Marahil ngayon ay binabasa mo ang kwento kong ito sa pag-aakalang ito ay isang istorya ng pag-ibig. Hindi rin ito isang fairy tale na nagtatapos sa “happily ever after” o isang fantaserye na tungkol sa isang matipunong lalaking bida na handang suungin ang kahit anong mahika, makuha lang muli ang minamahal niya. Ang kwentong ito ay isang kwento na nararananasan ng libu-libong lalaking katulad ko. Ang kwentong ito ay kwento ko.

Hindi ako isang saksakan ng gwapong lalaki na katulad ni Piolo, at kung tutuusin ay ayoko rin namang makumpara sa kanya dahil baka isipin ninyo na may pagdududa rin ako sa pagkalalaki ko. Hindi ako pamoso, at hindi ako yung tipo ng lalaki na mahilig pumorma at magsuot ng kung anu –ano. Ako ay isang simpleng nilalang gaya ninyo. Kung tatanungin ninyo ang lovelife ko, baka antukin lang kayo sa ikukwento ko pero kung tatanungin ninyo ako kung kamusta ang puso ko, dun ninyo malalaman kung bakit isinusulat ko ito.

Hindi ko kailan man naisip na marunong pa pala ako magmahal. Dahil sa dinami- dami nalang ng babaeng minahal ko, lagi na lang akong nasasaktan at iniiwan. Alam ko kasalanan ko din naman ito dahil sa mga panahong iyon ay hindi pa ako handa. Walang direksyon ang buhay ko at ayoko pang huminto sa pag-aaral kaya ilang taon ang inabot ko nung nag-kolehiyo ako. Sa isang salita, isang dakilang gago na kahit kailan ay hindi naisip na isang babae lang pala ang babago ng buhay ko.

Naalala ko pa nung una tayong pinakilala. Mga gantong panahon iyon eh, habang nakatambay sa bahay ng tropa ko. Sa totoo lang ay hindi kita napansin, ang trip ko noon ay yung kaibigan mo. Na-aasar pa nga ako sayo noon kasi ang dami mong tanong para bagang nasa isang talk show ako ni Kris Aquino. Naalala ko pa nga inaasar mo ako kasi panay titig ko sa kaibigan mo. Sana patawarin mo ako sa pagiging jerk ko noon. Kung bakit ba tingin pa ako ng tingin sa iba, eh yung hinahanap ko ay nasa harap ko na pala.

Nung pauwi na tayo naalala mo ba na kinuha ko yung cellphone number mo? Udyok lang yon ng barkada kasi nga pinag-mamatch nila tayo. Hindi ko naisip na yung panahon na iyon pala na ang simula nang pagbabago sa buhay ko. Simula noon ay lagi na tayong nag-tetext. Yung mga nagsimula sa simpleng Hi and Lo, unti-unti nang pumunta sa I miss you and take care. Kahit mangutang pa ako sa nanay ko ng pang-load ay ok lang marinig ko lang ang boses mo. Alam ko cheesy, pero iba ung nararamdaman ko pag kausap kita. Feeling ko ay nasa ibang mundo tayo na tayo lang ang nakakaalam. Schizophrenia na nga daw yung nararamdaman ko sabi ng mga kaibigan ko. Kahit anong pang-aasar ang inabot ko ay ok lang. Basta alam ko masaya ako, at mas sasaya pa kung magiging tayo.

December 17, 2010. Eto yung first ever so called date natin. Naalala ko pa nga na suot mo ung Pink dress na favorite mo. Wala kang kahit anong make-up pero ‘pag tinititigan ko ang mukha mo, parang wala ng ibang hihigit pa sa kagandahan mo. Kumain tayo at nanuod ng sine. Nag-stroll at naglibot-libot sa mga tiangge. Alam ko lagi mo ako nahuhuli noon na nakatitig sa mga mata mo. Ganto ata talaga ang pakiramdam pag mahal mo yung kasama mo.

Ilang buwan ang lumipas at naging parte ka na ng sistema ko. Parati tayong magka-text, mag-kausap at lumalabas. Hindi ko nga alam kung ano na maitatawag sa relasyon natin. Basta alam ko na masaya ako pag kasama kita at unti-unting nagdarasal na hindi na tayo mag-hihiwalay pa. Pinakamasaya pa nga ako nung natulog ka sa sala namin na magkatabi tayo. Wala na akong inasam pa kundi ang mayakap ka. Minahal ko ung buhok mong amoy strawberry, minahal ko ung chinita mong mata, minahal ko ung mapupula mong labi na hanggang sa ngayon ay pinapangarap kong madampian ng mga labi ko. Nakuntento ako sa kung anong meron tayo. Nakuntento ako dahil akala ko, tayo.

Tumagal ang mga araw. Hindi ko pinapansin ang lahat pero alam ko na parang lumalamig na ang turing mo sa akin. Pinapaniwala ko ang isip ko na okey tayo at baka na-sstress ka lang sa licensure exam mo. Tuwang – tuwa ako nung binalita ko na gagraduate na rin ako sa wakas. Alam ko malungkot ka kahit pinapaniwala mo akong masaya ka sa tono ng boses mo. Dumaan ang mga panahon. Nararamdaman ko na hindi na tayo tulad ng dati. Nararamdaman ko na parang may nag-iba pero kahit ano man ang sabihin ng utak ko… mas matigas pala ang puso ko.

