayaw umusog. ‘Yong tipo bang kuyukot mo na lang ang nakakaupo e sila, ayaw pa ring umusog. Aba, aba, teka, arkilado nila ang jeep? Doble ang binayad nila? For sure, sa mga sumakay ng jeep, naranasan niyo na rin ‘yan.

 

Tagpo # 5

Magkasintahan sumakay ng jeep. Magkaholding-hands. Nang umupo ay sumandal si girl sa dibdib ni boy. Hinahalikan naman siya ni boy sa pisngi habang pinadadaan ang kamay niya sa buhok ni girl. Tawa pa sila nang tawa habang lalo pa nilang ine-exaggerate ang pagpi-PDA nila.Wala sila keyr kahit pinagtitinginan sila ng mga nakasakay.

Drayber: (nasilip sa salamin ang ginagawa ng dalawa, conservative ata) HOY, SA HOTEL KAYO MAGLAMPUNGAN!

 

Ito rin ang ilan sa mga nakakaasar at nakakatuwa sa loob ng jeep. ‘Yong mga magsyotang hindi na lang “affection” ang pina-public display nila dahil konti na lang, magiging porn na. Kung sa teleserye natin mapapanood ang mga ganyan, baka kiligin pa tayo, hindi ba? PERO SA LOOB NG JEEP NA SINASAKYAN NG MAHIGIT SA DALAWAMPUNG KATAO??? Aba, mahiya naman!

 

Isa rin sa mga masasayang tagpo sa loob ng jeep ay iyong kasama mo ang mga kaibigan mo at magkakasabay kayong papasok. Syempre, nariyan ang walang katapusang kwentuhan, harutan, kantiyawan at tawanan. Nariyan pang maghahanap pa kami ng mga gwapo (para sa mga babae at bading kong kaibigan) at magaganda (para naman sa’kin. he he he) na kasabay namin. Kapag may nakita kami, susunod ang mga harutan at sundutan sa bewang kasabay ng pagkanta ng Jeepney Lovestory ni Yeng Constantino. Wala kaming pakialam kahit marami kaming kasabay, ang mahalaga’y nagkakasayahan kami. Kaya naman sa mga nainis sa’min dahil sa pag-iingay namin, patawad po.

 

Minsan din, ang jeep ang magiging daan upang magtagpo kayo ng crush mo. Naalala ko no’n nang makasabay ko ang crush kong TLE major, halos dumausdos ako sa upuan ko dahil sa kilig. Feeling ko tuloy, bumalik ako sa pagkahayskul. Katapat ko siya no’n at nag-aalinlangan pa nga akong tingnan siya dahil baka lumingon siya sa’kin at magtama ang aming mga mata (katulad sa mga pelikula at teleserye) at HINDI KO ALAM ANG GAGAWIN kapag nangyari iyon. Baka tuluyan na kong mahulog sa upuan at gumulong-gulong palabas ng jeep.

 

Tunay ngang napakasaya, at kung minsan naman ay nakakaasar, sumakay ng jeep. Naranasan mo na bang nakabukas ang mga bintana ng jeep at mabilis ang takbo nito na hinahangin ang buhok mo na feeling mo tuloy, nasa America’s Next Top Model ka? O kaya naman, naranasan mo na ba ‘yong napakalakas ng ulan sa labas at nasa dulo ka, pinagmamasdan mo sa pintuan ng jeep ang nakaka-emong patak ng ulan.

 

Hay. Kung hindi mo pa nararanasan ang mga iyan, lalo na yung mga nabanggit sa itaas, ay kinakaawaan kita. Pero hindi pa naman huli ang lahat. Sumakay ka ng jeep! Napakarami d’yan sa labas. Mag-abot ka ng bayad at umusog ka kapag may sasakay ha. At higit sa lahat, pumara kapag bababa na. Mahirap ang lumagpas sa pupuntahan.

 

 

[Please follow my blog! http://sinosikp.blogspot.com/]

 


©Copyright 2012, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


Author: sinosikp

Si KP, dahil minsang pinangarap maging isang guro at maging bida ng isang klasrum, ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education major in Filipino sa Bulacan State University. Nag-aral din siya ng isang taon sa Baliuag University sa kurso ring BSEd ngunit walang major. Hindi naman sa pagmamayabang ay may talento rin si KP sa pagsusulat kaya naman kinapalan na niya ang mukha at sumali sa ilang pampaaralang paligsahan sa pagsulat na ang ilan, sa awa ng Diyos, ay napagwagian niya. Bukod pa roon, siya ngayon ay sumusulat ng isang nobela. Minsan din siyang naging mamamahayag no'ng hayskul. Nakapagsulat na siya ng mga sanaysay, maikling kwento, dula, at tula.

