Photo credit: http://dinoacuna.files.wordpress.com/

Itinuturing na Pambansang Hayop ng Pilipinas ang Kalabaw (Bubalus bubalis),  ang matalik na kaibigan ng magsasaka at ang masasabing pinakamahalagang hayop sa mga palayan. Ito ay ginagamit sa pagdadala ng mga produkto patungo sa pamilihang-bayan at isa ring magandang pinagkukunan ng gatas at karne

Bigla kong naisip na sa ilang taon kong nasa ibang bansa, maihahalintulad pala ako sa Kalabaw. Hindi sa kulay, anyo o amoy kundi sa paraan ng aking pakikipagsapalaran sa ibang bayan. Hindi ka pwedeng mamili ng trabaho lalo’t baguhan ka. Ang unang titingnan at bibigyan mo ng konsiderasyon ay ang sahod. Kadalasan kahit malayo sa ating pinag-aralan at tinapos ang trabaho, ok lang basta kumikita ng higit na malaki kumpara sa pasahod sa Pilipinas. Yung iba namang walang natapos o walang mataas na pinag-aralan, masaya na sa kakarampot na kita nila basta ang importante matulungan, maingat at mairaos ang iniwang pamilya.
Ang Kalabaw, kahit pagod na pagod na, hindi nagrereklamo. Kahit gaano kalawak na lupain ang ipasaka mo sa kanya, ok lang. Kahit gaano kabigat ang mga ipapasan mo sa kanya, patuloy pa din ang paglakad. Kahit ilang tao pa ang isakay mo sa kanya, pipilitin nyan maihatid ito sa kanilang paroroonan. Kahit na katirikan ng sikat ng araw, patuloy pa din sya sa pag-gawa.
Ang OFW, kahit pagod na pagod na, hindi nagrereklamo. Kahit gaano kalayo ang distansya sa mga mahal sa buhay, ok lang ang importante masuportahan ang pamilya. Kahit gaano kahirap ang uri ng trabahong pinasok, sige lang ng sige basta para sa mga anak, asawa, kapatid, magulang at kapamilya. Kahit gaano kalamig o kainit ang klima sa kinaroroonan, pinagtitiisan pa din may maipadala lang sa mga mahal sa buhay. At kahit na halos wala ng makain sa sobrang pagtitipid, ok lang basta ang pamilya sa Pilipinas ay kumakain ng tatlong beses sa isang araw, may meryenda pa.
Yan minsan ang hindi nakikita ng mga pamilya ng OFW. Akala nila, lahat ng nasa abroad at kumikita ng dolyares, pounds, yen, euro, dinars, schillings, dirham o kahit ano pang currency ang sinasahod ng kapamilyang nasa abroad, eh dinadampot lang sa kalsada ang pera. Hindi nila nakikita ang lahat nag pasakit, ang hirap, pangungulila at pagtitiis na kailangan naming lagpasan mairaos lang kahit papano ang buhay namin. Konting ikot nila, pera. Konting galaw, pera. Kailangan pag humingi sila, meron kang mapapadala kasi pag wala, sasabihin nila madamot ka o kaya naman mayabang na porket nakapag-abroad o kaya naman walang utang na loob at di marunong tumanaw ng utang na loob.
Iba’t-ibang papuri at panlilibak ang inaani ng mga OFW. Ngunit ano nga ba ang sukli ng mga yan? Ano nga ba ang nahihita naming mga OFW kapalit ng pagpapasakit namin para sa pamilya namin? Miminsang text na sa umpisa ay kamustahan, sabay babanatan ka ng kwentong si ganito may sakit, si ganyan walang pambiling ganito, si ano di makakapag-aral walang pang-enroll, walang pambiling gamit sa skul, walang mainom na gamot, gatas, pagkain at kulang nalang kung nabibili ang hininga ay hihingin kamag-anak na nasa abroad. Na kapag di mo nabigyan, ikaw ang masama, madamot, walang utang na loob, walang konsiderasyon, matigas ang puso at kung ano-ano pang salita na naiisipan nilang ibato kapag di mo napagbigyan.
Sana man lang, konting respeto at pang-unawa sa mga OFW. Kasi hindi lahat ng nasa ibang bansa, maayos at masagana ang buhay. Nakakangiti kami ng maayos at masaya sa mga larawan na pinapadala namin sa pamilya namin, ina-upload sa facebook, friendster, twitter, photo bucket at kung san pang social networking na tangi naming libangan. Na sa likod na masasaya naming mga ngiti ay ang mga ikinukubling luha upang malagpasan namin ang pakikibaka sa ibang bansa.
Enhanced by Zemanta