Photo courtesy of http://apieceofkeyk.files.wordpress.com

 Katatapos lang naming mananghalian nung araw na ‘yon. Gusto ko lamang maibsan kung ano man nararamdaman niya. Gusto kong makita ang guhit ng ngiti sa kanyang labi. Nay, ba’t nyo po ako kinuha noong ibingay ako sa inyo? Sobrang ganda ko ba noon kaya di mo ako matanggihan? Tumingin lang sya sa akin habang pinipigil ang kanyang ngiti. Nais kong marinig ang kanyang tawa kaya itinuloy ko ang pangungulit sa kanya.

Nay, ba’t di nyo ako binalik ng gusto na akong kunin ng aking tunay na ina? Pero lumamlam ang kayang mga mata at paiwas syang sumagot. Lumayo ka nga, masyado kang makulit.

 Nay, yan parati ang bukang bibig ko. Nay, inaantok na ako. Tatabi siya sa akin kasi alam niyang di ako makakatulog ng hindi nakahawak sa tenga nya. Nay, masama po ang pakiramdam ko.Kahit nasa college na ako, siya pa rin ang taga handa ng kailangan ko, sya pa rin ang nagpapaalala kung oras na ng gamot ko, tagapahid ng vicks sa likod at dibdib ko at maging sa pagtulog ko tinatabihan ako para masiguradong okey ako. Nay, nagugutom po ako. Kahit alam niyang kaya ko naman magluto, siya pa rin maghahanda ng paborito kong pagkain. Nay, ubos na po ang allowance ko. Pang-isang linggo ko na allowance pero Miyerkules pa lang ubos na. Kahit nagsesermon siya, nagbibigay naman pagkatapos. Nay, may nakasagutan po ako. Magtatanong sya kung sinong may kasalan, pero alam ko naman na kahit ako ang may kasalan papanig pa rin sya sa akin, yun nga lang pupunuin ka muna niya ng maraming salita.

 Nay, salitang pantawag ko sa babaeng hindi ko naman ina. Mula’t sapol naman alam ko na hindi ko sya tunay na ina. Hindi ko direktang narinig sa kanya, nakalakihan ko na rin, kasi nga naman ‘pag tinawag pangalan ko, kasunod nun ‘ampon ako ng nanay ko’. May mga anak rin sya kaya’t parang naging bunso nila ako. Tinuring din akong kapatid ng mga anak nya. Spoiled nga ako sa kanila pero di rin naman ako nakakalampas ‘pag may ginawa akong kalokohan. Mga anak niya ang taga-disiplina sa akin. Sa bawat parusang natatanggap ko, siya pa rin ang tagasalba ko. Siya ang tagakalas ng tali kapag itinali ako ng anak niya kasi masyado akong gala. Siya ang tagapagbukas ng pinto ‘pag pinagsasarhan ako kasi lampas na naman ako sa curfew.

 Halos lahat nga ng kaarawan ko, siya ang unang tao na bumabati sa akin. Ni minsan di ko naramdaman na ‘di ako galing sa sinapupunan niya. May pet name din ako sa kanya na siya lang talaga ang tumatawag sa akin nun. Noong una naiinis ako oras na marinig ko yun kasi alam ko kasunod nun utos pero nung huli parang naging pampagaan ng loob ko. Ngunit di ko akalain na unti-unti pa lang mawawala ‘yon.

 Kagagraduate ko lang sa college nun ng matuklasang may brain tumor sya. Parang pinatapak niyang lang ako sa entablado at ginustong makita na inaabot ko ang aking diploma. Sumailalim siya sa isang maselang operasyon. Akala ko magiging okey sya ngunit sa bawat araw parang lobo syang nawawalan ng hangin. Nakikita kong lumalaban sya. Gusto nyang makabalik sa normal uli, ‘yong nakakalakad..’yong nagagawa nya lahat. Minsan nga gusto niyang umihi di nya ako ginising kasi alam nyang kakahiga ko rin lang mula sa pagrereview para sa board exam ko…Pinilit niyang tumayong mag-isa…nagulat na lang ako sa isang malakas na bagsak..natumba siya, alam kong tumama ang kanyang ulo hindi ko lang alam kung saan pero di niya sinabi, okey lang daw siya. Alam kong ayaw niya lang sisihin ko ang sarili ko.

 Lumipas ang araw, linggo, buwan pero di ko nakita ang paggaling niya. Ipinagdasal ko pa nga na okey lang Po na di na ako makapasa basta po gumaling lang nanay ko. Pero parang baliktad ang pagkarinig Niya sa dasal ko. Unti-unting siyang pumapayat hanggang sa puwede ko na siyang kargahin. Marami akong katanungan sa kanya. Mga katanungang mararamdaman ko naman ang kasagutan. Nay, marahil hindi mo na ako ibinalik sa aking tunay na ina kahit kinukuha niya na ako  kasi sa unang karga mo pa lang sa akin tinuring mo na akong anak. Nay, hindi mo na ako binigyan nga pagkakataon na maibalik ko sa iyo ang lahat na kabutihan mo kasi ang pagmamahal mo sa akin bilang ina ay hindi naghihintay ng kapalit.

 Hinanda ko na ang sarili ko sa puwedeng mangyari pero kahit kailan pala hindi ka magiging handa. Sabi ko sa kanya, Nay, kung nahihirapan ka na puwede ka ng bumitaw. Kaya ko na po. Pero…ang sakit…ang  pangungulila….buong buhay ko pa lang mararamdaman. Nay, katagang kailan man wala ng tutugon.

 Ineng, tinitawag ka na. Ikaw daw ang susunod na magpapapicture. Tumingin lang ako sa babae. Hindi, ayoko..gusto ko lahat na larawan na kasama siya ‘yong nakatawa kami pareho. Masaya.  Nay, ayoko ng larawang magkasama tayo pero ikaw ay nasa kabaong.