Hmmm… narinig ko na ito. Di lang isang beses. Marami na. At marahil dahil kabilang din ako sa kategorya ng bagong bayani, madalas na rin akong sabihan ng ganito – pati ng kapwa ko OFW.

Pano nga ba naman di masasabihang mayabang?  Tuwing uwi, merong bagong damit, bagong appliances, bagong sapatos, bagong cellphone, bagong laptop and take note, meron na rin Tab. Lahat ng latest gadgets meron si OFW… no wonder, mayabang!

Isipin muna natin, talaga nga bang mayabang? Eto ang mga scenario:

 

Scenario sa airport:

Pagdating sa airport, pusturang pustura na.  Me hepatitis na sa lapad ng gintong kwintas na nakasabit sa leeg nila.  Sa gate, isa isa ng nilalabas ang mga gadgets na dala – digicam (picture-aking muna syempre), laptop (macbook actually) kasi merong free wifi sa airport.  Pero masyadong mabigat ang laptop, blackberry na lang o kaya iphone (or ipod touch) na lang para di bulky.  Nagtatawagan na para ikumpirma na susunduin sila sa airport ng mga mahal nila sa buhay. Then, off to the plane.

 Paglapag ng eroplano, malayo pa lang, di pa man nakakarating sa immigration, alam mo na ang mga OFW. Kasi, bago dumating sa immigration, daan muna ng duty free para bumili ng imported chocolates (each bag is worth US$33) at alak na worth US$100 (3 bottles lang ha) na talaga namang binili dahil me kasama itong trolley bag. Samahan mo pa ng sigarilyo. Di lang yun, ang pambayad syempre dollars din.  No wonder madalas target ng mga airport employees.

 Sa customs, kelangan i-declare mo lahat ng dala mo. Okay lang naman. Pero kung bago ang gamit na dala mo, kelangan me receipt at magbayad ng tax (custom tax).  Kadalasan, ang mga inuuwing gamit or appliances puro gamit na. Syempre, kelangan i-check kung gumagana sabay gamit na rin di ba? heheheh!

 Pagdating sa labas, nandyan yung mga di magkanda-hulog at nagkukumahog na magtutulak ng trolley para pagdating sa baba (waiting area), baka sakaling maambunan naman daw ng biyaya (pangkape man lang). Di kaya pinupulot ang pera sa ibang bansa?

 Sabi nga ng nanay ko, “mahirap kayang mag-is-is ng kubeta ng bahay ng ibang tao.” Pero ginagawa yun ng isang OFW.  Kelangan kumita ng pera eh.

Scenario sa baryo:

Eto na, nakarating din sa wakas sa bahay.  Alam na ng buong baryo na dumating ka na. Araw-araw me bisita, nagpaparamdam kahit yung mga hindi mo naman masyadong ka-close para makahirit daw ng utang. Kesyo dumayo pa sila mula sa probinsya, nanghihingi ng pamasahe. Minsan pa nga, me nakapagsabi sa kaibigan naming “Ineng, baka meron kang pinaglumaang ginto?” Ano!  Naluluma na pala ang ginto… hahahha!

Ang masama pag tumanggi ka sa mga hirit nila, sabihan ka nila “mayabang”… “akala mo kung sino.  Nakarating lang ng ibang bansa…etc.”

Syempre di maiwasan ang family time – in the mall. Nandyan din yung halos araw-araw nasa mall, bili ng kung ano-ano. Hayyy! Nakakapagod kaya yun.

 

Bilang isang OFW, aminado ako, ngayon ko naranasan na makamit lahat ng materyal na bagay na dati hiling ko lang. Ngayon ako nakakabili ng sarili kong mga gadgets na kahit paiyak kong hinihingi sa mga magulang ko, eh di nila maibigay. Sabihin na nating ngayon ako bumabawi.

Pero lahat yun, pinagsikapan kong makamit. Nagtrabaho ako para mabigyan ang sarili kong kapritso. Di ako umasa sa iba na ibigay ito sa akin, dahil wala namang gagawa nun kundi ako lang.  Di pinapala ang pera sa ibang bansa, pinaghihirapan din ito.

Gayunpaman, sinisikap ko na wag magdamot. Pero nawa maalis na sa mga nasa pinas na ang OFW mayaman.  Mayabang man sila, yun ay dahil ngayon lang din sila nagkaroon. Pinagsikapan din nilang makuha iyon. By gives pa nga yung iba (utang na naman). Alam ko, mayabang pa rin ang dating.

Ganito na lang, isipin natin. “Wala tayong makukuha kung di natin pagsusumikapan”. Di tayo magkakaron kung di tayo magtatabi o maglalaan para sa pangangailangan o sa kapritso.

Ganun din si OFW.  Kahit anong yabang nya pa. Lahat ng meron sya, dugo at pawis ang pinuhunan nya. Ilang puyat at sakripisyo din ang ginawa nya magkaron lang sya nun. I-guide na lang natin si OFW, sa mga tamang paraan ng paglustay nya ng pera.

It still depends on how you spend and what you spend. Do you really need that much gadget? If not, maybe an OFW should spend on something worthwhile. Minsan kasi, kung walang magsasabi ke OFW ng dapat pahalagahan, di nya ito pagtutuuan ng pansin.