Hindi ako batikang manunulat ngunit sadyang hindi ko lang mapigilan ang aking sarili na magbigay ng aking saloobin sa aking naransan noong nakaraang Hulyo, 2011.
Ako ay nagtungo sa LTO Office na malapit sa aming lugar at kung saan din naman nakarehistro ang aking sasakyan. Hindi bago at hindi din naman kagandahan ang modelo at itsura nito ngunit para sa isang tulad ko sapat na ito marahil ay labis pa. Ako ay isang simpleng mamamayan na nangangarap umangat ang buhay mula sa pagsisikap at pagtitiyaga. Dumating kami ng aking pinsan sa nasabing tanggapan ng maaga kung kaya’t kami ay naghanap ng pinakamalapit na karinderya at kumain ng almusal. Umuulan noon at sa di kalayuan nakakita naman kami. Kung sa bagay sa mga ganoong tanggapan na araw-araw ay hindi nauubusan ng kliyente talamak ang mga tindahan, kainan, at maliliit na puwesto na nagbebenta ng mga kung anu – ano. Nagbukas ang opisina alas otso impunto. Sa isip ko,  marahil maaga kaming makakauwi.
Karaniwang dumadaan ako sa fixer kapag ako ay nagpaparehistro ngunit hindi ko ba maintindihan sa aking sarili noong araw na iyon kung bakit ako ay nagdesisyong dumaan sa tamang proseso. Isang proseso na napakatagal at kakailanganin mo ng mahabang pasensya at isang drum na pangunawa. Nagsimula ako sa unang hakbang ng pagpaparehistro.
Ang aking pinsan, ay nagsimula na din sa kanyang pakay ng araw na iyon – - ang kumuha ng lisensya sa pagmamaneho. Tulad ko, siya din ay dumaan sa tamang proseso. Noong umaga, maayos pa ang pila, at walang masyadong tao. Lumipas ang dalawang oras, naghihintay pa din kami sa aming kinauupuan. Alas onse ng umaga ng tawagin ang pangalan ng aking pinsan sa isang window kung saan siya ay inabisuhang pumunta sa second floor after lunch upang kumuha ng written test. Naghanap muna kami ng makakainan, hindi pa naman gutom pero gusto ko nang lumabas sa tanggapan na iyon dahil nakakainip na. Talo ang maiinip sa mga ganong klaseng sistema.
Ala una ng hapon nang kami ay magbalik sa tanggapan, tinawag ng guwardiya ang mga pangalan na kukuha ng written test. Nang tinawag ang pangalan ng aking pinsan, agad siyang umakyat sa second floor. Ako naman ay inasikaso ang papel ng aking sasakyan. Alas dos ng hapon bumaba ang aking pinsan at sinabihan akong malapit na siyang magtest-drive. Lumapit kami sa lalakeng nasa maliit na kubo malapit sa gate ng nasabing tanggapan. Isa-isang tinatawag ang mga pangalan ng kukuha ng eksam. Nagtanong ang lalaki, sino sa inyo ang hindi talaga marunong magmaneho, walang tumaas ng kamay. Inulit ang tanong, ayun si ate nagtaas ng kamay, isang babaeng nasa edad pagitan ng 25 – 30. Nakangiti pa si ate na kinuha ang papel niya at lumapit sa lalake sa may kubo. “”Magbayad ka sa may pintuang iyon at hintayin mo na lang sa releasing window”. Ha? tama ba ang nadinig ko? Si ate magbabayad lang at PRESTO! may lisensya na siya. Ganun ba talaga kabilis?
Inaliw ko ang aking sarili, nakatapos ang aking pinsan sa test drive bandang alas tres y medya ng hapon. Umupo kami sa tapat ng cashier at naghintay tawagin ang kanyang pangalan. Bigo ang panalangin kong matatapos kami ng maaga. Nakita ko ang babaeng di marunong magmaneho sa tapat ng releasing window, sabi ko sa sarili ko naku, mukhang bibigyan nga si ate ng lisensya kahit hindi marunong magmaneho. Nagngitngit ako sa galit dahil sa aking karanasan kung ilang linggo din akong nagsanay para makapagmaneho, pero itong si ate, makakakuha ng lisensya ng hindi marunong?!
Lumipas ang isang oras nasa tapat pa din kami ng cashier, ilang minuto pa at sa di kalayuan andun pa din si ate. Maya-maya, tinawag ang kanyang pangalan, iniabot ng lalake sa releasing window ang kanyang lisensyang mainit-init pa. Gusto kong sumigaw sa loob ng ahensiyang iyon at pagbabatukan ang mga taong nasa loob. Paano kaya sila nagbibigay ng lisensya sa hindi marunong magmaneho? Ganito na ba talaga sa Pilipinas? Isa lang ba ito sa mga halimbawa na bulok ang sistema natin? Nagbibigay ang LTO ng lisensya kahit hindi marunong magmaneho, para saan ang lisensya? Para sa collection ng valid ID? Para sa identification purposes? Alam kong ang aking nasaksihan ay mali, kung kaya’t ganito na lamang aking damdamin .


Natapos kaming magpinsan alas singko ng hapon, nauna pa si ate na makakuha ng lisensya, kahit hindi siya marunong magmaneho.

Sana magsilbi itong isang panawagan sa lahat ng mambabasa na imulat natin ang ating isipan. Tinanong ko ang isang tauhan ng nasabing tanggapan bakit sila nagbibigay ng lisensya sa taong di marunong magmaneho, ang sabi sa akin sa releasing window daw ako magreklamo. Isang bulok na sistema. Kinakain na tayo ng isang malalalang sakit, kanser na maituturing ang ganitong klaseng sistema.

Ikaw may lisensya ka ba sa pagmamaneho? Para saan yan, para ba requirement sa bangko? Collection ng valid ID?

Isa lamang po akong taong mapanuri, nagoobserve sa mga pang araw-araw na galaw ng mga Pilipino.

Enhanced by Zemanta