KASAL – Isang pag-iisang dibdib ng dalawang nagmamahalan. Pagtatali ng dalawang puso sa harap ng mga saksi. Sakramento at basbas ng ating Panginoon. Pagpapahayag na ang kasal ay isang pundasyon ng dalawang nagmamahalan.

Bawat isa’y pangarap ang lumakad at humarap sa altar kasama ang kanilang minamahal. Bumuo ng pamilya at magpalaki ng mga supling. Pamilya ay isang pundasyon na nagiging gabay ng bawat isa. Ina ang ilaw ng tahanan at ama ang haligi ng tahanan. Tayong mga anak ang iikot sa kanilang mundo.

Sarap tumitig at isiping bukas, makalawa ay mayroon akong pamilya na bubuuin. Mga anak na aking aalagaan at bibigyan ng payo. Sanggol na iiyak sa gitna na iyong pagkakahimbing. Estudyanteng punong-puno ng pangarap at kabataang hindi mo maintindihan ang paguugali. Nais kong maranasan ang nararanasan ng iba.

Pwede naman bakit hindi… Sa edad ko kaya ko pang makahanap ng taong aking makakasama habang buhay. Sabi nga dadating ‘yan, wag mo hintayin. Totoo nga ba na may laan pa para sa akin gayung tumigil ang aking ilusyon simula ng makilala ko siya.

Tumatakbo ang buhay sa isang bula na maglalaho din. Relasyong masaya kung tingnan ngunit luha ang haharapin. Punong-puno ng pagsubok ngunit nalalagpasan rin.

Taon na rin ang aming pagsasama at hindi maikakaila na talagang matatag ang aming samahan. Isang samahan na parang Husband and Wife. Kung ano ang pagkakaalam mo sa buhay may asawa ay ganun din ang takbo ng aming samahan. Live-in partner kung tawagin dahil wala pa namang kasal o anak upang  masabing pamilya.

Masaya ang bawat minuto ng aming pagsasama. 24Hrs walang sablay kaming magkasama sa araw ng walang pasok sa trabaho. Hindi aalis ang isa ng hindi kasama ang isa. Naging mag best friend, friend, tropa, barkada, nanay, tatay, kapatid at kung ano-ano pang relasyon na maitatawag.  Walang kaibigan at tanging ang isa’t isa ang kasama at pinagkakatiwalaan, magkaramay sa pagsubok at luhang puro sakit at hinanakit ang nararamdaman. Magkasamang tatawa sa mga bagay na simple ngunit nagiging simbolo ng magandang buhay. May away man ngunit mas masaya at memorable ang aming samahan. Bawat minuto ay mahalaga para sa amin.

Ngunit sa gitna nito ay may kulang. Nagkalamat ang aming samahan. Hindi sa naghiwalay kami o nag-away ngunit dahil sa sitwasyong kanyang tinago sa akin at dahil sa lakas ng loob, aking nalaman ang katotohanan. Hindi niya ako niloko o ano man ngunit sinabing hindi daw niya ako kayang pakasalan. Ibibigay ang lahat sa akin, kunin ang lahat sa kanya ngunit ‘wag ang kasal dahil hindi niya kaya’. Hindi na ako isang birhen upang iharap sa Panginoon. Masakit ngunit sa akin ay may pagkukulang kaya naman aking napagdesisyunan na ipagpatuloy ang magandang samahan. Binalik ang normal na buhay at patuloy na nabubuhay magkasama.

Sinunod ko ang aking nararamdaman dahil sa katotohanan, hindi ko siya kayang mawala. Kinalimutan ang paghahangad ng isang kasal. Tinanim sa isipan na walang Husband and Wife sa aking mundo. Walang kasal na lalakad at haharap sa altar. Walang kasal na pagkakaabalahan.