Home » CULTURE, MISCELLANEOUS » Buhay Pa Si Pepe

Buhay Pa Si Pepe

Ang pangalan ko’y José Protasio Rizal Mercado y Alonzo Realonda, Pepe kung akoy’ tawagin noong bata pa. Ako’y ipinanganak noong ika-19 ng Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna. Ako ang pambansang bayani ng Pilipinas at magpasahanggang ngayon, ako’y nabubuhay pa…….

“Ang tao’y sadyang may kasamaan, na kailanma’y nagpapakalabis pag nakatagpo ng umaalinsunod.”

Ang kabataan raw ang pag-asa ng bayan ayon kay Dr. Jose Rizal, gusto kong maniwala sa sinabi niyang ‘to. Kabataan ang siyang lulupig sa mga maling pamamalakad na umiiral sa ating bansa. Ang sarap pakinggan, nagpapatunay lamang na mayroon pang pag-asa at hindi pa huli ang lahat sa ating mga Pilipino. Mayroon pang pag-asa sa mga darating na henerasyon ng ating kabataan…..ngunit kailan pa? Isang milenyo na marahil ang lumipas matapos ang henerasyon ng ating mga bayaning nakipaglaban para sa ating bayan upang makamit natin ang ating kalayaan. Ngunit nagtagumpay nga ba sila? Nagawa nating maging malaya mula sa isang marahas na pananakop mula sa mga dayuhan ngunit magpasahanggang ngayon ay alipin pa rin tayo ng ating mga sarili. Alipin pa rin tayo ng isang bayang mapanghusga, maramot, at hambog. Alipin tayo ng mga pahayagang nag-uulat lamang para sa kanilang ikabubuti at mga palabas na malinaw na walang katuturan. Magpasahanggang ngayon ay inaalipin pa rin tayo ng mga taong nasa katungkulan na nagsasabing may mangyayaring pagbabago sa sistema at magkakaroon ng pag-unlad. Nasaan ang pagbabago? Nasaan ang pag-asa? Ilang henerasyon pa ang kailangang dumaan para makamit natin ang ating kalayaan mula sa ating mga sarili? Ilang milenyo pa ang darating bago magkaroon ng pagbabago sa sistema? Sistemang hindi para sa napakaraming mahirap nating kababayan. Sistemang nagsasabi ng mga kasinulanginang lalo pa tayong nilalayo sa kamalayan at kapag tayo’y namulat na sa mga katotohanan, nakakalungkot man ay huli na ang lahat.

“It is a useless life that is not consecrated to a great ideal. It is like a stone wasted on the field without becoming a part of any edifice.”

Ako si Joseph, ipinanganak ako noong ika-19 ng Hunyo 1991, lumaki ako sa Maynila…Isa lamang akong tipikal na teenager, malapit na akong makatapos sa kolehiyo. Medical Technology ang kurso ko. Kumuha ako ng kursong medtech hindi dahil sa ito ang gusto ng mga magulang ko para sa akin. Ito ang kinuha ko dahil gusto kong maging doktor balang araw. Working student lamang ako, kinailangan kong magtrabaho habang nag-aaral sapagkat hindi sapat ang kinikita ng aking Ama at Ina para matustusan ang pag-aaral ko, kailangang makatulong ako sa kanila. Apat na taon na akong nagtatrabaho sa isang fastfood chain malapit sa aming eskwelahan at sa wakas magbubunga na rin ang paghihirap ko. Ikinukwento ko ito sapagkat proud ako sa aking sarili at sa aking mga magulang. Makakaraos na kami sa hirap, hirap na dulot ng mga taong makapangyarihan na nagsasabing matutulungan nila ang mga kagaya namin. Isa akong aktibista sa aming paaralan, mulat ang aking isipan sa bulok na sistema sa ating bansa. Hindi nila malalason ang aking isipan. Alam kong tayo’y alipin pa din ng mga taong umaabuso sa kapangyarihan, tayo ang nagsisilbi sa kanila upang magkaroon sila ng magandang buhay at tayo’y nananatili at nakukuntento na lamang sa mga pangako nilang balang araw ay magkakaroon ng pagbabago. Ilang araw na lamang at graduation ko na, sabik na ang aking mga magulang na makita ang nag-iisa nilang anak na umakyat sa entablado ng mga pangarap…..Ngunit isang gabi ay hindi na ako nakauwi ng aming tahanan. Sa paglabas ko ng aming paaralan isang gabi ay nag-aabang pala sa akin ang kapahamakan, sila na mayroong kamay na bakal at mapang-usig. Narating ko ang malayong lugar, isang lugar na hindi makikita ng sino man. Naging matagal ang paghihirap saka pa lamang naging mapayapa ang lahat…..Ako si Joseph..lumaki sa Maynila..nag-aral..umibig..nangarap makaraos sa hirap..naghanap ako ng pagbabago…..ako’y isang kathang isip…..ngunit ako’y buhay.

“The Filipinos are worth living for.”

Ang pangalan ko’y José Protasio Rizal Mercado y Alonzo Realonda, Pepe kung akoy’ tawagin noong bata pa. Ako’y ipinanganak noong ika-19 ng Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna. Ako ang pambansang bayani ng Pilipinas at magpasahanggang ngayon, ako’y nabubuhay pa…..ako’y nabubuhay pa sa mga taong nagnanais ng kalayaan mula sa mapanlinlang na sistema ng ating bansa.


©Copyright 2011, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


Author: longlivefilipinos

I am a Filipino. I want freedom.

You may also like:

7 Responses to Buhay Pa Si Pepe

  1. Mahalin natin ang alaala ng bayaning si Dr. JOSE RIZAL.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>