Grabe na ang teknolohiya ngayon. Halos mawindang ka sa dami ng naglalabasang gadgets, bagong pampaganda at pampalaki ng katawan, bagong tuklas na gamot, bagong gawang robot at sa maniwala ka sa hindi…bagong klase ng relasyon. Ilang buwan pa lamang ng umuwi ako sa kinagisnang bayan, at sa dalawang taong pagkawala, masasabi kong napa “ohmygulay” ako sa kabi-kabilang establishment na nagsulputan, naglipanang touch screen cellphones at nauusong ‘pseudo-relationship’.

Pseudo what?!

Sa mga nakakaalam, maari nyo munang itikom ang bibig at pigilan ang “Bwahahaha! Hindi mo alam? Uso na ngayon yan!” side comment alang alang na lang sa benepisyo ng mga iilang hindi pa nakakaalam. “Pseudo” na ang ibig sabihin ay false, sham, peke o pirated. Idugtong mo ang salitang relationship. Pekeng relasyon. Oo, pati relasyon ngayon napipirata na rin. Hindi ito katulad ng pekeng relationship status mo sa facebook na nilagay mo para makita ng ex mo at isiping hindi ka bitter.

“Ha! Kalokohan! Sinong tanga at walang utak ang papasok sa ganyang klase ng relasyon? Nakakatawa! (jejeje)”

Sa maniwala ka o sa hindi dumarami ang ganitong klaseng relasyon. Set-up na pwedeng may verbal agreement, pwedeng wala o pwede ding dinaan pa sa blood compact. Walang pormal na ligawan, pwedeng nagkasabay lang kayo sa pagtuhog ng fishballs o nagkatabi sa computer shop. Maaring ang isa ay commited o maaring pareho kayong single. More than friends but not quite lovers.

Sino ang gusto ng pekeng relasyon?

1) Fear of Commitment
Isa sa pro’s daw ng relasyong ito ay ang “no ownership at no responsibility” status. Ang ganda nga namang isipin na wala kang boyfriend na aalahanin kung kumakain ba ng maayos o kung naglagay ng panyo sa likod. Walang selosang mangyayari kahit na halos magkastiff neck na sya kakalingon sa babaeng kulang sa tela ang suot at higit sa lahat, makakatipid ka dahil walang monthsary o anniversary na i-cecelabrate. No us. Only you and me. Tanong ko lang, bakit kaya hindi nalang kahoy o bato ang pinili mo? Mas madali ang buhay maniwala ka. Tulad na lang halimbawa ng, maisasama mo ang kahoy/bato kahit saan…field trip sa Basilan o kahit surfing pa sa Manila Bay. Try mo, promise.

2) Kilig Factor
May everyday messages kang natatanggap bukod sa alert messages ng Smart na “Ringtone ba hanap mo? Send DIKOKAYANGTANGGAPIN to 8298″. Masarap nga naman gumising kung may sweet messages galing sa ‘peke’ mong boyfriend. May inspirasyon sa isinusumpa mong trabaho. May taga aliw sa bad hair days mo. Kakwentuhan. Kasuntukan. Sa oras naman na hindi sya magparamdam, wala ka namang right para magalit at magdemand. Kahit ang pasa load na pinadala mo ay hindi mo pwedeng singilin at bawiin. Bawal. Ang “Ano ba! Ubos na kuko ko kakakagat at kakaantay ng text mo!” ay para lang sa pandinig ng pader na tinititingan mo.

3) Need to Feel Loved
Katwiran mo “pseudo-relationship” is better than no relationship at all. Naks! Hanep! Parang sagot lang ng beauty queen sa “What is the essence of being a cockroach?” Oo nga naman, sino ba ang ayaw na magkaroon ng isang taong nagmamahal? Marami ang kailangan pang ikutin ang mundo makita lang ang taong nakalaan para sa kanya. It can be a hollow feeling to think na nobody loves you. Pero matanong ko lang, sagot ba ang isang relasyon para maging masaya ka? You get into this ‘pekeng’ relasyon in search for one true love, not knowing you only end up feeling more unloved than before. Dahil sa klase ng larong ‘toh, unang mainlove, TALO. Game over.

4) Still Hoping for “Balikan”
Kahit anong gawin mo, hirap ka talagang makapagmove on. Nagpatawas ka na sa kilalang albularyo ng tatay mo. At nagsindi ka na ng iba’t ibang kulay ng kandila, mula sa dilaw, berde, pula at itim. Wa epek! Mahal mo pa talaga ang balasubas at manloloko mong ex. Kaya naman nang minsang magtext sya ng “eOw pOh!mZtA n PeWh?” eh mabilis pa sa alas kwatrong “eOw Dn PeWh, mAbUhTeh” ang reply mo. Hanggang sa ang kumustahan ay naging “kItAh PeWh TeUh” nauwi. Ano ngayon kung sila pa rin ng girlfriend nyang lamang ka ng kalahating tabong ligo? At ano ngayon kung parang mang-aagaw ang dating mo? At mas lalong ano ngayon kung yung “No us,only You and Me” status nyo eh reresulta ng balde baldeng luha ng tunay na girlfriend nya? Ohmegahd!

5) Testing Lang Muna
Nasaktan ka na ng ilang beses at ang pakikipag relasyon ulit ang pinakahuling bagay na naiisip mong gawin. Pero makulit ang isang toh, panay like sa mga FB pictures, links, videos at pati status mong “^^^” ay umani ng isang like galing sa kanya. Alam nya ang history ng lovelife mo kaya naman sya din mismo ang nagsuggest na bakit hindi nyo subukan. Trip trip lang. Allowed ang hawakan ang kamay, kissing, at paminsan minsang date sa Luneta. Pati mga kaibigan mo, naglalagas na rin ang buhok sa estado ng relasyon meron ka. “Sila ata..pero hindi. Ewan”.

Nakakalungkot isipin na lumabas ang ganitong klaseng relasyon dahil sa kagustuhan nating magmahal at mahalin. Kahit ‘peke’, kahit hindi totoo. Sa bilis ng pag-ikot ng pagbabago, pati pananaw sa kung ano ang relasyon ay kasabay na ring naaapektuhan. Pseudo-realationship, a ticket to heart-break express. Walang pumipigil sa’yo kung nasa kasalukuyan kang klase ng relasyon. Pero tandaan mo, ang relasyon lang ang pirated, hindi ang sakit na maari mong maramdaman sa huli.