Website - Facebook - More Posts

You may also like:

20 Responses to Ilang mga Nakakatawa at Nakakaasar na Tagpo sa loob ng Jeepney

  1. basta jeepney driver sweet lover!, barya lang po sa umaga!, at no id no discount many more….. ito lang naman ang mga mababasa mo kapag sumakay ka ng jeep. haha tallagang hindi mo makaklimutan! KAYA SAKAY NA BYAHE TAYO!

  2. Your blog is very catchy and funny! :)
    Anyone can relate.

  3. may mga times na talaga namang nakakainis sumakay sa jeep lalo na kapag late ka na tas punuan parati ang dumadaan. so pipilit ka nalang sumakay kahit siksikan, tas yung mga nakaupo parang mga hari at prinsesa ayaw umusog kahit nakikiusap ka na usog ng konti. buti nalang si manong driver mag ppreno bigla at chance ko na ito para mausog ang pwet ko!kasya naman pala!lol

  4. Nakakaloka! Hahaha. Tawa ako ng tawa habang binabasa ko toh, mukha akong tanga dito sa office. Nice one! Ang galing naman ng pagkakasulat, and nakaka-relate ako. =)

  5. Very well said brader!! nadali mo ng malupit ung mag tunay na nangyayari sa jeep. Di ka tunay na noypi kung hindi ka marunong sumakay ng jeep. badtrip din ung mga barker ng jeep na nagpupumilit na kasya pa daw kahit para ng sardinas ung mga pasahero sa sobrang siksikan. Nice one!!

  6. naku po kulang pa Ginoo may nakaligtaan ka (nakaligtaan talaga?)hahaha
    yong nakakainis na driver na hinto ng hinto at pick up ng pick up ng pasahero. yong tipong lahat ata ng kanto eh hihintuan!aba eh kahit gaano kapa kaaga umalis ng bahay kung ganitong jeepney driver masasakyan mu malalate ka talaga. :)

  7. sarahjanebanzuela

    nakakatuwang isipin na sa pagsakay lamang sa jeep ay marami ka nang pwedeng maexperience… pwedeng nakakatawa, nakakalungkot, nakakatakot at pwede rin na wala lang. pagkatapos ko mabasa ang blog na ito, ang daming memories ang bigla kong naalala, isa na rito ay nang ako ay nakatulog sa jeep habang papauwi na galing school, ako ay nakaupo sa dulong upuan, malayo kay manong driver at nang ako ay naalimpungatan bigla akong bumaba, at nang makita ko na hindi pa pala dun ang tamang lugar para ako ay bumaba, sumakay ulit ako, buti na lang at traffic at hindi napansin ni manong driver ang ginawa ko. napahiya man ako ng bahagya sa ibang taong nakasakay ko, binalewala ko na lang ito at tinawanan ang pangyayari. isang leksyon ang tumatak sa akin, ito ay wag matutulog nang wala kang kasamang kakilala at hindi masamang magtanong kung hindi ka sigurado kung nasaang lugar ka na. :)

  8. nakakatawa talaga. haha. araw araw na sumasakay ako sa jeep. iba ibang eksena ang nagaganap. I’m proud to be a filipino. the best toh.

  9. This blog truly made me laugh.. ahahha! sobrang nakakarelate ako. Everyday akong pumapasok sa school 2 jeep sasakyan ko papuntang at 2 jeep pauwi sa bahay. honestly lahat ng nabasa ko dito naeexperience ko daily. matatawa ka na lang sa pagkainis at masasanay ka na lang sa mga eksena sa jeep na maeexperience mo. Isa na sa mga tatak ng Pilipinas ang jeepney kaya’t ang mag foreigner na nakakapunta dito sa bansa natin ay hindi pinapalagpas ang pagkakataong makasakay dito, and with that I am truly blessed to be a Filipina..

  10. You had just expressed the feelings I used to had in riding a jeep daily. wahaha. super liked it. :) )) Tunay na pang noypi lang ang mga ganyang eksena. Masayang parte din ng araw araw ko ang pag sakay sa jeep, kasama na yan sa daily routine naten, in such a way masaya din talaga sumakay ng jeep you had alot of things to see that might make laugh! hahaha. A big hand for you! :D

  11. “isa akong tunay na Pilipino!”:)
    Kasama na sa daily life ko ang pagsakay sa jeep.
    Habang binabasa ko yung blog mo, naalala ko yung mga same scenario na nararanasan ko pag sumasakay ako ng jeep. Yung mga ibang scenario nakakatuwa na at the same time my lesson pa! :)

  12. nakakatuwa naman… nakakamiss tuloy ang pagsakay sa jeep. wala kasing jeep sa lugar ko ngayon. naranasan ko karamihan ng mga tagpong sinabi mo, di lang sa jeep… sa bus, sa fx, sa tricycle, pati yung PDA, except the hold-up. nawa wala naman at hindi ko rin yun pinangarap..

  13. sino na holdup? hahahaha

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>