Photo courtesy of http://travellingartist.files.wordpress.com/

“Pasko na naman, o kay tulin ng araw…..Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang…… Isa yan sa mga madalas kong marining na kinakanta ng mga batang mahilig mag-caroling sa may amin. Kung tutuusin, ang kinakanta nila ay dalawa o tatlong uri ng kanta lang tapos,paulit-ulit na lang nila itong kakantahin na para bang mga sirang plaka.

Parang Pasko, paulit-ulit na lang ginugunita, taon-taon. Parang mga birthday natin. Kada taon na lang isineselebra natin ito? Bakit nga ba? Di ba kayo nagsasawa? Di ba kayo napapagod? Pasintabi na lang po sa mga “die-hard”  mag-Pasko pero gusto kong hanapan ng kasagutan ang mga katanungan ko. At pakiusap po, huwag ninyong tigilan ang pagbabasa ng isinulat kong ito. Maaring sa mga susunod na mababasa ninyo, eh, sabay-sabay nating matuklasan at malaman kung bakit nga ba kailangan pang ulit-ulitin ang pagdiriwang ng kapaskuhan.

Ang mga sumusunod ay kuwento na maaring nangyari na o maaring mangyari sa tunay na buhay. Ang  tauhan at mga pangyayari ay hango lamang sa imahinasyon at ang iba ay mula sa mga obserbasyon ng manunulat na ito.

Si Mang Temyong.

Madalas, makikita sya sa may tapat ng simbahan. Gumagawa ng parol. Abalang-abala siya lagi na para bang laging minamadali ang bawat parol na kayang ginagawa. Ni hindi niya alintana ang mga taong labas-masok sa simbahan. At pagkatapos ay mapapahinto sa kanilang paglalakad at titingin sa matanda sa kanyang paggawa ng makukulay na parol. Minsan, may nakita pa akong mga turista na kinukunan siya ng litrato at video habang sya ay nagtatrabaho. Kasi naman, kahit hindi Pasko, at kahit malayo pa ang Pasko o kahit tapos na ang Pasko, ay walang tigil sa paggawa ng kanyang mga parol ang matandang si Mang Temyong.

Minsan, dala ng aking kuryusidad, hindi ko na napigilan ang aking sarili na lumapit at makipag-kuwentuhan sa matanda. Umuulan noon, kaya sa ayaw man o sa gusto ni Mang Temyong ay napilitan siyang tumayo at buhatin ang kanyang mga kagamitan at mga parol para sumilong upang hindi siya mabasa. Saka ko siya nilapitan. Noong una, matipid ang kanyang mga sagot. Minsan walang isinasagot sa tanong ko, at mapapabuntung-hininga lang siya. Pero talagang makulit ako kaya nagawa kong makuha ang mga sagot sa aking mga katanungan.

“Bata pa lang ako, mahilig na akong gumawa ng parol. Tinuruan ako ng tatay ko. Ito kasi ang isa sa mga pinagkakakitaan ng aking ama para buhayin kaming magkakapatid”, pagbabalik-tanaw ng matanda. “Noon, kahit madaling-araw na, hangga´t di pa ubos ang gaas sa gasera namin, sige pa rin sa paggawa ang tatay ko. Tuwing buwan ng Nobyembre at Disyembre lang kasi lumalaki ng husto ang kita ng tatay ko. Dinarayo pa kasi siya ng mga parokyano na taga-Maynila para magpagawa ng mga parol na ititinda nila.” Patuloy nito sa kanyang kuwento.

“Kaya pala gamay na gamay na ninyo ang paggawa, Mang Temyong. Kahit siguro nakapikit kayo, makakagawa kayo ng parol.” Puri ko sa matanda.

“Tinuruan niya kasi ako, para may makatulong siya sa paggawa. Ako lang kasi ang maasahan niya. Ang iba kong mga kapatid, abala sa pag-aaral. Kaya hindi sila pinapayagan ng tatay ko na gumawa ng parol. Kasi ang gusto niya, mag-aral silang mabuti.” May lungkot sa kanyang tinig habang sinasabi niya ito.

“Eh, kayo ho, di ba kayo pinag-aaral ng tatay ninyo?” Nagtatakang tanong ko.

“Naku, bobo daw ako sabi ng tatay ko. Mas mabuti na lang daw, tulungan ko siya kaysa sa magsayang pa ako ng pera”, sinasabi iyon ni Mang Temyong ng nakangiti ngunit sa kanyang mga mata, nakikita ko, na kahit siya ay hindi kumbinsido sa paniniwalang iyon.

“Eh, nakatapos naman ba ang inyong mga kapatid?”

“Iyong panganay, nagtanan. Kaya hindi nakatapos. Naku, lalong naging instrikto ang tatay ko. Konting pagkakamali ko lang sa ginagawa kong parol, may palo ng patpat sa kamay ko. Minsan nga kahit namamaga na ito, gawa pa rin ako ng gawa.”, may pait sa kanyang tinig.

Saglit siyang tumigil na para bang sinasariwa muli ang bawat pangyayari sa kanyang buhay.

“Tapos, iyong pangalawa, nang makatapos ng pag-aaral, umalis at di na muling bumalik. Iyong sinundan ko naman, pagkatapos ng kursong guro, eh nag-asawa kaagad kaya lumipat na ng ibang bayan.” patuloy ni Mang Temyong.

