Mahal Kong Inay,

Marahil ay mahirap para sa inyong basahin ang liham kong ito, kaya naman pauna ko ng ibinilin kay Kuya ang pagbabasa nito. Kumusta na po kayo? Halos magsasampung taon na rin ng huli tayong magkita, Inay. Naaalala ko pa ang araw na halos ayaw ninyo akong pakawalan ng Itay habang mahigpit na yakap sa paliparan. “Para sa inyo ito”, ang paulit-ulit kong binubulong habang hindi ko na rin mapigil ang mga luha. Hindi ko maihakbang ang aking mga paa habang mahigpit na hawak ni Itay ang aking mga kamay. Noon ko lamang siya nakitang umiyak. “Hihintayin namin ang pagbabalik mo anak” Mga salitang patuloy na nagbibigay sa akin ng lakas upang araw-araw na lumaban sa buhay.

Hindi pala talaga madali ang buhay dito sa ibang bansa,Inay. Sa mga unang buwan, halos gabi-gabi akong umiiyak at pilit na sinisikil ang lungkot. Dito, wala ang pag-aaruga na nakasanayan ko buhat sa inyo. Wala ang nakasanayang pagkain na palaging nasa hapag-kainan. Oo nga at halos karne, mamahaling de lata at isda ang mga andito ngunit iba parin ang sinangag at tuyo na paborito naming magkakapatid. Sasabayan mo ito ng mainit na tsokolate upang mas lalo kaming ganahan bago pumasok sa eskwela. At sa paguwi, matiyaga kang nagaantay at nakikinig sa mga baon naming kwento.

Hindi sa lahat ng panahon ay may mga kapwa Pilipino akong matatakbuhan at makakausap, Inay. Kaya naman sa panahong dumating ang problema at lungkot, ang larawang pabaon ni Itay ang aking kaagapay. Doble o minsan triple ang sahod dito sa ibang bansa Inay ngunit makalibong beses ang pagdurusa na kinakaharap ng mga tulad kong malayo sa pamilya. Salamat dahil tinuruan ninyo akong maging matatag at maniwala na bawat pangarap ay mararating kung gugustuhin. Lahat ng sakripisyo ay may kaginhawaan.

Salamat sa paulit-ulit na paalalang huwag na huwag sumuko sa mga oras na ayoko ng lumaban, Inay. Ilang beses na nga ba ninyong narinig ang pagkabigo ko sa pag-ibig? Sa bawat pagkabigong iyon, tahimik kayong nakikinig at nakikidalamhati. Tinulungan ninyo akong tanggapin ang bawat sakit na parte ng buhay ng isang tao. “Walang sugat na hindi pinapagaling ng panahon,anak” ang palagian mong paalala.

Salamat sa labis na pag-aaruga, Inay. Sa pagsusumikap upang mapagtapos lamang kami ng pag-aaral. Wala kaming ibang mamanahin kung hindi iyon lamang, ang sagot mo kapag isa sa amin ay nagtatangka ng tumigil at tumulong na lamang sa inyo ng Itay. Sa mga panahong kami ay may karamdaman, hindi ka matutulog upang kami ay bantayan lamang at ipaghele. Halos libutin mo ang buong bayan upang mangutang at madala mo kami sa pagamutan. Iniisip mo muna kaming iyong pamilya bago ang iyong sarili. Nakakalungkot dahil noong bata ka, maaga kang naulila sa ina at hindi mo kailanman naranasan ang mayakap, ipaghele o kahit ipaghanda man lamang. Ang katuwiran mo, “Ayaw kong danasin ng aking mga anak ang pakiramdam ng isang walang ina.”

Salamat sa walang tigil na suporta Inay. Ilang ulit ninyong pinigilan ang aking pasya na mangibang bayan, “Hindi na baleng asin ang araw-araw na ulam, ang mahalaga ay magkakasama tayo.” Ngunit wala kang nagawa ng palihim akong nagpasa ng mga papeles sa isang ahensya patungo sa ibang bansa. Ilang araw mo rin akong hindi kinibo ng malaman mo ang aking pag-alis.

Salamat dahil tinulungan mo akong maging isang mabuting tao. Hinubog mo ako na may takot sa Diyos, may pagmamahal sa kapwa at may respeto sa sarili. Hindi na ako gaanong takot sa dilim Inay, nakakaya ko ng isipin na sa dulo nito ay ang liwanag na aking hinahanap.

Malapit na tayong magkita muli Inay. Antayin mo ang aking pagbabalik.

Nagmamahal,
Ang iyong bunso