Ilang linggo bago ang exam mo, niyaya mo ako mag-simba sa may Mendiola. Parang ang saya-saya mo ulit noon na unti-unting pumawi sa kaba na nararamdaman ng dibdib ko. Nung sabi mo na humiling ako, alam mo ba kung ano yung inasam ko? Hiniling ko sa kanya na sana, mapasa-akin ka na talaga. Pagkatapos nating mag-simba ay pumunta tayo dun sa favorite spot natin. Sobrang kinakabahan ako nung mga panahon na iyon na para bang hihimatayin na talaga ako sa nerbyos. Pero kahit anong takot yung naramdaman ko nung mga sandaling iyon, nung nakita ko na ung mga ngiti mo, binigyan ako nito ng lakas ng loob na sabihin talaga yung tunay na nararamdaman ko. Bago pa man ako nakapag-salita, narinig ko na yung mga katagang bumasag ng puso ko. “ Babalik na siya.”

Hindi ko mailathala kung ano ung naramdaman ko nung mga panahon na yun. Para ba akong sinaksak sa puso pagkatapos ay tinapon sa dagat. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kaya nagulat ako nung biglang may lumabas na mga kataga sa bibig ko, “buti naman, sasaya ka na ulit.” Ang tanga-tanga ko dahil hindi ako lumaban, ang gago ko dahil hindi kita hinawakan, napaka-manhid ko para magkunwari na masaya ako para sa yo na kung tutuusin ay parang sinisilaban ang puso ko. Wala akong nagawa, kundi sumuko sa laban.

Kahit nagkabalikan kayo, masaya ako kasi tuloy pa rin ung communication natin. Text- text pa rin tulad ng dati. Sobra lang akong nasasaktan sa tuwing maririnig kong sinasaktan ka niya kaso wala akong magawa. Ganon na lang ba ang buhay ko? Ganun lang ba kadaling baliwalain ng iba yung taong pinapahalagahan ko? Ilang buwan pa ang lumipas at naghiwalay kayo. Ako yung tumayong sandalan mo sa mga panahong akala mo hindi ka na makakatayo pa lalo pa’t nalaman mo na bumagsak ka sa board exam. Kung pwede lang angkinin yung sakit na nararamdaman mo noon, matagal ko ng ginawa ‘yon para sayo. At muli ay nag-intay ako, umasa.

Dumating din yung panahon na nakita ko na ok ka na. Nakita ko na ulit yung mga ngiti mo, naririnig ko na ulit yung tawa mo. Sinabi ko sa sarili ko na this time it’s gonna be different. Na at this very moment I won’t take any chances. I want you to be mine. Hinintay ko ang tamang moment na binuhos ko ang  lahat ng nararamdaman ko. Pinipilit ko nga tumawa kasi sa totoo lang naiiyak ako habang sinasalaysay sa yo ung mga nararamdaman ko. Punong- puno ako ng emosyon, pero sayo wala akong makitang reaksyon.

Nag-intay ako ng matagal para sa sasabihin mo. Doon ko narealize na mas nakaka-bingi nga ang katahimikan. At nagsimula ka na ulit magsalita. Sinabi mo na hindi ka pa handa. Sinabi mo rin na hindi ka pa nakakamove-on pero sa lahat ng sinabi mo, isa lang ang tumatak sa isip ko at yun ang mga katagang…“pwede siguro, kung mahihintay mo ako.”

Pagkatapos nung gabing iyon ay hindi ka na nagparamdam. Ang sabi mo kelangan mo nang mag-concentrate sa review mo. Sabi mo pa nga na hindi mo alam kung hanggang kelan ako maghihintay pero kahit papaano ay umaasa ka na hihintayin kita hanggang matapos ang exam mo. At ang lahat ng iyon ay nangyari, 4 na buwan na ang nakalipas.

Alam ko natapos na ang exams. Gusto ko lang malaman mo na nandito parin ako para sa yo at naghihintay. Wala man akong pinanghahawakan na magiging tayo pagkatapos ng lahat ng paghihintay ko pero ang lahat ng iyon ay ginawa ko dahil mahal kita. Wala akong lakas ng loob para sabihin sa yo ang mga katagang “I love you” pero asahan mo lagi na nandito ako para sa yo at sana bumalik ka na sa akin.

Epilogue.

Marahil ngayon ay binabasa mo ang kwento kong ito sa pag-aakalang ito ay isang istorya ng pag-ibig. Hindi rin ito isang fairy tale na nagtatapos sa “happily ever after” o isang fantaserye na isang magandang babae and leading lady at handang suungin ng kanyang leading man ang kahit anong mahika, makuha lang siyang muli. Ang kwentong ito ay isang kwento na nararananasan ng libu-libong babaeng katulad ko. Ang kwentong ito ay tungkol sa isang babae na matagal ng umiibig at handang masaktan para lang sumaya ang bestfriend niyang nagmamahal. Ang kwentong ito ay kwento ko.

Enhanced by Zemanta