Handang isakripisyo ang sariling buhay,
lumuha ng katagalan at masaktan
para sa liwanag at kapakanan ng nakararami..

Naranasan mo na bang ibigay yung buong buhay mo, para sa kapakanan ng ibang tao? Kaya mo bang pagsabay-sabayin yung hirap, pagod at sakit? Kaya mo bang isakripisyo lahat ng kasiyahan at maging pagkatao mo, makita mo lang silang masaya? Kaya mo bang magtiis ng pangungulila, umasang balang araw, mararamdaman mo rin ang ilan man sa pinaramdam mo sa kanila. Yung ipagtanggol ka kahit ba alam mong hindi nila kaya, yung mag attempt lang ba.Yung maranasan mo kung gaano ka kahalaga, kung gaano nila iniingatan yung pwede mong maramdaman. Yung dahil sa desperado kang maramdaman yun, kahit attempt lang gawin nila kontento ka na.

Bakit nga ba? Bakit nga ba nabubuhay ako para sa ibang tao? Sa mga taong hindi ko tiyak kung hanggang kailan mananatili sa buhay ko. Ilang sakit na rin. Ilang sakripisyo na rin, pero hindi ako nagsasawang magmahal, magpahalaga at irespeto ang nararamdaman ng bawat isa. Tipong una pa lang alam mo ng masasaktan ka lang, but you stil give the best shot, kasi gusto mong makapagpasaya, kasi ayaw mong may mabigo.

Naranasan mo na bang maglingkod at ibuhos lahat para sa ikabubuti ng nakararami pero tanging panghuhusga at masasakit na salita ang nakukuha mo sa kanila? Nakakasama ng loob hindi ba? Pero sa kabila ng lahat, pinipili mo pa ring irespeto ang bawat salita nila kasabay ng paniniwalang ikaw lang sa sarili mo ang nakakaalam ng lahat ng ginagawa mo.

Eh ang maging Ama ng maraming beses, magpalaki ng bata, at kunin ito sayo? Naranasan mo na ba? Naranasan mo na bang maging masaya dulot ng ngiti ng mga batang tila nagsisilbi mong lakas sa lahat ng oras? At paglapit ng loob mo ay sya ding paglayo ng pagkakataon sayo. Gaano nga ba kasakit mawalan ng mga anghel? Para mo na rin sinabing ang tatlong patong ng buhay mo’y pinagkait sayo.

Ang mawalan ng magulang na katuwang at nagsisilbing pananggalang sa lahat ng aspeto ng buhay mo. Magulang na walang hindi hinangad para sa ikabubuti mo. Ina na nagsilbi mong matalik na kaibigan, tagaluto, tagapag alaga at tagapag asikaso san ka man mapunta, at sa lahat ng nakasanayan mo, hindi mo na naisip, na isang araw, gigising ka na lang na wala ng gagawa nito sayo.

Bunga ng lahat ng ito, nabago ang paguugali ko, naging hayok ako sa atensyon ng iba, o yung sinasabing papansin. Hindi dahil sa yun ang layunin mo, sadyang nangungulila ka lang sa mga taong nagparamdam at gumawa sa iyo ng mga bagay na ito.

Sa loob ng 3 taon, magisa kang namuhay. Bawat problema,mag isa mong dinadala, yung tipong pag-uwi mo, uupo ka na lang at papatak ang luha sa mga mata mo, walang isang salita ang makakapag paliwanag ng tunay na nararamdamn mo. Hanggang sa may darating at magpapabago ng lahat ng ito..

Naranasan mo na bang magmahal ng milya milya ang layo? Gumawa ng memories sa pamamagitan lamang ng telepono? Ikwento ang bawat nangyayari sa buhay nyo sa pamamagitan lamang ng litrato kasabay ng mga videong nagpapawala ng lahat ng iniisip mo? Maaring mahirap, nakaka pangulila. Kung tunay kang nagmamahal, hindi mahalaga ang pagitan, kundi kung paano kayo lalaban sa kabila ng kalayuan.

Pero wala na sigurong sasaya pa sa karanasang mahalin ka ng taong mahal mo sa kabila ng maraming kakulangan. Intindihin ka hangga’t kayang maunawaan, sabay na pagaralan ang hindi alam, at labanan lahat ng may tiwala’t pagmamahal. Maaring hindi perpekto, kaya nga ang tanong, hanggang san ka ba tatagal? Hanggang kailan mo kayang tanggapin lahat ng differences? Hanggang kailan mo sya mamahalin? Ito na siguro ang pinaka madaling tanong sa taong tunay na nagmamahal.

Hangga’t nasa tabi kita, hangga’t mahal kita, sa lahat ng pagkakataon, iintindihin, mamahalin, irerespeto at bibigyang pansin ang lahat ng meron ka’t wala ka. Hindi sa tagal o sa dami ng nagagawa nasusukat ang lahat ng ito. Hindi naman natin kailangan ng taong iintindihin lang tayo. Maswerte ako, na may mga pagkakataong hindi nya ko naiitindihan, pero ni minsan hindi sya nawala.

Mahirap  ang buhay. Pinapadali lang ng mga taong may pakialam sa nararamdman mo. Isa lang ang buhay, sakyan mo na ng patas at may pagmamahal. Bawat araw, iparamdam mo sa kanila kung gaano sila kahalaga sa buhay mo. Mas masayang lumisan ng walang pinagsisisihan at mabuhay ng may kaligayahan.

Marami pang problema.
Marami pa rin bukas at pagkakataong maaaring mapasayo.
Kung hahayaan mo.
Kung gugustuhin mo.
Kung hahawakan mo.
Dahil ang mga ganitong karanasan.
Bihira lang ang nabibiyayaan.