“Bunso ho pala kayo. Eh ang nanay ho ninyo? Parang wala kayong nababanggit?”.

Sa itinanong kong iyon, napatingin sa kawalan si Mang Temyong.

“Namatay ang aking ina sa panganganak sa akin. Maraming dugo ang nawala sa kanya sa panganganak.”

Binitiwan ni Mang Temyong ang kawayan na hawak saka napailing.

“Alam mo, buong buhay ko noon, sinisisi ko ang sarili ko. Kasi kung hindi dahil sa akin, hindi sana namatay ang Nanay ko. Noon, lagi kong sinasabi, sana ako na lang ang namatay at hindi ang Nanay. Sana, hindi naging malupit si Tatay. Sana hindi naging malungkot ang buhay ng aking mga kapatid. Sana hindi ako nahihirapan. Sana……..ang daming sana…..”, at unti-unting namasa ang kanyang mga mata.

Natigilan ako. Di ko malaman kung ano ang aking sasabihin.

“Pero, alam mo, kahit na minsan, hindi ako nagalit sa tatay ko. Kahit sa mga kapatid ko. Pinilit kong intindihin kung bakit naging malulungkutin si Tatay. Kung bakit isinubsob niya ang kanyang ulo sa trabaho. At kung bakit siya naging malupìt sa amin. Sabi ko sa sarili ko, para sa amin ito. At sa bawat, palo na inaabot ko sa kanya, iniisip ko, pagmamahal iyon.” pilit siya ngumiti.

“At iyong mga kapatid ko na kinalimutan ako, mahal ko pa rin sila. Inaalala ko pa rin sila hanggang sa ngayon. Kahit ni minsan, hindi nila ako dinadalaw. Mahal ko sila kasi kapatid ko sila.” Buong pusong sinasabi ito ni Mang Temyong.

“Alam mo, bago namatay ang aking ama, gumawa siya ng isang napaka-gandang parol. Sabi niya, iyon daw ang pinakamagandang parol na ginawa niya at hindi niya iyon ipagbibili.”, ngumiti siya ng napakatamis. “Alam mo kung bakit?” May pagmamalaki sa kanyang mga mata. “Kasi daw, para sa akin iyon. Habang ginagawa daw niya iyong parol na iyon, ako ang iniisip niya”, lumuluha si Mang Temyong habang sinasabi ang mga salitang iyon.

“Humingi na tawad ang tatay ko sa akin bago siya namatay. Sa lahat ng latay ng inabot ko sa kanya, pinagsisissihan niya. Bawat, pagmamalupit niya, inihingi niya ng tawad sa akin. Pati iyong hindi niya ng pagbibigay ng pagkakataon sa akin para makapag-aral, pinagsisihan niya”, tuluyan nang napahagulgol ang matanda. “Ineng…..mahal ako ng tatay ko……”, masayang sambit ni Mang Temyong habang patuloy ang kanyang pagluha.

“Eh, bakit po ba hanggang sa ngayon eh gumagawa pa rin kayo ng parol?”, kahit hindi Pasko, gawa pa rin kayo ng gawa? Pinagtitinginan tuloy kayo ng lahat ng taong pumupunta dito sa simbahan. Akala nila nasisiraan na kayo ng bait”, nasabi ko rin ang matagal ko nang iniisip.

Napatawa siya. “Eh, pakialam ba nila”, tawa ulit. “Alam mo, ang Pasko, di dapat tumitigil. Dapat paulit-ulit ito. Araw-araw dapat nararamdaman mong Pasko para hindi ka mahirapang magpatawad at humingi ng tawad. Ganun din sa pagmamahal. Dapat lagi kang nagmamahal. Kung tuwing Disyembre mo lang gugunitain ang Pasko, tuwing Disyembre mo lang din mauunawaan ang tunay na halaga at mensahe nito.” Sabay tapik niya sa balikat ko.

Maya-maya, tumigil na ang ulan. Muling naglabas-masok sa loob ng simbahan ang mga tao. Ang iba, hihinto sa tapat ni Mang Temyong at titingnan ito ng para bang nababaliw na ang matanda dahil sa walang tigil niyang paggawa ng parol kahit na napakalayo pa ng Pasko.

Isa lamang si Mang Temyong sa maraming kuwento ng pagpapatawad at pagmamahal. Kathang-isip nga lamang pero puno ng katotohanan ang mensaheng ipinaabot ng kuwento niya. At sa pagtatapos ng aking kuwento, naisip ko, may dahilan kung bakit paulit-ulit na inaalala ang Pasko. Hindi lang dahil sa masasarap na pagkain, magagandang damit, o walang katapusang kasayahan. Bukod sa mga mababaw na dahilan na ito, ang paulit-ulit na paggunita sa Kapaskuhan ay naglalarawan ng paulit-ulit na mensahe ng pagpapatawad, pagmamahal at kaligtasan na alay sa atin ng Diyos.  Paulit-ulit na ipinaalala sa atin na hindi dapat magsawa o mapagod sa pagpapatawad at pagmamahal dahil ito ang susi sa ating kaligtasan.

Sana, araw-araw  natin gunitain ang kapaskuhan. Sana, araw-araw, handa ang ating mga puso para  magpatawad at magmahal. Maligayang Pasko sa ating lahat!