“Mag-ingat sa mga asal talngka,hihilahin ka nila pababa.Namamato pag ika’y hitik na hitik sa bunga”

 

 

Malimit kong marinig ang kantang iyan sa radyo,yan ay isang awitin patungkol sa mga taong inggitera at ayaw palamang sa kapwa.Sila ang mga taong pag naamoy na ikaw ay umaangat ay pilit kang hihilahin pababa. Lahat ng pwedeng ibato ay ipupukol sa iyo malaglag lang ang mga bunga ng iyong pinaghirapan.

 

Akala ko noon sa Pinas lang nangyayari ang “Crab Mentality” na tinatawag. Pero hanggang dito pala sa ibang bansa ay dala-dala at bitbit din sa maleta ng mga kapwa ko OFW ang kanilang masamang pag-uugali galing sa ating bayan. Iba’t ibang anyo ng mukha na ang aking nakita at nakasalamuha dito sa Abu dhabi. Ang ilan ay kabilang sa mga akala mong kaibigan ngunit pag nakatalikod ka ay kung anu-ano na ang maririnig mong paninira at pagyurak sa yong pagkatao na akala mo naman ay napakalinis nilang tao para magsalita ng masama laban sa kapwa. Matamis na ngiti ang ibibigay sa yo sa tuwing makakasama mo ang mga ito pero sa kalooban ng puso ay puro inggit at selos dahil sa mga nakakamtam mo sa buhay.

 

Pilit mo man hakbangin ang iyong tagumpay ay nariyan ang kanilang mahahabang sipit na nakahandang pigilan ka at hatakin paibaba. Ang masklap pa nito matapos kang ibagsak ay aapakan ka pa nila, gagawin ka nilang tuntungan upang maiangat ang sarili. Balewala sa mga ito kung may mga tao silang masasagasaan o masasaktan. Ang puso nila ay binalot na ng samu’t saring inggit at kasakiman, anupa’t pati ang pagkatao mo ay kaya nilang paglaruan sa paggawa ng mga kwentong sisira at gugulo sa nanahimik mong buhay.

 

Sila ang mga taong di matahimik hangga’t di ka nila nakikitang bumabagsak at naghihirap. Mga taong makasarili at walang sinasanto kahit ano pa ang posisyon o estado mo sa buhay.

 

Kaya mga kababayan ko dito sa ibang bansa, MAG-INGAT KAYO SA MGA TAONG ITO! Wag nyong hintayin mabalewala ang bunga ng mga pinaghirapan nyo dahil sa isang taong punong puno ng inggit sa natatamasa nyo. Maging alisto at mamili ng kaibigang pakikisamahan.Dahil dito sa abroad,walang permanenteng kaibigan lalo na kung pera at materyal na bagay ang pinag-uusapan.Nagkalat na ang plastik sa mundo,ang mga ito ay di nabubulok at nakakasira di lang sa kapaligiran kundi pati sa ating lipunan.

 

At sa mga taong mahahaba ang dila at sipit,kasabay ng pagbabago ng taon ay pinapanalangin ko sa Diyos ang inyo rin naman pagbabago at nawa’y ang kapayapaan ng pag-ibig ng Diyos ang mamalagi na sa inyong puso.

HAPPY NEW YEAR SA INYONG LAHAT!!!!