Sa panahon ngayon ang dalawang katagang ito ang palaging tinatanong sa karamihan, lalong lalo na sa ating mga kababayang nakapagtapos sa kolehiyo.Kung ikaw ang aking tatanungin ano nga ba ang iyong pipiliin? PRIDE o TRABAHO?
Marami sa ating mga kababayan ang nakapagtapos ng apat o limang taong kurso sa paaralan maging sa pribado man o public na paaralan,subalit bihira sa mga ito ang nagkakaroon ng magandang trabaho na base sa kanilang kursong natapos. Merong doctor,nurse, accountant, IT, Engineer, Guro at kung anu-ano pa na nauuwi lamang sa pagiging OFW.
Hindi ko ikinahihiya ang aking trabaho bilang isang OFW. Ako ay nagpapakahirap sa ibang bansa para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking pamilyang naiwan sa Pilipinas at upang  ang magkaroon ng magandang kinabukasan pagdating ng takdang panahon na ako’y magaasawa at magkakaroon na ng mga anak.
Isa ako sa ating mga kababayan na nakapagtapos ng apat na taong kurso sa isang pribadong paaralan sa Pilipinas subalit nauwi ako sa pagiging OFW o yung tinatawag na Au pair dito sa kontinyenteng Europa. Vacuum cleaner, Pamunas at mop… yan ang aking hawak dito sa ibang bansa imbis sana na ballpen at papel. Linis at sundo ng bata, yan ang aking trabaho imbis  na sa malalaking gusali at sa opisina nagtratrabaho at gumagawa ng office work.

Ms. o Maam ang itatawag sana akin kung sa Pilipinas ako nagtatrabaho, may maganda pa sanang uniporme, subalit lahat yan ay aking ipinagpalit kapalit ng mataas na sahod dito sa ibang bansa. Au pair man o helper ang aming trabaho, alam ko at alam nating lahat na mas mataas ang sahod sa ibang bansa kaysa sa ating bansa. Masakit mang isipin ang mapalayo sa magulang at mga kapatid o anak at asawa sa mga may mga sariling pamilya ngunit alam ko na mas nanaisin pa rin nating umalis ng bansa para makapag-ipon at mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya kapalit ang kalungkutan at paghihirap sa ibang bansa.
Bago ako nakarating dito sa ibang bansa, naranasan kong mahusgahan ng aking mga kamag-anak sa Pilipinas. Kesyo daw bakit pa kami nag-aral na magkakapatid e babae naman daw kami so useless lang daw ang aming napag-aralan at ang sagot naman ng aming mga magulang, hangga’t gusto nila mag-aral ay papa-aralin namin sila dahil wala kaming ibang maipapamana sa kanila kundi ang karunungan na kahit kailan o kahit saan mapadpad hindi makukuha at mananakaw ng iba. Tama nga naman kasi ‘pag may pinag-aralan ka kahit saan ka mapadpad, hinding hindi ka matatakot makipagsabayan sa iba. Naalala ko rin nung sinabi ng aking tiyahin sa akin at sa aking mga kapatid na sayang lang daw ang aking napag-aralan dahil isa lang naman daw akong alila sa ibang bansa kaya hindi ko daw nagamit ang aking pinag-aralan at nagaya lang din daw ako sa iba. Lahat ng salitang yun, baon ko sa aking pag-alis patungong ibang bansa, lahat ng sakit at talas ng kanilang dila ay hindi ko makakalimutan. Ito ang nagsilbing hamon sa aking buhay, kaya naman pinilit kong magsumikap para maipakita ko sa kanilang lahat na kahit isa akong alila sa ibang bansa natutustusan ko o nabibili ang lahat ng aking mga kagustuhan at dahil sa pagiging alila, dito din umangat ang aking pamilya sa Pilipinas at unting-unting natutupad ang aking pangarap sa buhay.
Alam ko na katulad din ako ng ating mga ibang kababayan ngayon na lulunukin ang pride at mas pipiliin ang pagiging alila sa ibang bansa mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang pamilya at makamit ang mga mithiin sa buhay. At alam ko na sa bawat panlalait sa amin o pagmamaliit sa amin ay kapalit ng isang maganda at matagumpay na pagbabalik sa lupang sinilangan pagdating ng tamang araw.