Boy A: Pare, hindi ako lasing. Kaya ko pa.

Boy B: (Kibit-balikat)

Boy A: Ano ba? Hindi pa nga ako lasing eh!

Boy B: (Magsasalita na sana pero pinigil ang sarili)

Boy A: ANG KULIT MO!! HINDI NGA AKO LASING!!!

Boy B: T@N& *n@ mo!! Wala namang nagtatanong kung lasing kaba o hindi!!

 

 

Inuman sessions. Hinding hindi mawawala sa mga okasyon. Birthday, Kasal, Lamay, Fiesta, Pasko, New Year, 3 Kings, Araw ng Kalayaan, Rizal day, Macario Sakay day, Charice Pempengco day, Bataan day, Veteran’s day, All Souls day, Saturday o Sunday.

 

Kasama din siya sa mga achievements at failures mo bilang tao tulad ng Graduation, pagbagsak sa isang subject, pagiging repeater, pagka-promote sa trabaho, pagkasisante, pag-sagot sayo ng babaeng 12 years mo nang nililigawan, pagka-basted, pagkatuklas na may kabit ang asawa mo, pagka-alam na positibo ang pregnancy test ng jowa mo. Lahat sila, at ang iba pang tulad nito na hindi ko nabangit, ay malamang masundan ng inuman.

 

Walang masama sa pag-inom at hindi dapat isiping masasamang tao ang mga nahuhumaling dito, na tulad ng mga goons sa pinoy action films, kung saan lagi silang nagwawala sa isang beerhouse at pipiliting i-table ang jowa ng bida, tuwing nalalasing. Nandito ako para pag-usapan ang mga “urban legend” tungkol sa pag-inom o pagkalasing. At ang mga susunod na komento ukol dito ay hango sa totoong buhay, maaaring mula sa sariling karanasan o bilang saksi sa isang tunay na pangyayari. Huwag tularan. Pawang propesyunal lamang gumagawa nito. Patnubay ng magulang ay kailangan.

 

1. “Tumatapang ka kapag naka-inom” – Siguro naman nagkaroon ka na ng kapitbahay na nagwala o nag-amok nang malasing siya. Tipong lahat gustong hamunin ng suntukan, bunong braso o sungka. Pero kinabukasan, kapag nahimasmasan na, mas maamo pa kay Hello Kitty. Bakit? Sa palagay ko, hindi ka naman talaga tumatapang, na parang sinalinan ng dugo ni Ultimate Warrior. Alam mo lang talaga na walang papatol sa iyo, dahil lahat ng kapit-bahay mo ay tulog na at obligado pang gumising ng maaga, para pansinin ang pag-wawala mo, na karaniwang nagaganap tuwing madaling araw.

 

2. “Lumalakas ang loob mo kapag naka-inom” – Sa tingin ko, hindi naman “lakas ng loob” ang nakukuha mo sa bawat lagok ng alak, na para bang spinach ni Popeye, kundi ang kakayahang lumimot. Oo, lumimot. Habang tumataas ang alcohol level ng iyong katawan, nakakalimutan mo ang mga dahilan kung bakit mo itinatago o hindi ginagawa ang isang bagay kapag nasa katinuan ka. Halimbawa, pagsasalita ng english. Kapag lasing ka, nakakalimutan mo na kay Jimmy Santos ka nag-enrol ng English 101. Kaya kahit medyo sablay, basta may espirito ni San Miguel, daig mo pa ang isang call center agent sa pagbuga ng mga salitang dolyares, kahit na ang gusto mo lang sabihin ay “Ang taas naman ng tagay”.

 

3. “Hindi mo alam ang iyong mga ginagawa, kapag naka-inom” – Malaking kalokohan. Based from my own “drunken master” moments, aware ka sa mga nangyayari sa paligid at gumagana pa rin ang utak mo kahit lasing ka. Hindi ka mag-mimistulang chimpanzee at iba-base ang iyong mga aksyon sa “instinct” kapag nasayaran ng alak ang atay mo. Dahilan lang ito ng mga utak-chicharon na nakakulong sa presinto, dahil sinaksak ng kropek sa mata ang kainuman, o ang mga inuupakan ng kanilang asawa dahil umuwing lasing kagabi at may lipstick mark sa brief.

 

4. “Nagsasabi ka ng totoo kapag naka-inom” – Muli, isang gigantic, echos. Kasi isipin mo, kung totoo ito, e di sana hindi na nilulunod o kinukuryente ang itlog ng mga suspect tuwing ini-interrogate sila ng mga pulis. Isang case lang ng red horse at supot ng happy peanuts, solve na ang kaso. E di lahat sana ng mga mister, na dumaan muna sa beerhouse bago umuwi, e nadagukan ng kawali ni misis dahil hindi nila kayang magsinungaling at sabihing nag-over time lang sila. Walang umaamin nang dahil sa kalasingan, pero maraming umaako sa mga pangyayaring hindi naman sila ang gumawa, kapag naka-inom.

 

Boy A: Grabe parin pala ang yaman ng mga Marcos no?

Boy B: Pasalamat sila sa akin.

Boy A: Bakit naman?

Boy B: Aaminin ko na sayo, ako talaga ang nakahanap ng Mama Sita’s Treasure. Na kinuha nila.

Boy A: Ha? Yung pang-sahog sa kare-kare?

Boy B: Tanga, yung mga ginto at higanteng Golden Buddha. Mahina ka talaga sa Biology.

Boy A: Diba Yamashita’s Treasure yun?

Boy B: Yun nga, pinalitan ko lang para sikretong malupit.

 

5. “Napapawi/Nalilimutan ang mga problema kapag naka-inom” -  Ewan ko sa iba, pero kung pagbabasehan ang mga nakainuman ko, isa rin itong kalokohan. Marami nang nagyaya sakin na samahan ko daw silang uminom para makalimot sa hapdi ng nabigong pag-ibig. Pero imbes na pansamantalang mawala sa isip at puso nila ang sakit, parang lalo pang tumindi ang paghihimutok ng damdamin (ibang tao ito, hindi ako, promise. oo nga, hindi ako ‘to). Umalat ang sizzling sisig dahil sa mga patak ng kanyang luha habang humahagugol sa gitna ng lamesa.

 

At isa pa, hindi rin ata tamang uminom ka, kung nais mong makalimutan ang problema mo sa pera dahil gastos din ang pag-inom. Para ka namang abnormal nun. Hindi rin advisable ang uminom kasi iniwanan ka ng jowa o asawa mo, dahil sa pagiging alcoholic. Pag nagka-taon, ikaw ang gagawing human symbol ng Irony.

 

Maliban sa mga maling paniniwala at dahan-dahang pagkasunog ng iyong atay (pwera nalang kung ngumunguya ka ng isang banig na liveraide), masarap naman talaga ang uminom. Mas masaya ang kwentuhan, mas malakas ang tawanan at mas mabenta ang mga corny na joke kapag may patak ng alak.

 

Lahat ay masaya, hanggang sa isa sa inyo ang tumayo, lumakad ng pasuray-suray papunta sa pinakamalapit na poste, sabay naglabas ng excess baggage ng tyan. (Itutuloy)