Ang pamosong website na nilikha ng prodigong si Mark Zuckerberg upang paglapitin ang mga tao at makipagkaibigan, ang FACEBOOK. Pero iyon nga ba ang tamang nangyayari?

Nakakapagtaka lang talaga na sa tuwing magbubukas ako ng account ko sa social network na ito ay hindi nawawalan ng bagong notifications. Mga request ng kung sinu-sinong hindi ko naman kakilala, mga news feeds na hindi interesante at nakakasikip lang sa dingding ng profile ko at mga kakaibang statuses ng iba-ibang lahi kong kaibigan. Kakaiba para sa akin, ewan ko lang sa inyo! ?

5000. Ito lamang ang maximum na dami ng tao na pwede mong i-add para maging friends. Pero ilan ba talaga dito ang tunay mong kaibigan, tunay na kakilala o nakita na sa personal. Isa ka ba sa mga taong may 5000 friends? Sana gumawa ka na lang ng fanpage o sarili mong website baka sakaling kumita ka pa. Ang iba gusto lang maging in o ayaw magpahuli sa paramihan ng friends. Kaya i-aadd na lang kung sinu-sino ang matipuhan kahit walang kaugnayang personal. Para saan, dahil kailangan mo ng “neighbors sa Zynga”, kailangan mong makaquota dahil may ibinebenta ka, o dahil gwapo, maganda o cute iyong profile picture niya?

At pagkatapos, ano, ise-segregate mo sa privacy settings para hindi makita ang private photos o kung ano mang pinaggagawa mo sa araw-araw. Dahil iyong iba ay hindi naman talaga tunay na kakilala. Eh bakit mo pa sila idinagdag? Sa bagay, mabilis lang naman mag-alis ng virtual friends kahit walang pasabi, just click “Unfriend”. But, what kind of friend are you? ;( Para ka lang nagtapon ng basura pagkatapos mong i-segregrate.

Ito pang isa.

Ang pabago-bagong status. Mga status na ‘pag minsan ay hindi mo maintindihan dahil ibang lingguwahe. Hindi lang once a day nagpapalit ng status, iyong iba twice o thrice a day pa. Parang prescription lang ng doctor, parang medicinal drugs na kapag hindi mo nagawa, you won’t feel well.

Mayroong mga status na pang blind item at mayroon namang pertaining directly to someone. Iyong iba COPY-PASTE na, RESHARED pa. Paulit-ulit ng nabasa kahit noong nakaraang buwan pa nakita na. Pero ang mahirap tanggapin ay mga status na may halong yabang at mga nonsense. Tinatanong ng facebook kung ano ang nasa isipan mo HINDI kung ano ginagawa mo (What are you doing?). Hindi rin tinatanong kung anong pinakamagandang bagay ang nagkaroon ka na wala ngayon ang iba. At lalong hindi tinatanong kung anong ulam ang kinain mo kahapon o anong meryenda ninyo mamaya.

Halimbawa na lang sa mga ilang nabasa kong statuses:
“Bought a new car and planning to upgrade it soon”
“ay nandito sa Bora for 1wk. Evryday Party wid d stars!!”
“Lechon, pasta, salad + 2L coke ang hapunan namin”

What will you write next on your status? That you dump your pooh-pooh in your backyard o kaya naman “I will have sex later at 12noon with (tagging a name)”. Pwede naman nating i-rephrase ang mga ito but still can inspire other persons gaya ng:
“After working for so long, I got my aspiration, my new ride”
“I’m enjoying my stay in the most beautiful beach in the Phil.”
“umaasa ko ng isang masayang hapunan kasama ng aking pamilya mamaya”

Minsan pa kahit problema sa kasintahan ipinapaalam “Kung MANGBABAE ka, huwag yun LANTARAN sa facebook!” o kaya naman paninira sa ibang friends, “Ayaw ko ng gulo, gawin mo gusto mo”. Kailangan pa bang ibroadcast in public ang mga ganitong klaseng statuses? Hindi mo lang alam ikaw na pala ang headline ng tsismis. Like I care kung mabasa ko man iyang mga status na ‘yan! Anong pakialam ko sa problema ng iba eh may sarili din akong problema noh! Kung gusto mo ng advise mag-PM ka (private message) hindi ‘yong nag-aantay ka ng comment ng iba. Nag-iiwan ka lang ng tanong sa isipan ng friends mo kung sila ba ang pinariringgan mo.

Ano ba talaga ang nasa isip ng mahigit 800milyong account sa facebook? Bakit ba bumili ng smartphone? Ano na ba ang purpose ng computer sa bahay? Napakadaling baguhin ng status sa profile at magcomment sa dingding ng iba, pero mahirap magtext sa mahal sa buhay para kamustahin sila (hindi ko nilalahat pero mas madaming iilan). Ang swerte naman ng recently-known friends, mas may oras ka pa sa kanila.

Paggising sa umaga, sa trabaho, sa mall, habang nasa transport vehicle o bago matulog, sinisiguradong “hindi lilipas ang araw ay makakapaglog-in ako” dahil kung hindi ay mas mabuti pa malipasan ng gutom o huwag mag-aral. Dinaig pa ang manood ng balita upang malaman ang mga pangyayari o makipag-usap ng harapan sa tao. Pwede kong sabihin na we are not living anymore in reality, we are living virtually.

Bibigyang pansin ang bawat bagong balita sa wall. Magkokomento, tititigan ang litrato, palitan ng kuru-kuro. At ‘pag wala ka ng magawa ay paulit-ulit mong iki-click ang “HOME” at “News Feed” button sa profile mo hanggang sa masira na lang ang touchpad.

Sa bandang huli, hindi mo nahalata lumipas na pala ang oras ng walang makabuluhang nangyayari.

Nasayang lang ang lahat… sayang! :(

Hindi naman masamang gumamit ng mga website na gaya ng social network na ito, pero sana nagagamit natin ng tama at may kabuluhan. Tratuhin ng ayos ang mga kaibigan at mas bigyang oras ang mga minamahal. Maraming salamat. Vow! :)

Ito ay pawang opinyon ko lamang na sumasagot sa katanungang “What’s on our mind?”.
[email protected]

Enhanced by Zemanta