Naalaala ko ang panahon na  kararating ko pa lang dito sa Gitnang Silangan.  Ako ay punong puno ng pangarap at ambisyon ngunit may kaakibat na pangamba.  Pangamba sapagkat balitang balita sa Pilipinas ang mga nangyayaring pagmamaltrato sa mga kababayan nating kasambahay at mga pagpupugot sa mga mga nagkasala at lumabag sa batas.  Subalit inisip ko na lang na pag umiwas ako sa gulo at magtrabaho ng maayos at matuwid e wala naman sigurong masamang mangyayari sa akin.

Pagkalipas ng isang taon, nakasanayan ko na rin ang pamumuhay sa bansang ito. Nawala na ang pangamba at sa katunayan e maluwang naman pala ang batas sa siyudad na ito.  Nakiusap ako sa aking amo na pagbigyan akong tumira sa labas at pinayagan nya naman ako. Nagawi ako sa isang distrito na maraming Pilipino at doon ko naisipang maghanap ng tirahan.  Doon ako namulat sa mga pangyayaring hindi alam ng karamihan. Grabe!!!  Doon ko nalaman na talamak pala ang live-in sa siyudad na ito.  Sa katunayan, sa flat na tinutuluyan ko ang 2 pares ng mag-asawa dun ay live-in.  Marami ring live-in na mga kapit bahay.  Nalaman ko yun dahil sa likas na ugali na ng ibang Pilipino ang pagiging tsismoso at tsismosa. May asawa at pamilya si lalaki sa Pilipinas at ganun din si babae. Ayun sa kwento, si lalaki ay may magandang trabaho at sumasahod ng malaki sa Caterpillar. Si babae ay dating nagtatrabaho sa kapitolyo ng bansang ito subalit tumakas sa kanyang mapagmaltratong amo at napadpad sa siyudad na ito sa kadahilanang nandito ang deportation center. Imbes na magpadeport ay kumapit sa patalim si babae. Sa halagang 2000 isang buwan ay nilako at binenta ang kanyang sarili.  May katulong ka na sa bahay may kasiping ka pa sa gabi.  Yung isang pares naman ay medyo naiba. Legal ang trabaho ng dalawa, Rad. Tech and lalaki at clerk naman ang babae sa malapit na ospital. Ngunit dala siguro ng malamig at malungkot na mga gabi ay naging mag-irog ang dalawa.  Ang masama nito, sila ay may mga pamilya rin sa atin.

Hindi ko lubos maisip kung anong katakot-takot na pagsisinungaling ang ginagawa nila sa kanilang pamilya para makalusot.  Hindi ko rin lubos maisip kung anong konsensya meron sila habang nakikipagtalik sa kanilang live-in partner.  Siguro, bunga ng libog e hindi na sila nag-iisip at dala ng karnal na pangangailangan e dedma na lng sila.  Pero sana sa panahon na hindi sila magkasama e sana mamulat naman sila sa kanilang kahibangan.  Papano na ang pamilya nila? Papano na ang mga pangangailangan ng mga iniwan nila?  Yung perang  pinapadala nila dati para kay Junior at kay Nene e napupunta na sa monthly allowance ng lalaki o babae nila.  Yung pangako nilang  kwintas o bracelet sa Mr. o Mrs. o PSP di kaya Play Station 3 sa  mga anak ay napako na kasi binili ng Iphone4  ang kalaguyo nila.  Hindi na natuloy ang  “monthly amortization” ng bahay kasi sakto lang ang pera sa panggastos tuwing day-off sa Shawly, Barrio Fiesta, o di kaya sa napakamahal na donut na Krispy Kreme, may halong ginto yata ang harina nun! Binawi na rin ang sasakyang hinuhulugan nila sa Pilipinas kasi ginamit nila ang pera pangbili ng second hand na kotse sa Haraj Sayara, para may magamit sila ng kalaguyo nya dahil mas magastos nga naman kung laging limousine. Kinalaunan, hindi na sila tumatawag sa Pilipinas. Hindi na nila sinasagot ang tawag ng kanilang pamilya. Kung tumawag man, ang rason nila ay may OT o di kaya hindi pa sila sumasahod at nag-iimbento ng mga kwento na kesyo bwisit daw ang kumpanya at laging delayed ang sahod nila.  Ang mas masakit, nahinto na ang pag-aaral ng mga anak.  Naka-ilang promisory note na si Totoy at Nene sa pinapasukan niyang University. Ang hindi nila alam e ginastos na ng kanyang Ama o Ina sa abroad and pera na para sana sa tuition nila para ipagawa ng pekeng “marriage certificate” o di kaya pagawan ng pekeng “residence permit” ang live-in partner nya.

Kung ano man ang dahilan kung bakit sila nagsasama ay sa kanila na iyon.  Kung sila man ay nalulungkot o di kaya may binubuhay na pamilya sa Pilipinas at kailangang kumapit sa patalim ay desisyon nila yun. Subalit ang mga palusot na ito ay hindi makatuwiran. Ito ay isang malaking pagkakamali at kasalanan. Mali sapagkat may mga pangako sila sa iniwan nilang mahal sa buhay sa Pinas at higit sa lahat kasalanan sapagkat may sumpaan sila sa harap ng Ama.  Ewan ko ba sa mga taong ito kung anong kaluluwa meron sila.  Kagaya ko noong una e punong puno rin sila ng pangarap.  Inisip din nila na ang pagpunta nila sa bansang ito ang magiging kasagutan sa kanilang mga suliranin.  Ito ang magiging paraan para maiahon nila sa kahirapan ang kanilang pamilya.  Ngunit sa isang iglap ito ay nawala, kapalit ng wala pa isang kilong karne ang kanilang mga pangarap ay nawala na parang bula.

 

 

Enhanced by Zemanta